settings icon
share icon
Tanong

Ano ang neo-orthodoxy o bagong-ortodoksiya?

Sagot


Ang neo-orthodoxy o bagong-ortodoksiya ay isang kilusan sa relihiyon na nagsimula pagkatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig bilang reaksyon sa nabigong ideya ng liberal na Protestantismo. Itinatag ito ng mga Teologong Swiss na sina Karl Barth at Emil Brunner. Tinatawag ito ng iba na “neo-orthodoxy” dahil nakikita nila na ito ay isang pagpapanibagong sigla sa orihinal na Reformed theology o Orihinal na Teolohiya ng mga Repormista. Iba ang pananaw ng neo-orthodoxy sa Salita ng Diyos, at sa kasalanan kaysa sa pananaw ng orihinal na orthodoxy.

Naniniwala ang orihinal na paniniwalang orthodox na ang Bibliya ay ang inihayag na Salita ng Diyos na ibinigay sa mga tao sa pamamagitan ng pagkasi ng Banal na Espiritu. Sa salitang pagkasi, sa salita at mekanismo, nangangahulugan ito na ang Banal na Espiritu ang may ganap na kapamahalaan sa mga manunulat ng Bibliya, maaaring sa pamamagitan ng pagdidikta sa kanilang isinusulat o sa paggamit sa tao bilang kasangkapan sa pagpapasulat ng Kanyang mga Salita. Ang doktrinang ito ng paghinga o pagkasi sa Kasulatan ang nagbigay daan sa lohikal na konklusyon na walang kahit anong pagkakamali at pagkakasalungatan sa mga orihinal na manuskrito ng Bibliya. Ang Bibliya ang kumpleto at sapat na kapahayagan ng Diyos. May dalawang sitas sa Kasulatan na sumusuporta sa pananaw na ito: ang 2 Timoteo 3:16-17 at 2 Pedro 1:20-21.

Itinuturo ng neo-orthodoxy o bagong ortodoksiya na si Hesus ang Salita ng Diyos (Juan 1:1) at ang Bibliya ay simpleng interpretasyon lamang ng mga aksyon ng Salita ng Diyos na si Hesus. Kaya nga hindi kinasihan ng Diyos ang Bibliya at bilang dokumento ng tao, ang ibang nakasulat sa Bibliya ay hindi totoo. Nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ng “kasaysayan ng pagliligtas,” at nagsasalita Siya ngayon kung “maeengkwentro” ng isang tao si Hesus. Ang Bibliya ay hindi ang mismong obhektibong katotohanan.

Itinuturo ng neo-orthodoxy na isa lamang kasangkapan ng kapahayagan ng Diyos ang Bibliya. Nangangahulugan ito na para sa isang teologo ng neo-orthodox, nakasalalay ang kapahayagan ng Diyos sa karanasan (o sa personal na interpretasyon) ng bawat indibidwal. Nagiging “Salita” lamang ng Diyos ang Bibliya kung ginagamit ng Diyos ang mga Salitang nakasulat dito sa pagtuturo sa tao tungkol kay Hesus. Ang mga detalye sa Bibliya ay hindi kasinghalaga ng pagkakaroon ng binagong buhay dahil sa pagkakilala kay Hesus. Kaya nga ang katotohanan ay nagiging isang mistikal na karanasan at hindi aktwal na itinuturo sa Bibliya.

Ang pananaw ng neo-orthodox sa kasalanan ay “pagtanggi na gawin ang responsibilidad na tratuhin ng maayos ang ating kapwa tao.” Ang resulta ng kasalanang ito ay ang pagbaba ng halaga ng tao na nagiging dahilan ng pagmamalupit, hindi pagpapatawad, kalungkutan, at napakaraming uri ng problema sa sosyedad. Nararanasan ng tao ang kaligtasan sa pamamagitan ng isang “engkwentro” kay Hesu Kristo - hindi kailangan ang pagtanggap sa isang kapahayagan ng pananampalataya. Binibigyang diin ng neo-orthodoxy ang responsibilidad ng tao na ibigin ang kapwa.

Naimpluwensyahan ng neo-orthodoxy ang mga hindi gaanong konserbatibong sangay ng grupong Presbyterian at Iglesyang Lutheran sa Amerika, maging ang ibang denominasyon. Habang ang orihinal na layunin ng neo-orthodoxy ay magbigay ng biblikal na panghalili sa liberalismo at kapuri-puri ito, mayroon ding dalang panganib ang katuruang ito. Kung nakadepende ang katotohanan sa karanasan, may posibilidad ng relatibismo. Anumang doktrina na ang pananaw sa Bibliya ay isa lamang dokumentong gawa ng tao na naglalaman ng mga pagkakamali, guguho ang mismong pundasyon ng Biblikal na Kristiyanismo.

Hindi tayo magkakaroon ng totoong “engkwentro” kay Hesu Kristo kung hindi natin paniniwalaan ang mga katotohanan na ipinahayag sa Bibliya. “Kaya nga ang paniniwala'y nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo” (Roma 10:17). Ang nilalaman ng ating pananampalataya ay ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Kristo (1 Corinto 15:3-4).

Nagkaroon ang mga alagad ng “engkwentro” kay Kristo sa Lukas 24. Gayunman, hindi nila agad naunawaan ang pangyayari: “Datapuwa't sila'y kinilabutan, at nangahintakutan, at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu” (talata 37). Noong sabihin lamang sa kanila ni Hesus ang katotohanan (na nabuhay Siyang mag-uli mula sa mga patay), saka lamang nila naunawaan na totoo ang nangyayari. Sa ibang salita, kailangan natin na “maengkwentro” si Hesus, ngunit kailangan din natin na ang engkwentrong iyon ay maunawaan sa liwanag ng katotohanan ng Salita ng Diyos. Kung hindi, ililigaw tayo ng ating karanasan.

Sinabi sa atin sa Judas 1:3 na dapat tayong “makipaglabang masikap dahil sa pananampalataya na ibinigay na minsan at magpakailan man sa mga banal. ” Ibinigay at ipinagkatiwala sa atin ng Diyos ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng Bibliya, ang nasulat na Salita ng Diyos. Hindi natin dapat na ikompromiso ang katotohanan ng mga sinabi ng Diyos na matatagpuan ng buo at walang kamalian sa Kanyang Salita - ang Bibliya. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang neo-orthodoxy o bagong-ortodoksiya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries