settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ay Banal, Banal, Banal?

Sagot


Ang pariralang “Banal, Banal, Banal” ay ginamit ng dalawang beses sa Bibliya, isa sa Lumang Tipan (Isaias 6:3) at isa sa Bagong Tipan (Pahayag 4:8). Sa parehong pagkakataon, ang pariralang ito ay sinambit ng mga nilalang sa kalangitan at parehong nangyari sa isang pangitain ng 2 tao na dinala sa trono ng Diyos: una si Propeta Isaias at ikalawa, si Apostol Juan. Bago talakayin ang paksang ito tungkol sa tatlong ulit na salitang banal, mahalagang maunawaan muna kung ano ang eksaktong kahulugan ng kabanalan ng Diyos.

Ang kabanalan ng Diyos ang isa sa pinakamahirap na ipaliwanag sa mga katangian ng Diyos, dahil ito ay isa sa Kanyang mga esensyal na katangian na hindi Niya ibinahagi sa tao. Nilikha tayo sa wangis ng Diyos, at nakabahagi tayo sa maraming katangian na mayroon ang Diyos sa mababang antas, gaya ng pag-ibig, kahabagan, katapatan, at iba pa. Ngunit ang ilan sa mga katangian ng Diyos ay hindi Niya ibinahagi sa kanyang mga nilalang, halimbawa, ang Kanyang pagiging nasa lahat ng dako, pagiging marunong sa lahat at pagiging makapangyarihan sa lahat at ang kanyang kabanalan. Ang kabanalan ng Diyos ang naghihiwalay sa Kanya mula sa lahat ng mga bagay. Ang kabanalan ay higit pa sa kanyang pagiging perpekto at walang bahid dungis na kalinisan; ito ang esensya ng Kanyang pagiging naiiba sa lahat, ang Kanyang pagiging bukod sa lahat ng kanyang mga nilikha. Ang kabanalan ng Diyos ang naglalarawan sa Kanyang pagiging kagilagilalas at siyang dahilan upang mamangha tayo sa Kanya habang inuunawa natin ang kahit sa kaliit-liitan ng Kanyang karangalan.

Si Isaias ay isang saksi sa kabanalan ng Diyos sa kanyang pangitain na kanyang inilarawan sa kanyang aklat sa Isaias 6. Kahit na isa siyang Propeta at isang taong matuwid, ang kanyang unang reaksyon sa kanyang pangitain ng kabanalan ng Diyos ay ang kanyang kamalayan sa kanyang pagiging makasalanan at kawalan ng pag-asa para sa kanyang buhay (Isaias 6:5). Kahit na ang mga anghel sa presensya ng Diyos na nagsasabi ng “Banal, Banal, Banal ang makapangyarihang Diyos,”ay tinatakpan ang kanilang mga mukha at mga paa ng apat sa kanilang mga pakpak. Ang pagtatakip sa mukha at paa ay sumisimbolo sa paggalang at pagkamangha sa presensya ng Diyos (Exodo 3:4-5). Nakatayo ang mga Serapin na tinatakpan ang kanilang sarili, na tila itinatago ang kanilang sarili sa abot ng kanilang makakaya, bilang pagkilala sa kanilang kawalan ng karapatan sa presensya ng Banal na Diyos. At kung ang banal at walang dungis na mga Serapin ay nagpapakita ng ganitong klase ng paggalang sa presensya ni Jehovah, gaano kaya kalaki ang ating magiging pagkamangha sa Diyos bilang mga marumi at makasalanang nilalang sa Kanyang harapan! Ang paggalang sa Diyos na ipinakikita ng mga anghel ay dapat na magpaalaala sa atin ng ating sariling mga maling akala kung lumalapit tayo sa Kanyang harapan ng hindi gumagalang at hindi nagpapahalaga sa Kanyang presensya, gaya ng madalas nating gawin tuwing tayo'y sumasamba dahil hindi natin nauunawaan ang Kanyang kabanalan.

Ang pangitain ni Apostol Juan sa trono ng Diyos sa Pahayag 4 ay katulad ng pangitain ni Propeta Isaias. Muli, may mga nilalang na buhay na nakapalibot sa trono ng Diyos na nagsasabi, “Banal, Banal, Banal, ang Panginoong Dios, ang Makapangyarihan sa lahat” (Pahayag 4:8) sa paggalang at pagkamangha sa banal na Diyos. Inilarawan ni Juan ang mga nilalang na lumuluwalhati at nagpaparangal at patuloy na nagbibigay pugay sa Diyos sa Kanyang trono. Kapuna puna na iba ang reaksyon ni Juan kaysa sa reaksyon ni Isaias. Walang tala ng pagbagsak ni Juan sa lupa dahil sa pagkatakot o pagkamangha at pagkaunawa sa kanyang makasalanang kalagayan, maaaring dahil dati ng nakita ni Juan ang nabuhay na mag-uling Kristo sa pasimula ng kanyang pangitain (Pahayag 1:17). Ipinatong ng Panginoon ang Kanyang kamay kay Juan at sinabihan na huwag siyang matakot. Sa ganito ring kaparaanan, makalalapit tayo sa trono ng biyaya kung nasa atin ang kamay ni Hesus sa anyo ng kanyang katuwiran, na ipinalit Niya sa ating mga kasalanan doon sa Krus (2 Corinto 5;21).

Ngunit bakit kaya inulit ng tatlong beses ang salitang banal (na tinatawag na trihagion)? Ang paguulit sa isang pangalan o ekspresyon ng tatlong beses ay pangkaraniwan sa mga Hudyo. Sa Jeremias 7:4, ang kawalang galang ng mga Hudyo sa Diyos ay ipinahiwatig ng propeta sa pagsasabi ng tatlong beses sa salitang “ang templo ng Panginoon” na naglalarawan ng kanilang taimtim na pagtitiwala sa kanilang pagsamba, kahit na iyon ay hindi karapat dapat at pakitang tao lamang. Ang Jeremias 21:27, Ezekiel 21:27 at 1 Samuel 18:23 ay naglalaman din ng parehong ekspresyon. Kaya, ang pagsasabi ng mga anghel na nakapalibot sa trono ng Diyos ng “Banal, Banal, Banal” ay nagpapahayag ng kanilang taimtim na pagkilala sa kabanalan ng Diyos, ang kanyang esensyal na katangian na nagpapahiwatig ng pagiging kamangha-mangha at kahanga-hanga ng Kanyang kalikasan.

Gayundin naman, ang trihagion ay nagpapahiwatig ng Trinidad ng Diyos, ang tatlong persona sa iisang Diyos, na ang bawat isa ay pantay sa kabanalan at karangalan. Si Hesu Kristo ang Banal na hindi nakaranas ng pagkabulok sa libingan, sa halip ay nabuhay na mag-uli at umupo sa kanan ng Diyos Ama (Gawa 2:26; 13:33-35). Si Hesus ang “Banal at Matuwid” (Gawa 3:14) na ang kamatayan sa krus ay nagbigay sa atin ng pribilehiyo na makatayo sa harapan ng trono ng ating Banal na Diyos ng walang pagaalinlangan. Ang ikatlong persona ng Trinidad, ang Banal na Espiritu, na ang Kanyang pangalan mismo ay nagpapahayg ng kahalagahan ng kabanalan sa esensya ng tatlong Persona ng Diyos.

Sa huli, ang dalawang pangitain ng mga anghel sa palibot ng trono na nagsasabi “Banal, Banal, Banal” ay malinaw na nagpapahiwatig na ang Diyos ng Lumang Tipan ay pareho sa Diyos ng Bagong Tipan. Lagi nating naiisip na ang Diyos ng Lumang Tipan ay Diyos ng kapootan at ang Diyos ng Bagong Tipan ay Diyos ng pag-ibig. Ngunit ipinakita ni Isaias at Juan ang iisang larawan ng ating Banal, Kamangha-mangha at Kahanga hangang Diyos na hindi kailanman nagbabago (Malakias 3:6), na pareho noon, ngayon at magpakailaman (Hebreo 13:8), “na walang pagbabago, ni kahit anino man ng pagiiba” (Santiago 1:17). Ang kabanalan ng Diyos ay walang hanggan, dahil Siya ay walang hanggan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ay Banal, Banal, Banal?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries