settings icon
share icon
Tanong

Bakit namamatay ang lahat ng tao?

Sagot


Namamatay ang tao dahil sa tinatawag na “orihinal na kasalanan”- ang pagsuway sa Diyos nina Adan at Eba sa hardin ng Eden. Binalaan ng Diyos ang unang magasawa na ang pagsuway sa Kanyang utos ay magreresulta sa kanilang kamatayan (Genesis 2:17), at iyon nga ang nangyari. “Sapagkat ang ng kabayaran ng kasalanan ay kamatayan” (Roma 6:23a).

Dapat sana’y mananahang kasama ng Diyos sina Adan at Eba sa Eden magpakailanman, kaya maaaring ni hindi nila alam ang ibig sabihin ng salitang “kamatayan.” Sa kasawiang palad, may nauna ng pagkakasala sa walang hanggang nakalipas sa langit sa pamamagitan ni Satanas at tinukso nito si Eba, at bumagsak si Eba sa kasalanan. Binigyan ni Eba ng prutas ang kanyang asawa, at sumunod si Adan sa kanyang pagkakasala. Ang kasalanang iyon ang nagdala ng kamatayan sa mundo dahil inihiwalay ng sangkatauhan ang kanilang sarili mula sa pinanggagalingan ng Buhay.

Mula noon, namunga ng makasalanang lahi sina Adan at Eba at ang bawat taong isinisilang ng isang babae sa tulong ng isang lalaki ay makasalanan na buhat ng iluwal. Kasamang dinala ng makasalanang kalikasan ng tao ang kamatayan. “Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala” (Roma 5:12).

Inilalarawan sa Genesis 3 ang sumpang binitiwan ng Diyos sa mundo. Kasama sa sumpa ang mga pananalitang ito ng Diyos kay Adan: “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa; sapagka't diyan ka kinuha: sapagka't ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi” (Genesis 3:19). Ang pisikal na kamatayan ang tinutukoy dito ng Diyos. Hindi agad naganap ang pisikal na kamatayan kina Adan at Eba, ngunit dahil sa kanilang kasalanan, namatay ang isang inosenteng hayop (Genesis 3:21).

Ang isa pang uri ng kamatayan na dala ng kasalanan nina Adan at Eba ay ang espiritwal na kamatayan - nahiwalay ang kanilang espiritu sa Espiritu ng Diyos at nasira ang kanilang relasyon. Agad na naganap ang espiritwal na kamatayang ito pagkatapos nilang kumain ng ipinagbabawal ng bunga at ito ang dahilan kung bakit sila natakot at nagtago sa Diyos (Genesis 3:10). Ang espiritwal na kamatayan, gaya ng pisikal na kamatayan, ay ipinasa nila sa atin na kanilang mga anak at inapo (Efeso 2:1).

Mula ng magkasala si Adan, naghirap na ang lahi ng tao sa ilalim ng “batas ng kasalanan at kamatayan” (Roma 8:2). Ngunit sa kabutihan ng Diyos, ipinadala Niya ang kanyang Anak upang pawalang bisa ang batas ng kasalanan at kamatayan at itinatag ang “batas ng Espiritu na nagbibigay buhay” (Roma 8:2). Sinasabi sa 1 Corinto 15:20–26, “Datapuwa't si Cristo nga'y muling binuhay sa mga patay na siya ay naging pangunahing bunga ng nangatutulog. Sapagka't yamang sa pamamagitan ng tao'y dumating ang kamatayan, sa pamamagitan din naman ng tao'y dumating ang pagkabuhay na maguli sa mga patay... ang kahulihulihang kaaway na lilipulin ay ang kamatayan.” English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit namamatay ang lahat ng tao?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries