settings icon
share icon
Tanong

Bakit ang Diyos ay nagtatanong kung Siya ay omnisyente o nalalaman ang lahat ng bagay?

video
Sagot


Totoong ang Diyos ay omnisyente--nalalaman niya ang lahat ng bagay. Subalit mababasa natin sa Banal na Kasulatan na minsan ang Diyos ay nagtatanong kagaya ng tagpo sa Hardin ng Eden kung saan tinanong ng Diyos si Adan kung nasaan ito at ano ang kanyang ginawa (Genesis 3:9, 11). Sa langit ay tinanong din Niya si Satanas kung saan ito nagpaparoo't parito (Job 1:7). Mayroon namang tagpo sa disyerto na tinanong ng Diyos si Moises kung ano ang hawak nito (Exodo 4:2). Sa gitna ng maraming tao habang Siya ay patungo sa bahay ni Jairo, nagtanong din si Jesus kung sino ang humipo sa kanya (Marcos 5:30). Ngunit alam ng Diyos ang kasagutan sa mga tanong na ito dahil Siya ay omnisyente. Ayon sa Awit 44:21, "Nalalaman niya ang lihim ng puso." Ngunit, bakit nga ba Siya nagtatanong?



Ang pagtatanong ng Diyos ay laging may layunin, ngunit hindi niya ito ginagawa upang makakuha ng impormasyon o kaalaman sapagkat taglay na niya ang lahat ng kaalaman. Kaya't masasabi na ang kanyang pagtatanong ay may iba't-ibang layunin at ang mga layuning iyon ay nakabatay sa konteksto ng kanyang tanong at sa pangangailangan ng taong tinatanong.

Matapos kainin nina Eba at Adan ang ipinagbabawal na bunga at sila ay magtago, tinawag at tinanong sila ng Diyos, "Nasaan kayo?" (Genesis 3:9). Siyempre, alam ng Diyos ang pinagtataguan nila. Ang dahilan kung bakit nagtanong ang Diyos ay upang palabasin sina Adan at Eba sa kanilang pinagtataguan. Maaari naman sanang ipakita ng Diyos ang kanyang galit sa pamamagitan ng masasakit na salita ng may paghatol, ngunit hindi niya ito ginawa. Sa halip ay nangusap Siya sa pamamagitan ng pagtatanong na nagpapakita ng kagandahang loob, kahinahunan at pagnanais na makipagkasundo.

Kapag ang isang guro na nagtuturo ng simpleng matematika ay nagtanong sa kanyang mga estudyante kung ano ang sagot sa "2+2," hindi ito nangangahulugang nagtatanong siya dahil hindi niya alam ang sagot kundi nais lamang niyang ituon ng estudyante ang isip nito sa paghahanap ng sagot sa nasabing tanong. Kaya naman, ng tanungin ng Diyos si Adan ng "Nasaan ka?" ang layunin ng pagtatanong na ito ay upang ituon ni Adan ang kanyang isip sa problemang ginawa nilang dalawa ni Eba. Sa Job 38--41 ay mababasa natin na mayroon ding layunin ang Diyos nang magtanong Siya ng walang humpay kay Job kung saan ito naroon noong likhain Niya ang mga pundasyon ng mundo at ang lahat ng bagay (Job 38:4) at ang kawalang kakayahan nito na hulihin ang mga dambuhala sa karagatan (Job 41:1). Dito ay makikita natin na ang layunin ng pagtatanong ng Diyos ay isang pagtuturo upang bigyang diin ang kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat.

Ang isa pang tagpo ay ang paulit-ulit na tanong ng Diyos kay Jonas, "May karapatan ka bang magalit?" (Jonas 4:4, 9) upang siyasatin ni Jonas ang kanyang sarili. Ang tanong naman ng Diyos kay Elias na "Ano ang ginagawa mo rito?" (1 Hari 19:9) ay upang maunawaan ni Elias kung paano siya umiwas sa layunin ng Diyos sa kanya. Makikita rin natin na ang tanong ng Diyos kay Isaias na "Sino ang aking ipadadala? sino ang hahayo para sa amin?" (Isaias 6:8) ang nagtulak sa propeta upang siya ay magkusang loob na sumunod at humayo.

Noong si Jesus ay nagmiministeryo pa dito sa mundo, palagi siyang nagtatanong sa kanyang mga tinuturuan katulad ng isang mahusay na guro na gumagamit ng mga tanong bilang estratehiya sa ikatututo ng mag aaral. Si Jesus ay mahusay sa paraang ito. Siya ay nagtanong upang magbigay ng pagkakataon na matutunan at maunawaan ng tao kung ano ang pagkakilala nila sa Kanya: "Sino raw ako ayon sa sinasabi ng mga tao?" (Marcos 8:27). O kaya'y upang maituon ang atensyon ng kanyang mga tagapakinig sa mahalagang bagay: "Ano ba ang nakasulat sa kautusan? Ano ba ang nababasa mo roon?" (Lucas 10:26), upang magudyok ng panloob na pagsisiyasat: "Nais mo bang gumaling?" (Juan 5:6), o kaya'y mag akay sa mas malalim na pagiisip: "…ano ang kahulugan ng nasusulat na ito: 'Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong panulukan'?" (Lucas 20:17), upang magbigay liwanag sa pananampalataya: "Sino ang humipo sa akin?" (Lucas 8:45), at upang magbigay ng isang malaking kapahayagan: "Bakit kayo tumatangis? Sino ang inyong hinahanap?" (Juan 20:15).

Ang Diyos ay Ama na gumagamit ng mga salita na nagtuturo sa atin ayon sa diwa at layunin ng pagkakaroon ng kaugnayan sa kanya. Siya ay guro na gumagamit ng mga tanong upang anyayahan ang kanyang mga tinuturuan na makilahok, hamunin silang magisip, at maakay sila sa pagtuklas sa katotohanan. Kaya't dapat nating isaisip na ang layunin ng pagtatanong ng Diyos ay hindi nangangahulugang mayroon siyang hindi alam na dapat niyang malaman kundi upang tayo ay matuto at magkaroon ng malalim na kaugnayan sa kanya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit ang Diyos ay nagtatanong kung Siya ay omnisyente o nalalaman ang lahat ng bagay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries