settings icon
share icon
Tanong

Ano ang lakas at kahinaan ng argumento tungkol sa pagdagit sa mga mananampalataya o rapture bago ang 7 taon ng kapighatian (pre-tribulationism)?

Sagot


Kung paguusapan ang mga mangyayari sa mga huling araw, mahalagang tandaan na halos lahat ng Kristiyano ay nagkakasundo sa tatlong bagay:

1) May isang panahon sa kasaysayan na tinatawag na Kapighatian o paghihirap na hindi pa nararanasan ng buong sanlibutan; 2) Muling paparito ang Panginoong Hesu Kristo at;

3) Magkakaroon ng pagkabuhay na mag-uli ng mga patay at papalitan ang katawang namamatay ng katawang hindi namamatay na kilala rin sa tawag na rapture o pagdagit sa mga mananampalataya (Juan 14:1-3; 1 Corinto 15:51-52; 1 Tesalonica 4:16-17).

Ang katanungan ay kailan ba mangyayari ang pagdagit o rapture? May tatlong pangunahing teorya tungkol sa kapanahunan ng rapture. Ang mga ito ay ang mga sumusunod:

1) Pagdagit bago magumpisa ang 7 taon ng Kapighatian o pretribulationism;

2) Pagdagit bago ang 7 taon ng Kapighatian o midtribulationism at;

3) Pagdagit pagkatapos ng 7 taon ng Kapighatian o post-tribulationism. Ang artikulong ito ay partikular na tumatalakay sa pagdagit sa mga mananampalataya bago ang 7 taon ng Kapighatian (pre-tribulationism).

Itinuturo ng mga Pre-tribulationists na magaganap ang pagdagit o rapture bago maganap ang Kapighatian. Bago magumpisa ang Kapighatian, kakatagpuin ng Iglesya si Kristo sa hangin at pagkatapos ng ilang panahon, mahahayag ang antikristo at magsisimula ang Kapighatian. Sa ibang salita, ang pagdagit o rapture at ang muling pagparito ni Hesu Kristo (upang itatag ang Kanyang kaharian) ay pinaghihiwalay ng 7 taon. Ayon sa paniniwalang ito, hindi na daraan pa ang Iglesya sa Kapighatian.

Sinusuportahan ng mas maraming mga talata sa Bibliya ang pre-tribulationalism. Halimbawa, sinasabi sa 1 Tesalonica 1:9-10, 5:9 na tayo'y hindi itinalaga ng Diyos sa galit at hindi tayo maiiwan sa Araw ng Panginoon (1 Tesalonica 5:1-9). Pinangakuan ang Iglesya sa Filadelfia na "iingatan sa oras ng pagsubok na darating sa buong daigdig, upang subukin ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa" (Pahayag 3:10). Pansinin na ang pangako ay hindi iingatan habang dumadaan sa pagsubok hundi iingatan sa mga oras ng pagsubok.

Sinusuportahan din ang Pre-tribulationism ng mga bagay na wala sa Bibliya. Ang salitang ‘Iglesya’ ay binanggit ng 19 beses sa unang tatlong kabanata ng Aklat ng Pahayag, ngunit, kapansin-pansin na hindi na muling ginamit pa ang salitang ‘Iglesya’ mula sa ikaapat (4) na kabanata hanggang sa ikadalawampu’t dalawang (22) kabanata ng Pahayag. Sa ibang salita, sa mahabang paglalarawan sa Kapighatian sa aklat ng Pahayag, ang salitang ‘Iglesya’ ay hindi na nabanggit pa. Sa katotohanan, hindi nabanggit ni minsan ang salitang ‘Iglesya’ sa alinmang talata na may kinalaman sa Kapighatian.

Ang Pre-tribulationism ang tanging teorya na malinaw na pinananatili ang pagkakaiba sa pagitan ng Israel at ng Iglesya at nakikita ang magkahiwalay na plano ng Diyos para sa bawat isa. Ang pitumpung pito sa Daniel 9:24 ay itinakda para sa mga kababayan ni Daniel (mga Hudyo) at sa kanilang banal na lunsod (Jerusalem). Ang hulang ito ay malinaw na nagsasaad na ang ikapitumpung linggo (ang Kapighatian) ay ang panahon ng paglilinis at pagpapanumbalik ng Israel at Jerusalem, hindi ng Igleysa.

Gayundin naman, sinusuportahan ng kasaysayan ang pre-tribulationism. Mula sa Juan 21:22-23, makikita na ipinapalagay ng unang Iglesya na nalalapit na ang pagbabalik ni Hesus at maaari Siyang bumalik anumang oras kahit noong kanilang kapanahunan. Kung hindi gayon, ang balita tungkol sa pagbabalik ni Hesus ay hindi paguusapan noong panahon ni Juan. Ang nalalapit na pagbabalik ni Hesus na sumasalungat sa dalawa pang teorya ng rapture ang isa sa mga susi sa teorya ng pre-tribulationism.

Sinusuportahan din ng mga katangian ng Diyos ang pre-tribulationalism at ng Kanyang pagnanais na iligtas ang mga hinirang mula sa Kanyang hatol sa mundo. Ang ilan sa mga halimbawa sa Bibliya sa pagliligtas ng Diyos sa Kanyang mga hinirang ay ang pagliligtas kay Noe mula sa pandaigdigang baha; pagliligtas kay Lot mula sa Sodoma at ang pagliligtas kay Rahab mula sa Jericho (2 Pedro 2:6-9).

Ang isang nakikitang kahinaan ng pre-tribulationism ay ang pagiging bago ng teoryang ito bilang isang doktrina sa Iglesya. Natatag lamang ang doktrinang ito noong umpisa ng 1800s. Ang isa pang kahinaan nito ay ang paghati sa pagparito ni Hesus sa dalawang bahagi - ang rapture (hindi nakikitang pagdating) at ang ikalawang pagparito (nakikitang pagdating) - ang dalawang kaganapang ito ay pinag-isa lamang sa Bibliya.

Ang isa pang kahinaan ng teoryang ito ay ang katotohanan na mayroon ding mga banal na mabubuhay sa panahon ng Kapighatian (Pahayag 13:7, 20:9). Sinasagot ito mga Pre-tribulationists sa pamamagitan ng pangangatwiran na magkaiba ang mga banal sa Lumang Tipan, ang mga banal sa panahon ng Kapighatian at mga banal na kabilang sa Iglesya sa Bagong Tipan. Ang mga buhay na mananampalataya sa pagdagit o rapture ay ililigtas mula sa Kapighatian ngunit mayroon ding magiging mananampalataya sa mga taong dadaan sa Kapighatian.

Ang huling kahinaan ng pananaw na pre-tribulationism ay katulad din ng kahinaan ng dalawa pang teorya tungkol sa panahon ng pagdagit sa mananampalataya: Una hindi sinabi sa Bibliya ang eksaktong panahon tungkol sa mangyayari sa hinaharap. Ikalawa, hindi pinapaboran ng Bibliya ang alinman sa mga pananaw tungkol sa panahon ng pagdagit sa mga mananampalataya at ito ang dahilan kung bakit magkakaiba ang opinyon ng mga iskolar ng Bibliya at mga denominasyong Kristiyano patungkol sa mga mangyayari sa mga huling araw at kung paano nila pinaguugnay-ugnay ang mga hula patungkol sa mga mangyayari sa hinaharap.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang lakas at kahinaan ng argumento tungkol sa pagdagit sa mga mananampalataya o rapture bago ang 7 taon ng kapighatian (pre-tribulationism)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries