settings icon
share icon
Tanong

Ano ang bagong tipan?

Sagot


Ang bagong tipan ay ang pangako ng Diyos na Kanyang patatawarin ang kasalanan ng tao at ibabalik ang Kanyang pakikisama sa mga taong nagbabalik loob sa Kanya. Si Hesu Kristo ang tagapamagitan ng bagong tipan at ang Kanyang kamatayan sa krus ang basehan ng pangakong ito (Lukas 22:20). Hinulaan na ang bagong tipan habang umiiral pa ang lumang tipan - tinukoy ito ng mga propetang sina Moises, Jeremias, at Ezekiel.

Ang lumang tipan na itinatag ng Diyos sa Kanyang bayan ay nangangailangan ng istriktong pagsunod sa Kautusan ni Moises. Dahil kasalanan ang kabayaran ng kasalanan (Roma 6:23), hinihingi ng Kautusan na magsagawa ang bansang Israel ng araw-araw na paghahandog ng mga hayop para sa katubusan ng kasalanan. Ngunit inasahan din ni Moises - na ginamit ng Diyos upang itatag ang lumang tipan - ang pagdating ng bagong tipan. Sa isa sa kanyang huling pananalita sa bansang Israel, ipinahiwatig ni Moises na inaasahan niya ang isang panahon kung kailan bibigyan ng Diyos ang mga Israelita ng “pusong nakakaunawa” (Deuteronomio 29:4).

Hinulaan ni Moises na mabibigo ang Israel sa pagtupad sa lumang tipan (Deuteronomio 29:22-28), ngunit natanaw niya ang isang panahon ng pagpapanumbalik (Deuteronomio 30:1-5). Sinabi ni Moises na sa panahong iyon, “tutuliin ng Panginoon mong Dios ang iyong puso, at ang puso ng iyong binhi, upang ibigin mo ang Panginoon mong Dios ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa, upang ikaw ay mabuhay” (talata 6). Kinapapalooban ang bagong tipan ng ganap ng pagbabago ng puso upang normal na magbigay lugod sa Diyos ang Kanyang bayan.

Hinulaan din ni propeta Jeremias ang bagong tipan: “Sinasabi ni Yahweh, "Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong tipan sa Israel at sa Juda….Ganito ang gagawin kong kasunduan sa bayan ng Israel pagdating ng panahon: Itatanim ko sa kanilang kalooban ang aking kautusan; isusulat ko ito sa kanilang mga puso. Ako ang kanilang magiging Diyos at sila ang aking magiging bayan” (Jeremias 31:31, 33). Dumating si Hesus upang ganapin ang Kautusan ni Moises (Mateo 5:17) at upang itatag ang bagong tipan sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga hinirang. Isinulat sa bato ang lumang tipan, ngunit isinulat sa ating mga puso ang bagong tipan. Ang pagpasok sa bagong tipan ay ginawang posible sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Hesu Kristo na nagtigis ng Kanyang dugo upang alisin ang kasalanan ng sanlibutan (Juan 1:29). Itinala sa Lukas 22:20 kung paanong sa Huling Hapunan, kinuha ni Hesus ang kopa at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Ang aking dugo ay mabubuhos alang-alang sa inyo.”

Binanggit din ang bagong tipan sa Ezekiel 36:26-27: “Bibigyan ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin ninyong puso ay gagawin kong pusong masunurin. Bibigyan ko kayo ng aking Espiritu upang makalakad kayo ayon sa aking mga tuntunin at masunod ninyong mabuti ang aking mga utos.” Inilista dito ni Ezekiel ang ilang aspeto ng bagong tipan: isang bagong puso, isang bagong espiritu, ang pananahan ng Espiritu, at tunay na kabanalan. Hindi naibigay ng lumang tipan ang alinman sa mga ito (tingnan ang Roma 3:20).

Ang bagong tipan ay orihinal na ibinigay sa Israel kasama ang pangako ng pagiging mabunga, mga pagpapala, at payapang pananahan sa Lupang Pangako. Sinabi ng Diyos sa Ezekiel 36:28-30, “Ititira ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Kayo ay magiging bayan ko at ako ang inyong Diyos. Lilinisin ko ang lahat ng inyong karumihan; bibigyan ko kayo ng masaganang ani at hindi na kayo daranas ng gutom. Pamumungahin kong mabuti ang inyong mga punongkahoy at pasasaganain ang ani ng inyong bukirin upang hindi na kayo hamakin ng kapwa ninyo bansa dahil sa taggutom na inyong dinanas.” Naglalaman din ang Deuteronomio 30:1-5 ng parehong pangako na may kaugnayan sa Israel sa ilalim ng bagong tipan. Pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli ni Kristo, dinala din ang mga Hentil sa mga pagpapala ng bagong tipan (Gawa 10; Efeso 2:13-14). Ang katuparan ng bagong tipan ay makikita sa dalawang lugar: sa lupa, sa panahon ng isanlibong taon ng paghahari ni Kristo at sa bagong lupa at langit, sa walang hanggan.

Wala na tayo sa ilalim ng Kautusan kundi sa ilalim ng Biyaya (Roma 6:14-15). Naganap na ng lumang tipan ang layunin nito at pinalitan na ito ng isang mas “mabuting tipan” (Hebreo 7:22). “Ngunit ang paglilingkod na ipinagkaloob kay Jesus ay higit na dakila kaysa ipinagkaloob sa kanila, dahil siya'y tagapamagitan ng isang tipan na higit na mabuti, sapagkat ang tipang ito ay nababatay sa mas maiinam na pangako” (Hebreo 8:6).

Sa ilalim ng bagong tipan, binigyan tayo ng pagkakataon na tumanggap ng kaligtasan bilang isang walang bayad na kaloob (Efeso 2:8-9). Ang ating responsibilidad ay manampalataya kay Kristo, ang gumanap ng Kautusan para sa atin at tumapos sa mga paghahandog sa lumang tipan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan. Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na nagbibigay buhay at nananahan sa lahat ng mananampalataya, (Roma 8:9-11), nakabahagi tayo sa mana ni Kristo at nararanasan natin ang isang permanente at hindi natatapos na pakikipagrelasyon sa Diyos (Hebreo 9:15). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang bagong tipan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries