settings icon
share icon
Tanong

Bakit tayo iniibig ng Diyos?

Sagot


Ang katanungang ito ay isa sa pinakamalalim na katanungan ng tao. At walang sinuman ang makasasagot ng buong kasapatan sa katanungang ito. Gayunman, isang bagay ang tiyak: hindi tayo inibig ng Diyos dahil sa tayo ay kaibig-ibig o dahil karapatdapat tayo sa Kanyang pag-ibig. Kung inibig man tayo ng Diyos, hindi ito dahil sa nakita Niya sa atin. Ang kalagayan ng sangkatauhan mula ng bumagsak si Adan at Eba sa kasalanan ay ang paglaban at pagsuway sa Diyos. Inilarawan sa Jeremias 17:9 ang kundisyon ng puso ng tao: “Ang puso ay magdaraya ng higit kaysa lahat na bagay, at totoong masama: sinong makaaalam?” Ang ating buong pagkatao ay naapektuhan ng kasalanan na sukat na hindi natin mismo nalalaman kung hanggang saan tayo nadumihan ng kasalanan. Sa ating likas na kagayan, hindi natin hinahanap ang Diyos; hindi natin iniibig ang Diyos; hindi natin ninanasa ang Diyos. Malinaw na inilalarawan sa Roma 3:10-12 ang kalagayan ng isang natural na tao na hindi pa binubuhay ng Diyos sa espiritu: “Gaya ng nasusulat, Walang matuwid, wala, wala kahit isa; Walang nakatatalastas, Walang humahanap sa Dios; Silang lahat ay nagsilihis, magkakasamang nawalan ng kasaysayan; Walang gumagawa ng mabuti, wala, wala kahit isa.” Paano ngayon naging posible para sa isang banal, makatuwiran at perpektong Diyos na ibigin ang ganitong mga nilalang? Upang atin itong maunawaan, dapat nating maunawaan ang ilang bagay tungkol sa kalikasan at mga katangian ng Diyos.

Sinasabi sa atin sa 1 Juan 4:8 at 16 na “ang Diyos ay pag-ibig.” Wala ng mas mahalaga pang deklarasyon kaysa rito – “ang Diyos ay pag-ibig.” Ito ay isang napakalalim na pangungusap. Hindi lamang umiibig ang Diyos. Siya mismo ay pag-ibig. Ang Kanyang kalikasan at esensya ay pag-ibig. Ang pag-ibig ang nangingibabaw sa Kanyang persona at sumasalahat ng Kanyang iba pang mga katangian, maging sa Kanyang poot at galit. Dahil ang mismong kalikasan ng Diyos ay pag-ibig, kailangan Niyang ipadama ang pag-ibig, gaya din naman na kailangan Niyang ipakita ang Kanyang iba pang mga katangian dahil nakaluluwalhati sa Kanya ang gawin iyon. Ang pagluwalhati sa Diyos ang pinakamataas, pinakamabuti at pinakamarangal sa lahat na gawa ng Diyos at likas na ginagawa ng Diyos ang pagluwalhati sa Kanyang sarili dahil Siya ang pinakamabuti, pinakamataas at ang tanging karapatdapat sa lahat ng kaluwalhatian.

Dahil ang esensya at kalikasan ng Diyos ay pag-ibig, ipinadama Niya ang Kanyang pag-ibig sa mga taong hindi karapatdapat at lumalaban sa Kanya. Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi tulad sa isang madamdamin, sentimental at romantikong pakiramdam. Sa halip, ito ay pag-ibig na nagpapakasakit, isang pag-ibig na walang bahid dungis. Ipinakita ng Diyos ang pag-ibig na ito sa pamamagitan ng pagpapadala Niya ng Kanyang Anak upang mamatay sa krus upang bayaran ang kaparusahan ng ating mga kasalanan, (1 Juan 4:10), sa paglalapit sa atin sa Kanyang sarili (Juan 6:44), sa pagpapatawad sa ating paglaban sa Kanya at sa pagbibigay sa atin ng Kanyang Banal na Espiritu upang manahan sa atin at upang bigyan tayo ng kakayahan na umibig gaya ng pag-ibig Niya sa atin. Ginawa Niya ito sa kabila ng katotohanan na hindi tayo karapatdapat. “Datapuwa't ipinagtatagubilin ng Dios ang kaniyang pag-ibig sa atin, na nang tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay dahil sa atin” (Roma 5:8).

Ang pag-ibig ng Diyos ay personal. Kilala Niya ang bawat isa sa atin at personal Niya tayong iniibig. Ang Kanyang pag-big ay napakadakila at walang simula at wakas. Ang pagkakaroon ng karanasan ng Kanyang pag-ibig ang kaibahan ng Kristiyanismo sa lahat ng relihiyon. Bakit tayo iniibig ng Diyos? Dahilan ito sa kung Sino ang Diyos: “Siya ay pag-ibig.”

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit tayo iniibig ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries