Tanong
Ano ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa?
Sagot
Karamihan sa mga tao ay may maling pagkaunawa tungkol sa tunay na hitsura ng langit. Ang Pahayag 21-22 ay nagbibigay sa atin ng detalyadong hitsura ng bagong langit at bagong lupa. Pagkatapos ng mga magaganap sa mga huling panahon, ang kasalukuyang langit at lupa ay maglalaho at papalitan ng bagong langit at bagong lupa. Ang pangwalang-hanggang tirahan ng mga mananampalataya ay ang bagong lupa. Ang bagong lupa ay ang lugar kung saan natin gugugulin ang walang hanggan. Sa bagong lupa matatagpuan ang Bagong Jerusalem, ang banal na lungsod. Sa bagong lupa din makikita ang mga pintuang yari sa perlas at mga lansangang yari sa lantay na ginto.
Ang bagong lupa ay isang literal na lugar kung saan maninirahan tayo na may niluwalhating katawan (I Corinto 15: 35 - 58). Ang teorya na ang langit ay "nasa mga alapaap" ay hindi itinuturo sa Biblia. Wala rin sa Biblia ang palagay na tayo ay "mga espiritung magpapalutang-lutang sa kalangitan" pagkatapos ng kamatayan. Ang langit na mararanasan ng mga mananampalataya ay isang bago at walang kapintasang mundo kung saan tayo ay maninirahan. Ang bagong lupa ay magiging malaya mula sa kasalanan, kasamaan, karamdaman, kahirapan at kamatayan. Ito ay maaring kawangis ng ating kasalukuyang mundo, ngunit wala ng sumpa ng kasalanan.
Ano naman ang patungkol sa bagong langit? Marami ang naniniwala na ang "langit" ay tumutukoy sa himpapawid at kalawakan, ganoon din sa kaharian na siyang tahanan ng Dios. Kung gayon, ang binabangit na bagong langit sa Pahayag 21:1 ay nagpapahiwatig na ang buong sangkalawakan ay muling lilikhain - isang bagong lupa, bagong himpapawid at bagong kalawakan. Ipinapahiwatig din na ang buong kalangitan ng Dios ay muling lilikhain rin upang mabigyan ang lahat ng bagay sa sandaigdigan ng isang "panibagong panimula," maging sa pisikal o sa espiritwal. Maaari ba tayong makapunta sa bagong langit? Maaari, ngunit kailangan pa nating maghintay upang malaman ito. Nawa ay hayaan nating ang salita ng Dios ang siyang magpaunawa sa atin ng mga katotohanan patungkol sa langit.
English
Ano ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa?