settings icon
share icon
Tanong

Bakit ako dapat magasawa?

Sagot


Maraming kultura sa mundo sa panahon ngayon ang nawawalan ng pangunawa sa disenyo ng pagaasawa. Nabubuhay tayo sa isang mundo na nagsasabi na dapat nating makuha ang isang bagay sa panahon at paraang gusto natin. Minsan, ang pagaasawa ay nakikita bilang isang hadalang sa ating abilidad na makuha ang anumang bagay ayon sa paraang gusto natin. Sa ating panahon ngayon, minsan, itinuturing ng marami ang pagaasawa bilang isang makalumang institusyon na hindi na napapahon at nawalan na ng kahalagahan.

Ano ba ang pagaasawa? Ito ba ay makaluma na? Mahalagang maunawaan na una sa lahat, ang pagaasawa ay hindi isang konsepto na nagmula at gawa ng tao. Nang likhain ng Diyos ang unang lalaki ayon sa Kanyang wangis (Genesis 1:27; 2:7), ibinigay Niya sa lalaking iyon ang lahat ng bagay upang makuntento. Ngunit sinabi ng Diyos, "At sinabi ng Panginoong Dios, Hindi mabuti na ang lalake ay magisa; siya'y ilalalang ko ng isang katulong niya" (Genesis 2:18). Kaya gumawa ang Diyos ng isang babae mula sa tadyang ni Adan at dinala sa Kanya. Ang unang pagaasawa ay naganap ng likhain ng Diyos ang isang babae upang makatulong ng lalaki kaya nga kung pagsasamahin ang dalawang tao sa tipang ito, sila ay nagiging isang laman. Ang ideya ng pagiging isang laman ay nagpapahiwatig sa isang hindi nasisirang kasunduan na panghabang buhay. Nang tanungin si Jesus tungkol sa diborsyo, ito ang Kanyang sagot, "At sinabi, Dahil dito'y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa; at ang dalawa ay magiging isang laman? Kaya nga hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao" (Mateo 19:5-6). Pansinin na ang Diyos mismo ang naglapit sa isang lalaki at isang babae upang makasal at maging magasawa. Sa Malakias 2:14, ipinapaalala Niya sa atin na Siya ang "naging saksi sa iyo at sa asawa ng iyong kabataan, na ginawan mo ng paglililo, bagaman siya'y iyong kasama, at siyang asawa ng iyong tipan." Napakaseryong bagay para sa Diyos ang pagaasawa.

Ang pagaasawa ang unang institusyon na itinatag ng Diyos. Nauna pa ito sa pagtatatag ng pamahalaan at ng iglesya. Ang pagaasawa ang unang institusyon para sa sosyedad. Ang mga tao ay idinisenyo ng Diyos upang makakilos ng produktibo kung sila ay nakaugnay sa isang maayos na paraan sa iba. Ang plano ng Diyos para sa pagaasawa ay upang makapagtatag ng malusog na pamilya. Naglalaman ang Bibliya ng napakaraming instruksyon para bawat miyembro ng pamilya kung paano nila ituturing ang bawat isa upang katagpuin ang emosyonal na pangangailangan ng bawat isa (Efeso 5:21-33; 6:1-4; Colosas 3:18-21; 1 Corinto 7:2-5, 10-16). Idinisenyo ng Diyos ang pagaasawa sa pagitan ng isang lalaki at babae bilang isang panghabang buhay na relasyon at ang anumang pagbabago sa planong ito ay pagbaluktot sa Kanyang banal na layunin (Matteo 19:8; Roma 1:26-27).

Ibinigay sa atin sa1 Corinto 7:1-2 ang pinakamagandang dahilan sa pagaasawa "At tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin: Mabuti sa lalake ay huwag humipo sa babae. Datapuwa't, dahil sa mga pakikiapid, ang bawa't lalake ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa, at bawa't babae ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa." Idinisenyo ng Diyos ang pagtatalik upang bigyang kasiyahan ang magasawa sa hangganan lamang ng pagaasawa. Ang anumang sekswal na gawain na labas sa pagaasawa ay kasalanan (Galatia 5:19; Colosas 3:5). Kung ang isang tao ay malibog, laging isang magandang ideya ang magasawa upang mabawasan ang panganib ng pagnanasa at imoralidad (Santiago 1:13-15). Ang pakikipagtalik sa isang tao na hindi asawa ay isang kasalanan at nagbubunga sa sama ng loob at kapahamakan (Kawikaans 6:26-29; 1 Corintho 6:18).

Gayunman, walang utos sa Kasulatan na ang lahat ng tao ay dapat na magasawa. Ang totoo, pinapaboran ni Apostol Pablo ang pagiging binata at dalaga upang makapaglaan ng mas maraming panahon sa paglilingkod sa Diyos (1 Corinto 7:7-9, 32-35). May ilan na nararamdaman ang pangangailangan ng pagaasawa at walang masama sa pakiramdam na ito. Maaring magkaroon ang mga walang asawa ng kasiya-siyang buhay at makatagpo ng emosyonal na kaaliwan sa mga kaibigan, pamilya at mga oportunidad sa ministeryo. Gayunman, sinimulang ikumpara ng ating sosyedad ang pagiging binata o dalaga sa sekswal na imoralidad at ito ay isang malaking pagkakamali. Ang layunin ni Pablo sa pagsusulong sa ideya ng pagiging binata at dalaga habambuhay ay upang makapaglaan ang taong iyon ng kanyang buong atensyon sa mga bagay tungkol kay Kristo. Hindi dapat na gamitin ang pagiging binata o dalaga upang mabuhay sa sekswal na kasalanan. Ngunit, kung ang isang binata o dalaga ay kayang magkontrol ng sarili at nakakapamuhay ng isang moral at malinis na buhay, hindi kailangang makadama ng pagnanais para sa pagaasawa (1 Corinto 7:37).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit ako dapat magasawa?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries