Tanong
Ano ang tinatawag na balumbon ng mga kasulatan mula sa Dagat na Patay (Dead Sea scrolls) at bakit sila mahalaga?
Sagot
Ang una sa balumbon ng mga kasulatan mula sa Dagat na Patay (Dead Sea scrolls) ay natuklasan noong 1947 sa Qumran, isang nayon may mga dalampung (20) milya sa silangan ng Jerusalem, sa hilagang kanluran ng Dagat na Patay. Isang batang pastol na Bedouin ang nakatuklas dito habang hinahanap ang isang naligaw na alagang kambing. Naghagis siya ng isang bato sa isa sa mga kuweba doon at may narinig siyang tunog na tulad sa isang nabasag na bagay. Tinamaan ng bato ang isang palayok na gawa sa ceramic kung saan nakalagay ang balumbon ng mga Kasulatan na yari sa katad at papyrus na tinatayang may edad na dalawang libong (2000) taon. Pagkalipas ng maraming paghahanap sa loob ng sampung (10) taon. labing-isang (11) kuweba sa palibot ng Dagat na Patay ang natagpuang naglalaman ng daan-daang libo ng piraso ng mga balumbon ng mga kasulatan na tinatayang nagmula pa noong ikatlong siglo hanggang A.D. 68 at kumakatawan sa tinatatayang walong daang (800) magkakahiwalay na piraso ng kasulatan.
Binubuo ang balumbon ng kasulatan (Dead Sea Scrolls) ng malawak na koleksyon ng mga dokumento ng mga Hudyo na isinulat sa wikang Hebreo, Aramaiko, at Griyego, at tumutukoy sa maraming paksa at istilo ng literatura. Kasama sa mga ito ang mga manuskrito o piraso ng bawat aklat ng Bibliyang Hebreo maliban sa aklat ni Esther, at ang lahat ng mga ito ay nagawa may halos isanlibong taon (1,000) bago lumabas ang mga dati ng kinikilalang manuskrito ng Bibliya. Naglalaman din ang mga balumbon (scrolls) ng pinakaunang komentaryo ng Bibliya (aklat ni Habakuk), at marami pang ibang kasulatan, kasama ang mga kasulatan kung saan inilalarawan ang mga sekta ng relihiyon ng mga Hudyo sa kanilang panahon.
Ang mga sabi-sabi tungkol sa nilalaman ng mga balumbon ng kasulatang ito (Dead Sea Scrolls) ay malayong malayo sa tunay na nilalaman ng mga ito. Walang nawawalang aklat ng Bibliya o iba pang literatura na hindi nagawan ng kopya. Ang malaking bahagi ng mga balumbon (Dead Sea Scrolls) ay simpleng mga kopya ng mga aklat ng Lumang Tipan mula 250 hanggang 150 B.C. May mga natagpuan ding mga aklat na hindi kasama sa mga aklat ng Bibliya at mga aklat apokripa, ngunit muli, ang karamihan ng mga kasulatan ay mga kopya ng Lumang Tipan sa saling Hebreo. Ang Dead Sea Scrolls ay isang kahanga-hangang tuklas dahil ang mga balumbong ito ng kasulatan ay nasa napakagandang kalagayan sa kabila ng nanatili itong nakatago sa loob ng napakatagal na panahon (mahigit sa dalawang libong (2,000) taon). Binibigyan tayo ng mga balumbong ito ng kasulatan ng kumpiyansa na mapagkakatiwalaan natin ang mga manuskrito ng Lumang Tipan na nasa atin bago pa natuklasan ang mga balumbon ng kasulatan sa nayon ng Qumran. Malinaw na ito ay katibayan ng pagpapanatili ng Diyos sa Kanyang Salita sa pagdaan ng mga siglo, at iningatan at binantayan Niya ang mga ito laban sa pagkasira at kamalian. English
Ano ang tinatawag na balumbon ng mga kasulatan mula sa Dagat na Patay (Dead Sea scrolls) at bakit sila mahalaga?