settings icon
share icon
Tanong

Paanong naging makatarungan ang baha noong panahon ni Noe?

Sagot


Ang pandaigdigang baha noong panahon ni Noe ay direktang hatol ng makatarungang Diyos. Sinasabi sa Bibliya na "namatay ang bawat may buhay sa lupa—mga ibon, maaamo at maiilap na mga hayop, lahat ng gumagapang sa lupa, at lahat ng tao" (Genesis 7:23). May mga tao na nasasaktan at hindi matanggap ang kuwento tungkol sa baha at nagsasabi na ito ay katibayan na hindi makatarungan, hindi makatuwiran, at malupit ang Diyos. Inaakusahan nila ang Bibliya ng pagtuturo ng isang Diyos na hindi marunong magtimpi at humahatol kahit kanino at sinasabi na isa lamang mapangapi ang lulunod at papatay sa lahat ng tao kabilang ang mga bata at lahat ng mga inosenteng hayop.

Hindi na bago ang mga ganitong pagatake sa karakter ng Diyos. Hangga't may makasalanan sa mundo, tiyak na may akusasyon sa pagiging hindi makatarungan ng Diyos. Tingnan natin ang paninisi ni Adan sa Diyos. Nang tanungin siya kung bakit siya kumain ng ipnagbabawal na bunga, sinabi ni Adan sa Diyos, "Kasi, pinakain po ako ng babaing ibinigay ninyo sa akin"(Genesis 3:12). Sa madaling salita, hindi niya inaamin ang kanyang kasalanan, sa halip sinisi niya ang babae sa pagbibigay sa kanya ng bunga at sinisi din niya Diyos dahil sa paglikha niya sa babae. Ngunit hindi mababawasan ng paninisi ni Adan sa Diyos ang kanyang kasalanan. At hindi rin mababawasan ang ating kasalanan ng ating pagbibintang sa Diyos na hindi Siya makatarungan dahil sa pagpapabaha Niya sa mundo.

Ang baha noong panahon ni Noe ay maraming kahalintulad na pangyayari sa kasaysayan. Hinatulan ng Diyos ang mga taga Canaan sa paguutos sa mga israelita na patayin silang lahat (Deuteronomio 20:16–18). Sa ganito ring paraan Niya hinatulan ang Sodoma at Gomora (Genesis 19:24–25), Nineve (Nahum 1:14), at Tiro (Ezekiel 26:4). Ang Huling Paghuhukom sa lahat ng makasalanan sa lahat ng panahon sa harapan ng Malaking Tronong Puti ay magtatapos sa pagtatapon sa mga hindi sumasampalataya sa dagat-dagatang apoy (Pahayag 20:11–15). Ang simpleng mensahe ng Bibliya ay hinahatulan ng Diyos ang kasalanan, ito man ay sa pamamagitan ng pananakop ng mga sundalo, sa pamamagitan na apoy at nagbabagang asupre, sa pamamagitan ng pandaigdigang baha at sa pamamagitan ng impiyerno.

Makatarungan ang baha dahil iniutos ito ng Diyos (at makatarungan ang Diyos). "Si Yahweh ay tunay na matuwid, siya kong sanggalang, matatag na batong walang karumihan" (Awit 92:15). "Ang kaharian mo ay makatarungan, saligang matuwid ang pinagtayuan; wagas na pag-ibig at ang katapatan…" (Awit 89:14). Laging tama ang ginagawa ng Diyos. Ang Kanyang mga hatol at utos ay laging makatarungan. Kung itinakda Niya na bumaha sa buong mundo, makatarungan Siya sa paggawa nito, anuman ang isipin at sabihin ng tao. Hindi nakapagtataka na ang pakahulugan natin sa hustisya ay sa isang paraan na kapakipakinabang sa ating sarili.

Makatarungan ang baha dahil makasalanan ang sangkatauhan. "Nakita ni Yahweh na laganap na ang kasamaan ng tao sa daigdig, at puro kasamaan na lamang ang palaging nasa isip nito" (Genesis 6:5). Hindi natin lubusang nauunawaan ang lawak ng kasamaan ng tao noong panahong iyon. Hindi pa tayo nakakakita ng katulad nito. Napakalaganap ng kasamaan at puro kasamaan na lamang ang palaging nasa isip ng tao. Wala ng kabutihan sa mundo ng panahong iyon; masama ang lahat ng tao. Walang silang anumang taglay na hindi masama. Hindi lamang nawisikan ng kasamaan ang tao noong panahon ni Noe; sumisid sila sa kasamaan at ang lahat ng kanilang ginagawa ay kasuklam-suklam sa Diyos.

Nagbibigay ang teksto ng ilang palatandaan kung gaano kalubha ang kasamaan ng tao bago ang baha. Ang isang problema ay ang laganap na karahasan: "Maliban kay Noe, masasama ang lahat ng tao sa paningin ng Diyos at laganap ang karahasan sa lahat ng dako" (Genesis 6:11). Ang mga inapo ni Cain, ang unang mga mamamatay tao ay walang habas sa pagpatay. Ang isa pang kasamaang ginagawa ng mga tao bago ang baha ay ang sekwal na imoralidad at karumihan. Binabanggit sa Genesis 6:1–4 ang mga Nefilim, "mga bayani at mga higante" na bunga ng pagaasawahan sa pagitan ng mga masamang anghel at mga anak na babae ng tao. Ang mga demonyong nakilahok sa kasalanang ito ay kasalakujyang nasa kadiliman upang doon hintayin ang Araw ng Paghuhukom" (2 Pedro 2:4). Ang mga taong nakilahok —at ang mga Nefilim mismo—ay nangamatay na lahat sa baha. Ang paglalarawan ng Bibliya sa mga tao bago ang pandaigdigang baha ay mga taong ganap na naging matigas ang puso at walang kagustuhang magsisi. Napakasama na ng mga tao noong panahong iyon "Kaya't labis na ikinalungkot ni Yahweh na nilikha pa niya ang tao" (Genesis 6:6).

Ngunit paano ang mga batang nalunod? Ang katotohanan ay naapektuhan ng kasalanan ang lahat sa sosyedad hindi lamang ang mga taong intensyonal na gumagawa ng kasamaan. Kung sinasanay ng isang sosyedad ang aborsyon, namamatay ang mga bata bilang resulta. Kung iinom ang isang ama o isang ina ng ipinagbabawal na gamot, magdurusa ang kanilang mga anak. At sa kaso ng henerasyon noong panahon ni Noe, kung ang lahat ng tao ay bayolente at immoral, nagdudusa din ang mga bata. Ang sangkatauhan ang nagdala ng baha sa kanilang sarili at sa kanilang sariling mga anak.

Makatarungan ang baha dahil ang lahat ng kasalanan ay karapatdapat sa parusang kamatayan. "Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan" (Roma 6:23). Hindi tayo dapat magulat kung winasak ng Diyos ang populasyon ng mundo sa pamamagitan ng baha; dapat tayong magulat kung hindi Niya gawin ang parehong kalamidad sa atin na mga kapwa makasalanan! Pinagagaan ng mga makasalanan ang kanilang pagtingin sa kasamaan at ang kanilang sariling kasalanan ngunit ang lahat ng makasalanan ay kaparatdapat sa kamatayan. Hindi natin pinapansin ang kahabagan ng Diyos, na tila baga karapatdapat tayo para dito, ngunit nagrereklamo tayo patungkol sa Kanyang katarungan na tila hindi Siya makatarungan at hindi tayo karapatdapat sa kaparusahan.

Makatarungan ang baha dahil may karapatan ang Manlilikha na gawin ang Kanyang anumang maibigan sa Kanyang nilikha. Maaring gawin ng magpapalayok ang anumang kanyang maibigan sa palayok na nasa Kanyang mga kamay. Gayundin naman, may karapatan ang Diyos na gawin ang anumang Kanyang maibigan sa gawa ng Kanyang sariling mga kamay. "Anumang nais ni Yahweh sa langit man o sa lupa, at kahit sa karagatan, ang anumang panukala, ginaganap niya ito, sa sariling pagkukusa" (Awit 135:6).

Ito ang kahanga-hangang parte ng kuwento tungkol sa baha: "Ngunit si Noe ay naging kalugud-lugod kay Yahweh" (Genesis 6:8). Ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang biyaya sa nasira at may bahid ng kasalanang sangnilikha at ibinukod para sa Kanyang sarili ang isang lalaki at ang kanyang pamilya. Sa paggawa nito, iningatan ng Diyos ang lahi ng buong sangkatauhan sa pamamagitan ng makadiyos na lahi ni Seth. At sa pagdadala Niya ng mga hayop sa arko, iningatan din ng Diyos ang nalalabi sa Kanyang mga nilikha. Kaya nga, ang hatol ng Diyos ay hindi pagpatay sa lahat ng tao. Ito ay isang bagong pasimula.

Ang hatol ng Diyos noong panahon ni Noe ay may kasamang biyaya. Ang Panginoon ay "mahabagin at mapagmahal….Tinutupad ko ang aking pangako maging sa libu-libo, at patuloy kong ipinapatawad ang kanilang kasamaan, pagsuway at pagkakasala. Ngunit hindi ko pinalalampas ang kasalanan ng ama at ang pagpaparusa ko'y hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi" (Exodo 34:6–7). Nais ng Diyos na magsisi ang makasalananupang sila'y mabuhay (Ezekiel 18:23). Ipinagpaliban ng Diyos ang Kanyang hatol sa mga Amoreo ng apat na raang taon (Genesis 15:16). Hindi gugunawin ng Diyos ang Sodoma alang- alang sa kahit sampung matuwid na tao na nabubuhay doon (Genesis 18:32). Ngunit, sa huli, tiyak na igagawad Niya ang Kanyang hatol.

Inabot ng hanggang 100 taon ang paggawa ni Noe ng arko. Maipagpapalagay natin na kung nais ng mga tao na makasama sa arko at maligtas, magagawa nila iyon. Ngunit nangangailangan ang aksyong iyon ng pananampalataya. Nang isarado na ng Diyos ang pinto ng arko, huli na ang lahat; sinayang nila ang pagkakataong ibinigay sa kanila ng Diyos (Genesis 7:16). Ang punto ay hindi humahatol ang Diyos ng hindi muna Siya nagbababala. Gaya ng sinabi ng isang tagapagpaliwanag ng Bibliya na si Matthew Henry, "Walang sinuman ang napahamak sa hatol ng Diyos kundi yaon lamang mga taong namumuhi sa pagbabago sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos."

Ang pandaigdigang baha noong panahon ni Noe ay isang makatarungang hatol sa kasalanan. Ang mga nagsasabi na hindi makatarungan ang baha sa katotohanan ay tumututol sa ideya ng paghatol sa umpisa pa lamang. Ang kuwento ni Noe ay isang malinaw na paalala na gusto man natin o hindi, may darating na paghatol sa buong sangkatauhan, "Ang pagdating ng Anak ng Tao ay tulad noong panahon ni Noe (Mateo 24:37). Handa ka na ba o tatangayin ka ng agos?

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paanong naging makatarungan ang baha noong panahon ni Noe?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries