settings icon
share icon
Tanong

Bakit ako dapat na maniwala sa pagkabuhay na mag-uli ni Kristo?

Sagot


Isang hindi mapapasubaliang katotohanan na si Hesus ay pinatay sa harap ng publiko sa Judea noong unang siglo AD sa ilalim ng pamamahala ni Pontio Pilato sa pamamagitan ng pagpako sa Krus sa kahilingan ng Sanedrin ng mga Hudyo. Ang mga tala nina Flavius Josephus, Cornelius Tacitus, Lucian ng Samosata, Maimonides at kahit na ng mismong Sanedrin ng mga Hudyo ay nagpapatunay sa mga pahayag ng mga nakasaksi sa kamatayan ni Hesu Kristo.

Tungkol sa Kanyang pagkabuhay na mag-uli, maraming mga ebidensya ang makapagpapatunay dito. Ang namayapang abogado at pulitiko na nagngangalang Sir Lionel Luckhoo (na nakapagtala sa Guinnes Book of World Record ng rekord na 245 sunod sunod na tagumpay sa pagtatanggol at pagpapawalang sala ng kanyang mga kliyente na inakusahan ng pagpatay) ang isang halimbawa ng pagtitiwala ng mga Kristiyano sa lakas ng mga ebidensya sa pagkabuhay na mag-uli. Isinulat Niya noong siya'y nabubuhay pa, “ginugol ko ang apatnapu’t dalawang taon bilang abogado na nagdedepensa sa aking mga kliyente sa maraming bahagi ng mundo at ako ay aktibo pa rin sa pagiging isang abogado ngayon. Ako ay naging mapalad na makuha ang tagumpay sa mga paglilitis at masasabi kong walang anumang bahid pagaalinlangan na ang pagkabuhay na mag-uli ni Hesu Kristo ay may napakatibay na mga ebidensya na nagtutulak sa akin upang tanggapin ito ng walang kahit anumang pagaalinlangan.”

Ang tugon ng sekular na komunidad sa parehong mga ebidensya ay malamya gaya ng inaasahan dahil sa pagyakap nito sa metodolohiya ng naturalismo. Para sa mga hindi pamilyar sa terminolohiyang ito, ang metodolohiya ng naturalismo ay isang makataong pagsisikap na ipaliwanag ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng natural na sanhi. Kung ang isang pangyayari sa kasaysayan ay hindi kayang ipaliwanag ng isipan (gaya ng himala ng pagkabuhay na mag-uli), ang mga iskolar nito ay hindi matanggap ang anumang gaya nito kahit sa harap ng nagsusumigaw na mga ebidensya kahit gaano pa nakaka-kumbinsi o kapanipaniwala ang mga ebdiensyang nagpapatunay ng isang pangyayari.

Sa aming pananaw, ang pagyakap sa ganitong paniniwala ng mga natural na sanhi sa kabila ng matibay na ebidensya ay salungat (at dahil doon ay hindi sapat) sa isang walang kinikilingang imbestigasyon. Sumasang ayon kami sa kagaya nina Dr. Wernher von Braun at marami pang iba na ang pagpwersa sa isang popular na pilsopiya sa pamamagitan ng mga ebidensya ay humahadlang sa pagiging obhektibo nito. Sa ibang salita ayon kay Dr. von Braun “ang mapiltang maniwala ay may isa lamang konklusyon” sasalungatin nito mismo ang Siyensya.”

Siyasatin natin ngayon ang mga ebidensya na nagpapatunay sa katotohanan ng pagkabuhay na mag-uli ni Kristo.

Ang unang hanay ng mga ebidensya ng pagkabuhay na mag-uli ni Kristo.

Sa pagsisimula, maraming nakasaksi sa kanilang sariling mga mata sa pangyayaring ito. Ang mga Unang tagapagtanggol ng katuruang Kristiyano ay bumanggit na may ilang daang mga saksi, at ang ilan sa kanila ay idinokumento ang kanilang mga nasaksihan at naranasan. Marami sa mga saksing ito ang kusang loob at buong tapang na tiniis ang mga mahabang panahon ng pagpapahirap at tinanggap ang kamatayan sa halip na baguhin ang kanilang testimonya. Ang katotohanang ito ay sumasalamin sa kanilang sinseridad at isinasantabi ang anumang pandaraya. Ayon sa tala ng kasaysayan (Aklat ng mga Gawa 4:1-17; Sulat ni Pliny kay Trajan X, 96 at iba pa), karamihan sa mga Kristiyano ay maaaring matapos ang pagdurusa sa pamamagitan ng simpleng pagtanggi sa kanilang pananampalataya. Sa halip, mas pinili nila ang magdanas ng hirap at mamatay at ipagtanggol ang pagkabuhay na mag-uli ni Hesus mula sa mga patay.

Sabihin na natin na ang pagiging martir ay kapuri puri, ngunit hindi ito nakakakumbinsi sa tao. Hindi nito pinatutunayan ang isang paniniwala gaya ng hindi ito nagpapatunay sa pagiging isang mananampalataya ng isang tao (sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanyang katapatan sa kanyang pinaniwalaan). Ang kapansin-pansin sa mga unang Kristyanong martir ay kung alam nila o hindi na totoo ang kanilang pinaniniwalaan. Maaaring nakita nila na buhay si Hesus o maaaring hindi. Ito ang hindi ordinaryo. Kung kasinungalingan ang pagkabuhay na mag-uli ni Kristo, bakit napakaraming tao ang ipinagtatanggol ito sa kabila ng kanilang dinanas na paguusig? Bakit sila manghahawak sa isang hindi mapapakinabangang kasinungalingan sa harap ng paguusig, pagkabilanggo, pagpapahirap at kamatayan?

Habang ang mga hijackers ng eroplano noong Setyembre 11, 2001 ay kumbinsido sa kanilang pinaniniwalaan (na pinatutunayan ng kanilang kahandaang magbuwis ng buhay), hindi nila maaaring malaman o maaaring hindi nila alam kung totoo nga ang kanilang pinaniniwalaan. Inilagak nila ang kanilang pananampalataya sa mga tradisyon na ipinasa sa kanila ng kanilang mga magulang sa loob ng maraming henerasyon. Sa kabaliktaran, ang mga unang martir na Kristiyano ay kabilang sa unang henerasyon. Maaaring nakita nila ang kanilang pinanghahawakan.

Kabilang sa mga tanyag na saksi ay ang mga apostol. Dumaan sila sa hindi mapapasubaliang pagbabagong buhay pagkatapos ng mga pagpapakita ni Hesus matapos Siyang mabuhay na mag-uli. Ilang oras matapos ipako si Hesus nagtago sila dahil sa takot para sa kanilang sariling buhay. Ngunit ng mabuhay na mag-uli si Hesus, makikita sila sa mga lansangan na buong tapang na ipinangangaral na nabuhay na muli si Kristo sa kabila ng paguusig. Ano ang dahilan ng kanilang bigla at dramatikong pagbabago? Tiyak na hindi ito dahil sa pinansyal na dahilan. Sa katunayan ay iniwan ng mga apostol ang lahat sa kanilang buhay upang ipangaral ng tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ni Kristo

Ang ikalawang hanay ng mga ebidensya ng pagkabuhay na mag-uli ni Kristo

Ang ikalawang hanay ng mga ebidensya ay ang paniniwala ng mga dating kalaban ng Ebanghelyo partikular si Apostol Pablo at si Santiago. Inamin mismo ni Pablo ang kanyang pagiging taga-usig ng unang Iglesya. Pagkatapos ng kanyang engkwentro sa nabuhay na mag-uling Kristo, dumaan si Pablo sa isang mabilis at malaking pagbabago mula sa pagiging mahigpit na taga-usig ng Iglesya sa pagiging isa sa mga mabunga at masugid na tagapagtanggol ng Ebanghelyo. Gaya ng mga naunang Kristiyano, nagdanas si Pablo ng gutom, paguusig, pagpapahirap, pagkakulong at kamatayan dahil sa kanyang mataimtim na pagtatalaga ng sarili sa pagkabuhay na mag-uli ni Kristo.

Si Santiago ay nagdududa rin dati sa mga inaangkin ni Kristo gayunman hindi lumalaban sa Kristiyanismo gaya ni Pablo. Ang kanyang engkwentro sa nabuhay na Kristo ang naging dahilan ng kanyang pagiging masugid na mananampalataya at pagiging lider ng Iglesya sa Jerusalem. Nasa atin ngayon ang sulat na pinaniniwalaan ng mga iskolar ng Bibliya na isinulat ni Santiago para sa unang Iglesya. Gaya ni Pablo, kusang loob na nagdusa at namatay si Santiago sahil sa kanyang patotoo, isang katotohanan na nagpapatunay ng kanyang katapatan sa kanyang pinaniniwalaan (tingnan ang Aklat ng mga Gawa at ang Josephus’ antiquities ng mga Hudyo XX, ix, 1).

Ang ikatlo at ikaapat na hanay ng mga ebidensya ng pagkabuhay na mag-uli ni Kristo

Ang ikatlo at ikaapat na hanay ng mga ebidensya ay tungkol sa patotoo ng mga kaaway ng mga Kristiyano sa libingang walang laman at ang katotohanan na ang pananampalataya sa pagkabuhay na mag-uli ni Hesus ay nagumpisa sa Jerusalem. Si Hesus ay pinatay sa harap ng publiko at inilibing sa Jerusalem. Imposible na ang paniniwala sa Kanyang pagkabuhay na mag-uli ay magumpisa sa Jerusalem kung ang kanyang katawan ay nasa loob lamang ng libingan dahil maaari iyong ipakuha ng mga miembro ng Sanedrin at ipakita sa publiko upang patunayan na ang Kanyang muling pagkabuhay ay isang kasinungalingan. Sa halip, inakusahan ng Sanedrin ang mga apostol ng pagnanakaw sa Kanyang katawan, sa kanilang pagtatangka na ipaliwanag ang pagkawala nito (at ang libingang walang laman). Paano maipapaliwanag ang libingang walang laman? Narito ang tatlong karaniwang paliwanag:

Una, ninakaw ng mga alagad ang katawan ni Hesus. Kung totoo ito, alam nila na kasinungalingan ang pagkabuhay na mag-uli ni Hesus. Kung gayon, walang dahilan upang kusa silang magdusa at mamatay para dito (tingnan ang unang hanay ng mga ebidensya tungkol sa katapatan ng mga unang saksi). Ang lahat ng mga nagsasabing saksi sila sa pagkabuhay na mag-uli ni Hesus kung totoo ito ay nagsisinungaling. Sa dami ng mga taong sangkot, siguradong may kahit isa na magtatapat kung hindi man upang tapusin na ang kanyang sariling paghihirap o kaya nama'y ang paghihirap ng kanyang mga kaibigan at kapamilya. Ang unang henerasyon ng mga Kristiyano ay tunay na brutal na pinahirapan lalo na pagkatapos ng malaking sunog sa Roma noong A.D. 64. (Isang sunog na diumano ay ipinag-utos ni Nero upang palawakin ang kanyang palasyo ngunit kanyang ibinintang sa mga Kristiyano upang iiwas ang sarili sa sisi ng mga tao). Ang romanong manunulat ng kasaysayan na si Tacitus ay inalala sa kanyang aklat na “Annals of Imperial Rome” (na inilathala isang henerasyon pagkatapos ng malaking sunog na iyon sa Roma):

“Ipinasa ni Nero ang sisi at ipinataw ang pinaka brutal na pagpapahirap sa isang grupo na kinamumuhian ng mga Romano na tinatawag na mga Kristiyano. Ang salitang Kristo, kung saan nanggaling ang kanilang pangalan ay nagdanas ng matinding kaparusahan sa panahon ng paghahari ni Tiberius sa kamay ng isa sa mga tagapamahala na si Pontio Pilato. Ang isang nakakatawang pamahiin, muli, alalahanin natin ito, ay nagsimula sa Judea, ang unang pinanggalingan ng kasamaan, ngunit kahit na sa Roma, kung saan ang lahat ng bagay ay kasuklam-suklam at kahiya-hiya ay kumalat ito at naging sentro ng pamahiing ito ang Roma. Kaya ang pag-aresto ay unang isinagawa sa mga umamin; at pagkatapos dahil sa kanilang impormasyon, lubhang marami pa ang nahatulan, hindi dahil sa krimen ng pagsunog sa siyudad, o pagkamuhi laban sa mga tao. Ang lahat ng uri ng pagalipusta ay idinagdag sa kanilang kamatayan. Nadadamtan sila ng mga balat ng hayop, sila'y ipinalapa sa mga aso at nangamatay o di kaya nama'y ipinako sa mga krus, at sinunog ng apoy at sinilaban, upang magsilbing tanglaw kung gabi, kapag lumubog na ang araw” (Annals, XV, 44).

Inilawan ni Nero ang kanyang mga kasayahan sa kanyang hardin kung saan sinunog niya ng buhay ang mga Kristiyano. Tiyak na may isang magsisiwalat ng katotohanan kung totoong ninakaw lamang ang bangkay ni Kristo dahilan sa napipintong kamatayan. Gayunman, wala tayong tala ng kahit sino sa mga unang Kristiyano na itinanggi ang kanyang pananampalataya upang putulin na ang kanyang paghihirap. Sa halip, napakaraming tala ng mga saksi na handang magdusa at mamatay alang alang sa katotohanang ito pagkatapos na mabuhay na mag-uli ni Kristo.

Kung hindi naman ninakaw ng mga alagad ang katawan ni Hesus, paano natin ipaliliwanag ang libingang walang laman? May ilang nagpapalagay na pineke ni Hesus ang Kanyang kamatayan at pagkatapos ay tumakas mula sa Kanyang libingan. Ito ay hindi kapanipaniwala. Ayon sa mga testimonya ng mga saksi, si Kristo ay pinalo, pinahirapan, sinugatan at inulos sa tagiliran. Nagdanas Siya ng pagdurugo sa Kanyang mga panloob na bahagi ng katawan, naubusan Siya ng dugo, hindi Siya nakahinga at isang sibat ang tumusok sa Kanyang puso. Walang anumang dahilan upang paniwalaan na makaliligtas pa sa ganoong klase ng pagpaparusa si Hesus (o ang sinumang tao) at pepekein ang kanyang kamatayan, mananatili sa libingan sa loob ng tatlong araw at gabi ng walang anumang atensyong medikal, walang pagkain o tubig, pagkatapos ay itutulak pa ang napakalaking bato na tumatakip sa libingan, tumakas ng hindi namamalayan ng mga sundalong nagbabantay (at hindi nagiwan ng anumang bakas ng dugo), at kumbinsihin ang daan- daang mga saksi na Siya ay muling nabuhay mula sa kamatayan at nasa malusog na kundisyon at pagkatapos ay maglalahong parang bula. Ang ganitong pananaw ay katawatawa at hindi kapanipaniwala.

Ang ikalimang hanay ng mga ebidensya ng pagkabuhay na mag-uli ni Kristo

Sa huli, ang panglima sa mga hanay ng ebidensya ay tungkol sa hindi pangkaraniwang testimonya ng mga saksi. Sa lahat ng mga salaysay sa pagkabuhay na muli ni Hesus, ang mga babae ang una at mga pangunahing saksi. Ito ay isang kakaibang imbensyon dahil sa sinaunang kultura ng mga Hudyo at mga Romano, parehong hindi mataas ang pagpapahalaga sa mga babae. Ang kanilang testimonya ay itinuturing na walang katotohanan at hindi kapani-paniwala. Dahil dito, hindi karaniwan na ang mga gumagawa ng kasinungalingan ay pipiliin ang mga babae upang maging pangunahing saksi. Sa lahat ng mga lalaking alagad na nagaangkin na nakita nila ang nabuhay na mag-uling Hesus, kung ang lahat sa kanila ay nagsisinungaling at ang pagkabuhay na mag-uli ay isang panlilinlang, bakit nila pipiliin ang mga hindi katanggap-tanggap na mga saksi upang patunayan ang kanilang sinasabi?

Ipinaliwanag ni Dr. William Craig, “kung naiintindihan mo ang papel ng mga kababaihan sa unang siglo sa kulturang Hudyo, ang pinaka-pambihira ay itampok ang mga kababaihan na siyang nakatuklas sa libingang walang laman. Ang mga babae ay napakababa ang ranggo sa kultura ay lipunan sa Palestina noong unang siglo. May isang matandang kasabihan ang mga rabbi noon na, “hayaan mong ang kautusan ay masunog kaysa sabihin sa mga babae” at “mapalad yaong ang mga anak ay lalaki, ngunit sa aba niya na ang anak ay babae.” Ang patotoo ng mga babae ay itinuturing na walang halaga at ni hindi sila pinapayagan na maging mga saksi sa anumang legal na usapin sa Korte ng mga Hudyo. Sa liwanag nito, tunay na kahanga hanga na ang mga pangunahing saksi sa libingang walang laman ay mga kababaihan. Kahit totoo pa ito, tiyak na ang magiging kwento ay mga lalaki ang pangunahing saksi sa pagkabuhay na mag-uli; maaaring si Pedro o si Juan halimbawa. Ang katotohanan na mga babae ang mga pangunahing saksi sa libingang walang laman ay kailangang paniwalaan, sa ayaw at sa gusto ng mga tao, dahil sila ang unang nakatuklas ng libingang walang laman. Ito'y nagpapakita na ang mga manunulat ng Ebanghelyo ay tapat na itinala ang mga pangyayari, kahit pa ito ay sa nakakahiyang paraan. Ito ay nagpapatibay sa katothanan ng tradisyong ito sa halip ng pagiging alamat nito” (Dr. William Lane Craig, sinipi ni Lee Strobel, “The Case for Christ, Grand Rapids: Zondervan, 1998, p. 293).

Sa pagbubuod

Ang mga hanay na ito ng ebidensya; ang katunayan ng sinseridad ng mga saksi (at sa kaso ng mga apostol ay biglaan at hindi maipaliwanag na pagbabago), ang pagbabalik loob ng mga kaaway ng ebanghelyo, ang mga nagdududa na naging mga martir, ang katotohanan ng libingang walang laman, ang pagpapatunay mismo ng mga kaaway na walang laman ang libingan, ang katotohanan na ito ay mismong naganap sa Jerusalem kung saan nagumpisa at kumalat ang paniniwala sa pagkabuhay na mag-uli ni Hesus, ang patotoo ng mga babaeng saksi, at ang kahalagahan ng mga patotoo sa konteksto ng mga naganap sa kasaysayan: ang lahat ng ito ay matibay na ebidensya sa katotohanan ng pagkabuhay na mag-uli. Hinihimok namin kayo na mataman ninyo itong pagisipan at isaalang-alang ang mga ebidensya. Ano ang ipinapahiwatig nito sa inyo? Pagkatapos naming pagnilay-nilayan ito sa aming sarili, matatag naming pinaninindigan ang katotohanang ito gaya ng deklarasyon ni Sir Lionel: “Ang mga ebidensya ng pagkabuhay na mag-uli ni Hesu Kristo ay napakatibay at siyang nagtutulak sa akin upang tanggapin ito ng walang kahit anumang pagaalinlangan.”

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit ako dapat na maniwala sa pagkabuhay na mag-uli ni Kristo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries