Tanong
Bakit natin kailangan ang Tagapagligtas?
Sagot
Kailangan ng sangkatauhan ang isang Tagapagligtas. Para makapagbigay ng isang malalim at malawak na sagot sa tanong na ito, kailangan natin ang napakaraming aklat para sa impormasyon. Sa ating limitadong espasyo, maglalahad kami ng ilang ideya ayon sa sinasabi ng Biblia kung bakit natin kailangan ang isang Tagapagligtas.
Una, unawain natin ang salitang “natin” sa katanungang ito para maging teknikal ang ating sagot; na kung sasabihin natin na “kailangan natin ang tagapagligtas,” sinasabi natin na ang bawat taong nabuhay sa mundo ay nangangailangan ng isang Tagapagligtas. Gayundin, dapat nating tandaan na ang salitang “Tagapagligtas” ay may maraming gamit sa Biblia. Ang sinuman na gumagawa ng gawain ng pagliligtas o pagpapalaya ay maaaring tawagin bilang isang “tagapagligtas”— halimbawa ang mga hukom na sina Otniel at Ehud (Mga Hukom 3:9, 15). Ang Diyos mismo (hindi lamang si Jesus) ay tinatawag ding “Tagapagligtas” (Isaias 43:11; 45:21–22; 60:16). Sa artikulong ito, para maiwasan ang kalituhan, gagamitin natin ang salitang “tagapagligtas” para sa Panginoong Jesu Cristo.
Ang dahilan kung bakit kailangan natin ang isang Tagapaligtas ay nag-ugat sa kalikasan ng Diyos at sa kalikasan ng tao: una, sinasabi ng Biblia na ang Diyos ay may plano at ang mga tao ay kritikal sa planong iyon. Ikalawa, ang Diyos ay Banal at hindi Niya maaaring kunsintihin ang kasalanan. Ikatlo, ang bawat isang tao ay nagkasala, at ang bawat tao ay likas na makasalanan.Ang mahirap para sa atin para mamuhay kasama ng Diyos ay nangangailangan tayo ng perpektong kabanalan at walang sinuman sa atin ang perpekto. Kaya nga, hindi maisasakatuparan ng Diyos ang Kanyang layunin kung hindi muna Niya aayusin ang sangkatauhan. Iyan ang dahilan kung bakit kailangan natin ang isang Tagapagligtas—at ipinakilala Siya sa atin ng Kasulatan sa persona ng Panginoong Jesu Cristo (Lucas 2:11; Tito 2:13–14).
Kailangan natin ang Tagapagligtas na si Jesus dahil kailangan nating mapaging banal: “kung walang kabanalan, walang makakakita sa Panginoon” (Hebreo 12:14). Hindi lamang tayo simpleng ginawa ni Jesus na mas mabuting tao; o pinasidhi ang ating pagiging makadiyos o pinalaki ang ating kabanalan—wala tayo ng mga katangiang ito sa umpisa pa lamang. Sa halip, ginawa Niya tayong ganap na mga bagong nilalang (2 Corinto 5:17; Galacia 6:15).
Ang plano ng Diyos para sa sangkatauhan. Kailangan natin ang isang Tagapagligtas dahil ang plano ng Diyos ay magbigay tayo sa Kanya ng kaluwalhatian (Isaias 43:7) at maranasan ang Kanyang pakikisama magpakailanman (Awit 27:4). Ninanais Niya na maging kawangis tayo ng Kanyang Anak (Roma 8:29).
Ang Isang Umiiral sa Kanyang Sarili ay hindi lumikha ng sansinukob para aliwin ang Knyang sarili. Nilikha Niya ang lahat upang magkaroon ng relasyon sa mga nilalang na nilikha ayon sa Kanyang wangis (tingnan ang Genesis 1:27). Ninanais ng Diyos (bilang isang nakikisama at moral na Diyos) na ibigin Siya ng Kanyang mga nilikha at mabuhay sila. Ang katotohanan na tayo (bilang mga nilalang na may kalayaan) ay bumagsak sa kasalanan at rebelyon ay nangangahulugan na kailangan natin ang isang Tagapagligtas kung hindi ay hindi matutupad ang plano sa atin ng Diyos. Sa Kanyang pag-ibig, ipinadala ng Diyos ang Tagapagligtas—ang Kanyang Bugtong na Anak—upang maging karapatdapat tayo sa walang hanggan at maipakita ang Kanyang kaluwalhatian.
Ang Kabanalan ng Diyos. Sa mahigit na 900 na banggit sa Biblia patungkol sa kabanalan ng Diyos, hindi maipagwawalang bahala ang kahalagahan nito sa Kanyang sangnilikha. Itinuturo ng Biblia na dapat tayong magpakabanal (1 Pedro 1:15).
Itinuro sa atin ni Jesus na dapat tayong lumapit sa Diyos na nauunawaan na Siya ay banal (Mateo 6:9). Kailangan natin ang isang Tagapagligtas dahil napakabanal ng Diyos para tumingin sa kasalanan: “Napakabanal ng inyong paningin upang masdan ang kasamaan” (Habakuk 1:13). Kung walang Tagapagligtas, ang tanging salita para sa atin ng Diyos ay “Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan!” (Mateo 7:23).
Ang pagkakasala ng sangkatauhan. Sa Roma 3:10–18 ginamit ni Pablo ang mga talata mula sa Awit at Isaias sa diskusyon patungkol sa Kautusan. Sa pamamagitan nito, ginamit niya ang Kasulatan para sabihin ng buong kumpiyansa na ang bawat tao ay nagkasala (Roma 3:23). Ang bawat tao samakatwid ay nangangailangan ng kagalingan sa kasalanan. Hindi natin maiwawaksi ang ating mga kaslanan gaya ng isang leopardo na hindi kayang baguhin ang kulay ng kanyang balat (Jeremias 13:23). “Walang sinumang matuwid, wala kahit isa” (Roma 3:10; Awit 14:1).
Sinasbi ng Diyos ng walang pasubali na ang lahat ng tao ay makasalanan, kabilang ang mga taong nagaakala na sila’y matuwid (tingnan ang 1 Juan 1:8). Nangangahulugan ito na ang bawat tao ay nangangailangan ng isang Tagapagligtas, kahit na ang mga nagaakala na hindi sila nangangailangan niyon.
Ang pangangailangan ng isang Tagapagligtas. Sa paglalagom, ang Diyos ay may plano. Ito ay perpekto at walang makakabago ng Kanyang isipan sa pagsasakatuparan nito. Kasama sa Kanyang plano tayong mga tao, bagama’t tayo ay makasalanan buhat pa ng isilang. Dahil ang Diyos ay banal, hindi Niya kukunsintihin ang presensya ng kasalanan at malibang linisin Niya tayo, imposible para sa kanya na gawin ang Kanyang walang hanggang plano para sa atin. Ang solusyon ng Diyos: ialok ang perpektong handog ng minsan para sa lahat, para linisin tayo sa kasalanan at ipagkasundo tayo sa Kanyang sarili. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng Kanyang Anak doon sa krus.
Kailangan natin ang isang Tagapagligtas dahil hindi natin kayang iligtas ang ating sarili. Kailangan natin ang isang Tagapagligtas dahil kung wala si Cristo, mailalarawan tayo bilang mga taong, “hiwalay kay Cristo, hindi kabilang sa bayang Israel, at hindi saklaw ng tipan na nababatay sa mga pangako ng Diyos. Noo'y nabubuhay kayo sa mundo nang walang pag-asa at walang Diyos” (Efeso 2:12).
Kailangan natin ang isang Tagapagligtas at ang Diyos ang nagkaloob sa atin niyon. Iniligtas tayo ni Jesus bilang isang demonstrasyon ng pag-ibig ng Diyos at bilang pagpapakita Niya ng kahabagan. “Upang tayo'y gawing matuwid sa pamamagitan ng kanyang kagandahang-loob, at tayo'y maging tagapagmana ng inaasahan nating buhay na walang hanggan.” (Tito 3:7). Ang handog ni Jesus ang susi ng lahat para sa atin—at kung may iba pang paraan para sa Diyos para isagawa ang Kanyang plano ng walang kompromiso, pipiliin Niya iyon kaysa sa pagkapahiya ng Kanyang Anak sa krus (tingnan ang Lucas 22:42). Ang katotohanan na tunay na namatay si Jesus sa krus ay sapat na katibayan na nangangailangan tayo ng isang Tagapagligtas.
English
Bakit natin kailangan ang Tagapagligtas?