Tanong
Ano ang papel na ginagampanan ng mga kababaihan sa ministeryo?
Sagot
Ang mga babae sa ministeryo ay isang isyu na maaring magkasundo o hindi magkasundo ang mga Kristiyano. Ang punto ng paghihiwalay ay ang mga sitas sa Kasulatan na nagbabawal para sa mga babae na magsalita sa iglesya o “magtaglay ng awtoridad sa mga lalaki” (1 Timoteo 2:12; cf. 1 Corinto 14:34). Ang hindi pagkakasundo ay nagugat sa usapin kung ang mga talata bang ito ay naaangkop para lamang sa panahon ng Bibliya kung kailan sila isinulat o maging sa panahon ngayon. May mga naniniwala na dahil wala ng “Hudyo o Griyego…lalaki o babae…kundi ang lahat ay iisa na kay Kristo” (Galacia 3:28), malaya na ang mga babae na magkaroon ng anumang papel sa ministeryo na para din sa mga lalaki. May mga naniniwala naman na mailalapat pa rin sa ngayon ang 1 Timoteo 2:12, dahil ang basehan ng utos ay hindi kultural kundi sa pangkalahatan, at nagugat ito sa kaayusan ng Diyos sa paglikha (1 Timoteo 2:13-14).
Idinetalye sa 1 Pedro 5:1-4 ang mga kwalipikasyon para sa matatanda sa iglesya. Ang salitang Griyegong Presbuteros ay ginamit ng 66 beses sa Bagong Tipan upang ilarawan ang “isang lalaking tagapangasiwa.” Ito ay pangngalang panlalaki. Ang pangngalang pambabae na presbutera, ay hindi ginamit kailanman sa Bibliya upang tukuyin ang mga matanda sa iglesya o mga pastor. Base sa kwalipikasyon na matatagpuan sa 1 Timoteo 3:1-7, ang papel ng isang matanda sa iglesya ay papel din ng obispo/pastor (Tito 1:6-9; 1 Pedro 5:1-3). Ayon sa 1 Timoteo 2:12, “ang isang babae ay hindi dapat na magturo o magkaroon ng awtoridad sa mga lalaki.” Makikitang malinaw sa mga talatang ito na ang posisyon ng mga matanda sa iglesya at pastor - na dapat ay marunong ding magturo, manguna at mamahala sa espiritwal na paglago ng kanilang kongregasyon (1 Timoteo 3:2)—ay para lamang sa mga lalaki.
Gayunman, lumalabas na ang tanging gawain na nakatalaga para sa mga lalaki ay para lamang sa mga obispo/pastor/matanda sa iglesya. Gayunman, laging may ginagampanang mahalagang papel ang mga kababaihan sa paglago ng iglesya. Mga babae ang ilan sa nakasaksi sa pagpapako kay Kristo kung kailan nagsitakas ang karamihan sa mga alagad (Mateo 27:55; Juan 19:25). Mataas ang naging pagtingin ni Pablo para sa mga babae at maraming babae ang kanyang binanggit ang pangalan at binati sa kanyang mga sulat sa iglesya (Roma 16:6, 12; Colosas 4:15; Filipos 4:2-3; Filemon 1:2). Tinawag ni Pablo ang mga babae bilang mga “kamanggagawa,” at malinaw na naglingkod sila sa Panginoon para sa kapakanan ng buong iglesya (Filipos 4:3; Colosas 4:15).
Ang mga posisyon ay nilikha ng unang iglesya upang katagpuin ang mga pangangailangan ng katawan. Bagama’t maraming modernong iglesya ang pinag-isa ang posisyon ng matanda sa iglesya at diyakono, magkaiba ang dalawang ito. Ang mga diyakono ay itinalaga upang maglingkod sa pisikal na kapasidad (Gawa 6:2-3). Walang malinaw na pagbabawal sa Bibliya para sa mga babae na naglilingkod bilang mga diyakonesa. Sa katotohanan, ipinapahiwatig sa Roma 16:1 na ang isang babaeng nagngangalang Febe ay isang iginagalang na diyakonesa ng iglesya sa Roma.
Wala ring malinaw na pagbabawal sa Kasulatan para sa mga babaeng naglilingkod bilang mga tagapanguna sa pagsamba, tagapagturo sa mga kabataan, o direktor sa ministeryo para sa mga bata. Ang tanging ipinagbabawal sa mga babae ay hindi sila dapat na magkaroon ng espiritwal na awtoridad sa mga lalaki. Dahil ang tinatalakay sa Kasulatan ay ang isyu ng espiritwal na awtoridad sa halip na sa tungkulin, anumang papel na ginagampanan ng mga kababaihan na hindi sila magsasanay ng espiritwal na awtoridad sa mga kalalakihan ay maaaring pahintulutan.
English
Ano ang papel na ginagampanan ng mga kababaihan sa ministeryo?