settings icon
share icon
Tanong

Ang mga babae ba ay nararapat na manatiling tahimik sa loob ng iglesya?

Sagot


Sinasabi sa 1 Corinto 14:33-35, "Sapagkat ang Diyos ay di nalulugod sa kaguluhan kundi sa kapayapaan. ng dapat mangyari sa lahat ng iglesya ng Diyos, ang mga babae'y kailangang tumahimik sa mga pagtitipon sa iglesya. Sapagkat hindi ipinahihintulot sa kanila ang magsalita sa gayong pagkakatipon; kailangang sila'y pasakop, gaya ng sinasabi ng Kautusan. Kung mayroon silang nais malaman, magtanong sila sa kanilang asawa pagdating sa bahay; sapagkat kahiya-hiyang magsalita ang isang babae sa loob ng iglesya." Sa unang tingin, aakalain na ito ay isang mahigpit na paguutos na hindi dapat magsalita man lamang ang mga babae sa loob ng iglesya. Subalit, sa parehong sulat ni Pablo bago ang mga talatang ito, (1 Corinto 11:5), binanggit ni Pablo na maaaring manalangin at mangaral ang mga babae sa loob ng iglesya at alam natin na ang mga nakatatandang mga babae ang nagtuturo sa mga nakababatang babae (Tito2:4). Kaya nga ang, 1 Corinto 14:33-35 ay hindi isang katuruan na ang mga babae ay hindi dapat magsalita sa anumang paraan sa loob ng iglesya.

Ang tinutukoy sa 1 Corinto 14, gayundin sa marami sa mga sulat sa Bagong Tipan ay ang kaayusan at ang istruktura ng pamunuan sa Iglesya. Kilala ang iglesya sa Corinto sa pagiging magulo at sa kawalan ng kaayusan sa kanilang mga pagsamba at mga pagtitipon (talata 33). Kapansin pansin na walang nabanggit na matanda sa iglesya o pastor sa aklat ng Corinto at ang mga "propeta" na naroroon ang may kontrol sa Iglesya (tingnan ang mga talatang 29, 32, 37). Ang bawat isa sa iglesya sa Corinto ay nakikisangkot sa lahat ng alam nilang gawin sa anumang paraan at panahon na gusto nilang gawin. Dahil dito, ang mga may kaloob ng pagsasalita sa wika ay nagsasalita ng sabay sabay habang ang iba naman na may "kapahayagan" mula sa Diyos ay sumisigaw ng walang pasintabi at walang nagnanais na malaman ang kahulugan ng mga wikang sinasabi ng nagsasalita ng wika kahit na naririnig ng lahat ang kanilang sinasabi. Ang mga pagtitipon sa Iglesya sa Corinto ay nauuwi sa kaguluhan.

Bahagi ng kaguluhan sa iglesya sa Corinto ay ang mga babae na nangangaral at nagsasalita ng ibang wika. Ang mga babaeng ito ay nangunguna sa pagsamba sa halip na magpasakop sa mga namumuno sa iglesya (tingnan ang 1 Timoteo 2:11-15). Malinaw din na ang mga babae sa Iglesya sa Corinto ay naglilingkod ng wala sa lugar at biglang sumisingit at nagtatanong habang idinadaos ang magulong pagsamba. Tinuruan ng Diyos ang mga babae sa Corinto sa pamamagitan ni Pablo na dapat silang "tumahimik sa loob ng Iglesya" (1 Corinto 14:34); ang pinakamalapit na konteksto ay ang pangangaral sa talatang 29-33, at ang mas malawak na konteksto ay ang pagsasalita sa ibang mga wika (tatala 27-28).Ang alituntuning ito sa pagsamba ay para sa "lahat ng kapulungan ng mga banal" (talata 33) hindi lamang para sa Iglesya sa Corinto. Kung ang sinuman ay tunay na may kaloob ng pangangaral, dapat niyang kilalanin ang awtoridad ni Apostol Pablo sa bagay na ito (talata 36-38).

Ang utos sa 1 Corinto 14:34 ay hindi nangangahulugan na hindi na talaga dapat magsalita ang mga babae sa loob ng iglesya sa lahat ng panahon. Sinasabi lamang ng talatang ito na hindi dapat makilahok ang mga babae sa pangangaral, pagsasalita ng ibang wika o pagpapakahulugan sa mga mga wika sa mga pangkalahatang pagtitipon ng Iglesya. Ang mga gawaing ito ay nakatalaga para sa mga lalaki sa Iglesya (tingnan ang 1 Timoteo 2:11-12).

Maaaring maglingkod ang mga babae sa iglesya at sila rin ay maaaring maging mga "kamanggagawa" sa ministeryo (Filipos 4:3). Ang isang hindi nila maaaring gawin ay ang magkaroon ng espiritwal na kapamahalaan sa mga may sapat na gulang na lalaki sa loob ng Iglesya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang mga babae ba ay nararapat na manatiling tahimik sa loob ng iglesya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries