Tanong
Dapat bang dumalo ang isang Kristiyano sa kasal ng magkapareha na pareho ang kasarian?
Sagot
Una, ilang pananalitang nagpapalakas ng loob: kung isa kang uri ng kaibigan na iimbitahin ng magkapareho ang kasarian sa kanilang kasal, maaaring ginagawa mo ang isang bagay na tama. Noong magministeryo si Jesus sa lupa, lumapit sa Kanya ang mga itinatakwil ng lipunan, ang mga maniningil ng buwis, at ang mga makasalanan (Mateo 9:10; Lukas 15:1). Para sa kanila, isa Siyang kaibigan.
Sa karagdagan, walang kasalanan ang mas malaki sa iba. Ang lahat ng kasalanan ay paglapastangan sa Diyos. Ang homosekwalidad ay isa lamang sa maraming kasalanan na nakalista sa 1 Corinto 6:9-10 na naglalayo sa tao sa kaharian ng Diyos. Lahat tayo ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos (Roma 3:23). Sa pamamagitan lamang ni Jesu Cristo tayo maliligtas mula sa walang hanggang kaparusahan ng ating mga kasalanan. (Pakibasahin ang aming artikulo na may titulong "Ano ang ibig sabihin na si Jesus ang Tagapagligtas).
May nangangawiran na hindi dapat magkaroon ng anumang inhibisyon ang mga Kristiyano sa pagdalo sa kasalan ng mga bakla/tomboy at hindi ito nangangahulugan o indikasyon ng pagsuporta sa makasalanang pamumuhay ng mga homosekswal. Sa halip, itinuturing nila ang aksyong ito na pagpapakita ng pag-ibig ni Cristo para sa isang kaibigan. Iniisip nila na ang presensya ng isang tao sa kasalan ng bakla/tomboy na kaibigan ay isang ekspresyon ng pag-ibig at pakikipagkaibigan sa taong iyon – hindi pagsuporta sa uri ng kanilang pamumuhay o espiritwal na pagpili. Hindi tayo nagdadalawang isip na sumuporta sa mga kaibigan at mga mahal natin sa buhay na nakikipaglaban sa ibang uri ng kasalanan. Ang pagpapakita ng suporta at walang kundisyong pag-ibig ay maaaring magbukas ng pinto para sa mga oportunidad sa hinaharap.
Ang problema, ang ganitong kasalanan ay isang selebrasyon ng dalawang taong namumuhay sa paraang idineklara ng Diyos na imoral at hindi normal (Roma 1:26-27). "Dapat na igalang ng lahat ang pagaasawa …" (Hebreo 13:4), ngunit ang isang kasalan sa pagitan ng dalawang taong pareho ang kasarian ay hindi gumagalang sa pagaasawa at pinipilipit ang kahulugan nito. Hindi gaya ng pagaasawa sa isang tao na may ibang panananampalataya, ang pagaasawa ng mga homosekswal ay hindi nakaabot sa pamantayan ng pagaasawa na itinakda ng Diyos. Ang pagaasawa sa pagitan ng isang hindi Kristiyanong lalaki at hindi Kristiyanong babae ay pagaasawa pa rin sa mata ng Diyos. Katuparan pa rin ito ng pagiging "isang laman," isang relasyon na ayon sa layunin ng Diyos (Genesis 2:24). Kahit na ang pagaasawa sa pagitan ng isang mananampalataya at isang hindi mananampalataya ay makabuluhan (1 Corinto 7:14), bagama't ipinagbabawal ng Diyos sa mga mananampalataya ang ganitong uri ng pagaasawa (2 Corinto 6:14).
Ang pagsasama ng dalawang taong pareho ang kasarian ay hindi pagaasawa sa mata ng Diyos. Ang pagaasawang itinalaga ng Diyos ay sa pagitan ng isang lalaki at isang babae at pang habang buhay; ang kunin ang banal at pinagpalang seremonya at gawin ito na isang makasalanang gawain ay kawalanghiyaan. Paano tayo hihingi ng pagpapala ng Diyos para sa isang pagsasama na idineklara Niyang hindi normal?
Ipagpalagay na maaaring dumalo ang isang Kristiyano sa isang homosekswal na kasalan at kahit paano ay maipakitang malinaw na hindi niya sinusuportahan ang kanilang paraan ng pamumuhay kundi ang mga indibidwal lamang. Ang indibidwal na kanyang sinusuportahan ay siya ring nagdadaos ng isang kaganapan na ipinagdiriwang ang kanilang imoralidad. Walang anumang katwiran ang magagamit para itanggi ang katotohanan na ang isang kasalan sa pagitan ng dalawang taong magkapareho ang kasarian ay isang pagdiriwang ng kasalanan. Sinusuportahan natin ang isang manginginom na kaibigan sa pagtulong sa kanya na tumigil sa paglalasing sa pamamagitan ng hindi pagsama sa kanya sa pagpunta sa isang lugar ng inuman. Sinusuportahan natin ang isang kaibigang adik sa pornograpiya sa pamamagitan ng pagpapayo at pagtulong sa paggawa niya ng mga hakbang para huwag siyang matuksong muling magbasa o manood ng malalaswang magasin o panoorin. Sa parehong paraan, sinusuportahan natin ang isang kaibigang bakla o tomboy na makaalis siya sa masamang uri ng pamumuhay, hindi bilang isang bisita sa selebrasyon ng homosekswalidad. Hindi natin tunay na tinutulungan ang ating mga kaibigan sa pagdalo sa isang kasayahan kung saan pinapalakpakan ang kasalanan.
Kahanga-hanga ang magpakita ng pag-ibig sa isang kaibigan. Isang mabuting bagay ang maghanap ng mga pagkakataon para magpatotoo at maipakita ang ating kabutihan at pag-ibig sa ating mga kaibigang bakla at tomboy. Gayunman, hindi tama ang motibong ito kung dadalo ka sa kasal ng dalawang taong magkapareho ang kasarian. Hindi natin layunin kailanman na itulak ang ating mga kaibigan palayo kay Cristo, ngunit may responsibilidad ang mga Kristiyano na manindigan para sa katuwiran kahit na magreresulta ito sa sama ng loob, pagkakaba-bahagi o pagkasuklam (Lukas 12:51-53; Juan 15:18). Kung inimbita sa kasal ng isang kaibigang bakla o tomboy, ang dapat na kumbiksyon ng isang mananampalataya sa Panginoong Jesu Cristo ay magalang na pagtanggi.
Ngunit, kumbiksyon lang namin ito. Ang kasal sa pagitan ng dalawang taong pareho ang kasarian ay isang isyu na hindi tinalakay sa Bibliya. Tiyak na wala tayong mababasa sa Bibliya na dapat o hindi tayo dapat na dumalo sa isang kasalang homosekswal. Base sa mga dahilan at mga prinsipyong nakalista sa itaas, hindi namin nakikita ang anumang sitwasyon na magiging tama ang pagdalo sa kasalan sa pagitan ng isang bakla o tomboy. Kung pagkatapos ng maraming panalangin, dinala ka sa ibang kumbiksyon, hindi namin mamaliitin ang iyong pananampalataya o kukwestyunin ang iyong pagtatalaga kay Cristo.
English
Dapat bang dumalo ang isang Kristiyano sa kasal ng magkapareha na pareho ang kasarian?