Tanong
Ano ang Bagong Jerusalem?
Sagot
Ang Bagong Jerusalem, na tinatawag ding "tabernakulo ng Diyos," "Banal na Lunsod," ang "Siyudad sa Langit," "ang Siyudad na may apat na sulok," at "makalangit na Jerusalem," ay literal na langit sa lupa. Binabanggit ito sa Bibliya sa ilang mga talata (Galatia 4:26; Hebreo 11:10; 12:22–24; 13:14), ngunit inilarawan ito ng buo sa Pahayag 21.
Sa Pahayag 21, ang kasaysayan ng sangkatuhan ay nagtapos na. Lumipas na ang lahat ng panahon at natapos na ang kasaysayan. Tinipon na ni Jesus ang Kanyang iglesya sa pamamagitan ng pagdagit (1 Tesalonica 4:15–17). Natapos na ang Kapighatian (Pahayag 6—18). Nakipagdigma at nanaig na ang Panginoong Hesu Kristo sa digmaan sa Armageddon (Pahayag 19:17–21). Naigapos na si Satanas sa loob ng isang libong taon ng paghahari ni Kristo sa mundo (Pahayag 20:1–3). Isang bago at maluwalhating templo ang itinayo sa Jerusalem (Ezekiel 40—48). Ang huling paghihimagsik laban sa Diyos ay binigo at tinanggap ni Satanas ang karampatang parusa sa kanyang kasalanan— ang walang hanggang pagdurusa sa dagat-dagatang apoy (Pahayag 20:7–10.) Naganap na ang Dakilang Paghuhukom sa Tronong Puti, at nahatulan na ang lahat ng tao (Pahayag 20:11–15).
Sa Pahayag 21:1 gumawa ang Diyos ng Bagong Langit at Bagong Lupa (Isaias 65:17; 2 Pedro 3:12–13). Ang Bagong Langit at Bagong Lupa ang tinatawag ng iba na "walang hanggang kalagayan" kung saan "nananahan ang katuwiran" (2 Pedro 3:13). Pagkatapos ng muling paglikha, ihahayag ng Diyos ang bagong Jerusalem. Nakita ni Juan ang Bagong Jerusalem sa kanyang pangitain: "At nakita ko ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios, na nahahandang gaya ng isang babaing kasintahan na nagagayakang talaga sa kaniyang asawa" (Pahayag 21:2). Ito ang siyudad na hinihintay noon ni Abraham (Hebreo 11:10). Ito ang lugar kung saan mananahan ang Diyos na kasama ang Kanyang mga anak magpakailanman (Pahayag 21:3). Sa siyudad na ito, papahirin ng Diyos ang luha ng mga naninirahan doon (Pahayag 21:4).
Napakalaki ng Bagong Jerusalem. Isinulat ni Juan na ang sukat ng siyudad ay halos 1,400 milya ang haba, gayundin ang taas at luwang – isang perpektong kuwadrado— (Pahayag 21:15–17). Kagilagilalas din ang kagandahan ng lunsod sa lahat ng aspeto. Naliliwanagan ito ng kaluwalhatian ng Diyos (Pahayag 21:23). Ang labindalawang pundasyon nito, kung saan nakasulat ang pangalan ng labindalawang apostol, ay "napapalamutian ng lahat ng uri ng mamahaling bato" (Pahayag 21:19–20). Mayroon itong labindalawang pintuan kung saan naman nakasulat ang pangalan ng labindalawang lipi ng Israel (Pahayag 21:12, 21). Ang lansangan ng lunsod ay yari sa lantay na ginto (Pahayag 21:21).
Ang bagong Jerusalem ay isang lugar ng mga pagpapala na hindi kayang ilarawan ng tao. Wala na ang sumpa sa dating mundo (Pahayag 22:3). Nasa siyudad na ito ang puno ng buhay para sa kagalingan ng lahat ng bansa at naroon din ang ilog ng buhay (Pahayag 22:1–2). Ito ang lugar na tinutukoy ni Pablo ng kanyang sabihin: "Upang sa mga panahong darating ay maihayag niya ang dakilang kayamanan ng kaniyang biyaya sa kagandahang-loob sa atin kay Cristo Jesus" (Efeso 2:7). Ang Bagong Jerusalem ang ganap na katuparan ng lahat ng mga pangako ng Diyos. Ang Bagong Jerusalem ang lugar kung saan mahahayag ang buong kabanalan ng Diyos.
Sino ang maninirahan sa Bagong Jerusalem? Naroroon ang Ama at ang Kordero, si Hesu Kristo (Pahayag 21:22). Ang mga anghel ang magsisilbing bantay sa pasukan (Pahayag 21:12). Ngunit ang siyudad ay mapupuno ng mga tinubos na Anak ng Diyos. Ang Bagong Jerusalem ang makatarungang kabaliktaran ng makasalanang Babilonia (Pahayag 17), na wawasakin ng hatol ng Diyos (Pahayag 18). May siyudad ang masasama, at mayroon ding sariling siyudad ang Diyos. Saang siyudad ka kabilang? Sa Babilonia ba o sa Bagong Jerusalem? Kung sumasampalataya ka kay Jesus, ang Anak ng Diyos, na Siya ay namatay at muling nabuhay mula sa mga patay at hiniling mo sa Diyos na iligtas ka sa Kanyang biyaya at tinanggap ka Niya bilang anak, ikaw nga ay mamamayan ng Bagong Jerusalem. "At tayo'y ibinangong kalakip niya, at pinaupong kasama niya sa sangkalangitan, kay Cristo Jesus" (Efeso 2:6). Mayroon kang "isang manang di nasisira, at walang dungis, at hindi kumukupas, na inilaan sa langit para sa inyo" (1 Pedro 1:4). Kung hindi ka pa nagtitiwala kay Kristo bilang iyong Tagapagligtas, hinihimok ka namin na pagtiwalaan Siya. Iniimbitahan ka Niyang lumapit sa Kanya at magsisi sa kasalanan at sumunod sa Kanya: "At ang Espiritu at ang kasintahang babae ay nagsasabi, Halika. At ang nakikinig ay magsabi, Halika. At ang nauuhaw, ay pumarito: ang may ibig ay kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay" (Pahayag 22:17).
English
Ano ang Bagong Jerusalem?