Tanong
Bakit tayo sinusubok ng Diyos?
Sagot
Kapag tinatanong natin kung bakit tayo sinusubok ng Diyos o pinahihintulutan Niya tayong subukin, inaamin natin sa ating mga sarili na ang mga pagsubok ay tunay ngang nagmula sa Kanya. Kapag sinusubok ng Diyos ang Kanyang mga anak, gumagawa Siya ng mahalagang bagay. Hinangad ni David ang pagsubok ng Diyos. Sinabi niya sa Diyos na siyasatin Niya ang kaniyang puso at isip at makita na ito ay totoo sa Kaniya (Awit 26:2; 139:23). Nang subukin ng Diyos si Abraham na ialay ang kanyang kaisa-isang anak na si Isaac, siya'y dagling sumunod (Hebreo 11:17–19) at ipinakita sa buong mundo na siya ang ama ng pananampalataya (Roma 4:16).
Ang salitang “subukin” sa Luma at Bagong Tipan kapag isinalin sa tagalog ay nangangahulugan na “patunayan.” Ibig sabihin, kapag sinusubok ng Diyos ang Kanyang mga anak, ang layunin Niya ay upang patunayan kung tunay ang kanilang pananampalataya. Hindi dahil kailangan Niyang patunayan ito sa Kaniyang sarili dahil alam Niya ang lahat ng bagay, kundi pinatutunayan Niya sa atin na tunay ang ating pananampalataya, na tayo'y tunay Niyang mga anak, at walang anumang pagsubok ang makagagapi sa ating pananampalataya.
Sa Talinghaga tungkol sa Manghahasik, tinukoy ni Hesus na ang mga hindi maliligtas ay yaong mga nakinig ng Salita ng Diyos at tumanggap dito ng buong galak, ngunit nang dumating ang mga pagsubok, sila'y nangawala. Sinabi ni Santiago na ang pagsubok sa ating pananampalataya ay gumagawa ng pagtitiis, na magpapasakdal sa atin upang tayo'y maging ganap sa ating paglakad kasama ang Diyos (Santiago 1:3–4). Nagpatuloy pa si Santiago sa pagsasabi na ang pagsubok ay pagpapala, sapagka't “pagkasubok sa kaniya”, siya'y tatanggap ng “putong ng buhay,” na ipinangako ng Panginoon sa mga nagsisiibig sa Kanya (Santiago 1:12). Ang mga pagsubok ay mula sa ating Ama sa kalangitan, na ginagawang magkakalakip ang lahat ng mga bagay para sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios, sa makatuwid baga'y niyaong mga tinawag alinsunod sa kaniyang nasa (Roma 8:28).
Ang mga pag-uusig o pagsubok na ating dinaraanan ay dumadating sa iba't ibang kaparaanan. Ang ating pagiging Kristyano ay kadalasang humahamon sa atin na lumabas sa ating mga lugar ng kaginhawahan at humakbang patungo sa lugar na hindi pa natin nalalaman. Ang pagtitiis sa gitna ng pagsubok ay nagbubunga ng pagiging ganap sa ating espiritwalidad. Kaya naman isinulat ni Santiago, “Ariin ninyong buong kagalakan, kung kayo'y mangahulog sa sarisaring tukso” (Santiago 1:2). Maaari tayong magdanas ng maliliit na pagsubok gaya araw araw na pagkayamot; maaari ding ito'y mga matitinding paghihirap (Isaias 48:10) o mga pag-atake ni Satanas (Job 2:7). Ano man ang pinagmumulan ng pagsubok na pinahihintulutan ng Diyos, para sa ikabubuti natin ang pagdaan sa mga ito.
Ang istorya ni Job ay isang perpektong halimbawa ng pagpapahintulot ng Diyos sa Kaniyang mga anak na subukin ng demonyo. Buong pagtitiis na kinaya ni Job ang mga pagsubok at “Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job, ni inari mang mangmang ang Dios” (Job 1:22). Subalit, ang pangyayari kay Job ay patunay na ang kakayahan ni Satanas para tayo ay subukin ay nasa ilalim ng kapamahalaan ng makapangyarihang Diyos. Walang diablo ang makasusubok o makakapagpahirap sa atin maliban sa itinakda ng Diyos. Ang mga pagsubok ay dumarating sa ating buhay upang maganap ang layunin ng Diyos at iyon ay para sa ating ikabubuti.
Maraming halimbawa ng mga positibong bunga ng pagsubok. Inihalintulad ng Mangaawit ang pagsubok sa pilak (Awit 66:10). Sinabi ni Pedro na ang ating pananampalataya ay “lalong mahalaga kay sa ginto,” kaya naman ...”kung kailangan, ay pinalumbay kayo sa muli't muling pagsubok” (1 Pedro 1:6–7). Sa pagsubok sa ating pananampalataya, tayo ay pinalalakas bilang mga alagad na tunay na namumuhay ayon sa pananampalataya at hindi ayon sa kung ano ang ating nakikita (2 Corinto 5:7).
Kung dumaranas tayo ng iba't ibang bagyo sa buhay, dapat tayong maging tulad ng puno na patuloy na hinuhukay ang lupa upang lalong kumapit sa lupa ang kaniyang ugat. Dapat tayong maghukay ng mas malalim sa Salita ng Diyos at kumapit sa Kaniyang mga pangako upang ating malampasan ang anumang bagyo na dumarating sa atin.
Ang kapanatagan nating lahat ay ang malaman na hindi ipahihintulot ng Diyos na subukin tayo ng higit sa ating makakaya. Ang Kanyang biyaya ay sapat: sapagka't ang Kaniyang kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan. Kaya naman sinabi ni Pablo na, “Kaya nga ako'y nagagalak sa mga kahinaan, sa mga pagkaapi, sa mga pangangailangan, sa mga pagkakausig, sa mga paghihinagpis, dahil kay Cristo: sapagka't pagka ako'y mahina, ako nga'y malakas” (2 Corinto 12:9).
English
Bakit tayo sinusubok ng Diyos?