settings icon
share icon
Tanong

Bakit dapat akong maniwala sa Bibliya?

Sagot


Ipinapahayag sa Bibliya ang tungkol sa paglikha sa sansinukob, ang kalikasan ng Diyos na lumikha sa sangnilikha at naghahari sa lahat ng naroroon, at ang hantungan ng sangkatauhan. Kung totoo ang mga itinuturo ng Bibliya, ang Bibliya ang pinakamahalagang aklat sa kasaysayan ng sangkatauhan. Kung totoo ang Bibliya, nagtataglay ito ng mga kasagutan sa pinakamahalagang katanungan natin sa buhay: “Saan ako nanggaling?” Bakit ako naririto?” at “Ano ang mangyayari sa akin pagkatapos kong mamatay?” Dahil sa kahalagahan ng mensahe ng Bibliya, hinihingi nito sa atin na tanggapin natin ito ng buong konsiderasyon. Ang katotohaan ng mensahe nito ay naoobserbahan, mapapatunayan at makakatayong matatag sa mga pagsisiyasat.

Inangkin ng mga manunulat ng Bibliya na ito ang mismong Salita ng Diyos. Isinulat ni Apostol Pablo, “ang lahat ng Kasulatan ay hiningahan ng Diyos” (2 Timoteo 3:16). Ito ay pagsasabi na ang lahat ng mga salitang nakatala sa orihinal na salin ng Kasulatan ay nagmula sa bibig ng Diyos bago umabot sa isip at panulat ng mga manunulat ng Bibliya. Isinulat din ni Apostol Pedro, “Sapagka't hindi sa kalooban ng tao dumating ang hula kailanman: kundi ang mga tao ay nagsalita buhat sa Dios, na nangaudyokan ng Espiritu Santo” (2 Pedro 1:21). Ang pariralang “nangaudyukan ng Espiritu Santo” ay nagpapahiwatig ng kaisipan kung paanong itinutulak ng hangin ang layag ng isang bangka. Nangangahulugan ito na ang pagsulat ng kasulatan ay sa direksyon ng Banal na Espiritu. Hindi nanggaling ang Bibliya sa mga tao kundi ito ay gawa ng Diyos at nagtataglay ng awtoridad ng Diyos.

Sa puntong ito, mahalaga na huwag nating hayaan na ang pangangatwirang sirkular ang magbigay ng katwiran upang paniwalaan ang Bibliya. Hindi natin maaaring sabihin na dapat na maniwala ang isang tao sa Bibliya dahil simpleng sinasabi ng Bibliya na dapat itong paniwalaan. Ngunit, kung ang katotohanang inaangkin ng Bibliya ay mapatunayang totoo sa tuwing posibleng subukin ang kanilang katotohan o napatunayang totoo ang mga iyon ng kasaysayan at ng mga tuklas ng siyensya, lalong magiging kapani-paniwala ang panloob na pagaangkin nito ng pagiging katiwa-tiwala. Ang mga panloob na ebidensya ay gumagawang kasama ng mga panlabas na ebidensya.

Ang panloob na ebidensya ng katotohanan ng Kasulatan ay nagbibigay ng kapani-paniwalang argumento kung bakit dapat maniwala ng isang tao sa Bibliya. Una, ang natatanging mensahe ng Kasulatan ang nagbubukod dito sa iba pang mga tekstong panrelihiyon. Halimbawa, itinuturo ng Bibliya na ang sangkatauhan ay likas na masama at karapatdapat sa walang hanggang kamatayan. Kung tao ang responsable sa nilalaman ng Bibliya, ang pananaw ng tao ay hindi magiging kasing dilim ng deklarasyon ng Bibliya – likas sa tao na gawin ang sarili na maganda. Itinuturo din ng Bibliya na walang magagawa ang tao sa kanyang sariling kakayahan upang bigyang lunas ang kanyang likas na kalagayan. Muli, ang katotohanang ito ay lumalaban sa likas na pagmamataas ng tao.

Ang pagkakaisa ng mensahe ng Bibliya ang karagdagang dahilan kung bakit dapat itong paniwalaan ng tao. Isinulat ang Bibliya sa loob ng humigit kumulang sa isanlibo, limandaan at limampung (1,550) taon ng apatnapung (40) manunulat, marami sa kanila ay hindi nakilala ang isa’t isa at nanggaling sa iba’t ibang katayuan sa buhay (hari, mangingisda, maniningil ng buwis, pastol at iba pa). Isinulat ang Bibliya sa iba’t ibang kapaligiran (disyerto, kulungan, korte ng hari at iba pa). Tatlong magkakaibang wika ang ginamit sa pagsulat sa Bibliya, at sa kabila ng mga kontrobersyal na paksa, ipinapahayag nito ang iisang mensahe. Ang mga pangyayari na nakapaloob sa mga kasulatan ng Bibliya ay tila garantiya sa pagkakamali nito, ngunit ang mensahe nito mula Genesis hanggang Pahayag ay kataka-takang hindi nagbago.

Ang isa pang dahilan kung bakit dapat paniwalaan ang Bibliya ay ang ganap na kawastuan nito. Hindi dapat maipagkamali ang Bibliya sa isang aklat pangsiyensya, ngunit hindi ito nangangahulugan na hindi ito nagtuturo ng mga bagay tungkol sa siyensya. Ang pagikot ng kalagayan ng tubig (water cycle) ay inilarawan na sa kasulatan maraming siglo pa bago ito natuklasan ng Siyensya. Sa ilang mga pagkakataon, tila sinasalungat ng Bibliya at Siyensa ang isa’t isa. Ngunit habang umuunlad ang siyensya, napatunayang mali ang mga teorya ng mga siyentipiko at napatunayang tama ang Bibliya. Halimbawa, isang pamantayan noon sa panggagamot ang pagpapadugo sa tao bilang gamot sa mga karamdaman. Marami ang namatay dahil sa maraming dugo ang nawala sa kanilang katawan. Ngayon, alam na ng mga doktor na ang pagpapadugo bilang gamot sa maraming sakit ay hindi nakakatulong. Laging itinuturo sa Bibliya na, “ang buhay ng laman ay nasa dugo” (Levitico 17:11).

Ang mga turo ng Bibliya tungkol sa kasaysayan ng mundo ay laging napapatunayan. May mga nagdududa sa Bibliya na pinuna ito dahil sa pagbanggit nito sa mga Heteo (2 Kings 7:6). Ang kawalan ng ebidensya sa arkelohiya upang suportahan ang pagkakaroon ng kultura ng mga Heteo ay laging binabanggit noon na pangontra sa Bibliya. Ngunit noong 1876, natuklasan ng arkelohiya ang mga ebidensya sa pagkakaroon ng bansa ng mga Heteo at noong unang bahagi ng ikadalawampung siglo, isang karaniwang kaalaman na ang tungkol sa lawak ng bansa ng mga Heteo at ang impluwensya nito sa sinaunang mundo.

Ang kawastuan ng Bibliya sa siyensya at kasaysayan ay mahalagang ebidensya sa pagiging katiwa-tiwala nito, ngunit nagtataglay din ito ng mga natupad na hula. Ipinahayag ng ilang manunulat ng Bibliya ang mga magaganap sa hinaharap maraming siglo bago pa ang mga iyon maganap. Kung ang isa lamang sa mga pangyayaring ito na hinulaan ay maganap, ito ay kahanga-hanga na. Ngunit naglalaman ang Bibliya ng napakaraming mga hula. Ilan sa mga hulang ito ay natupad pagkaraan ng maiksing panahon (halimbawa: ang hula tungkol sa pagkakaroon nina Abraham at sara ng anak na lalaki, ang pagtatwa ni Pedro kay Hesus ng tatlong beses, ang pagpapatotoo ni Pablo tungkol kay Hesus sa Roma at marami pang iba). Ang ibang mga hula ay natupad pagkaraan ng daan-daang taon. Ang tatlong daang (300) mga hula tungkol sa Mesiyas na tinupad ni Hesus ay hindi maaaring matupad ng isang tao lamang malibang may isang dakilang kapangyarihan na nasa likod ng mga hulang iyon. May mga partikular na hula sa Bibliya gaya ng mismong lugar kung saan isisilang si Hesus, ang Kanyang mga ginawa, ang paraan ng Kanyang kamatayan, at ang Kanyang pakabuhay na mag-uli ay nagpapakita ng hindi pangkaraniwang kawastuan ng Kasulatan.

Kung ilalagay sa mga pagsubok, mapapatunayang totoo ang Bibliya sa lahat ng bahagi nito. Saklaw ng katotohanan ng Bibliya hindi lamang ang pisikal kundi maging ang espiritwal. Nangangahulugan ito na kung sinabi ng Bibliya na may isang grupo ng tao na tinatawag na Heteo, dapat nating paniwalaan na may mga tao ngang tinatawag na Heteo. At dahil itinuturo ng Bibliya na ang “lahat ay nagkasala” (Roma 3:23) at “ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan” (Roma 6:23), dapat natin itong paniwalaan. At kung sinasabi sa atin ng Bibliya na “ipinagtatagubilin ng Dios ang kaniyang pagibig sa atin, na nang tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay dahil sa atin” (Roma 5:8) at “ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16), kaya at nararapat din nating paniwalaan ang mga katotohanang ito. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit dapat akong maniwala sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries