Tanong
Ano ang sakramento ng Romano Katoliko na tinatawag na Banal na Komunyon / Misa? Ano ang pakahulugan ng Simbahang Katoliko sa pagdiriwang ng Huling Hapunan?
Sagot
Para sa mga Katoliko, ang Banal na Komunyon / misa ay ang pinakamahalaga at pinakamataas na uri ng panalangin. Ayon sa doktrina ng Simbahang Katoliko, ang pagdalo sa misa at pakikibahagi sa Komunyon ay isang obligasyon upang mabayaran ang mortal na kasalanan, at kailangang gawin linggu-linggo o sa mga banal na araw ng obligasyon. Ang misa kung saan ginaganap ang Banal na Komunyon ay nahahati sa dalawang bahagi, ang liturhiya ng Salita at liturhiya ng Banal na Hapunan. Ang liturhiya ay binubuo ng dalawang pagbasa (isa mula sa Lumang Tipan at isa mula sa Bagong Tipan), ang tugong awit, pagbasa ng Ebanghelyo, ang sermon, at ang panalangin ng bayan (tinatawag ding "mga petisyon").
Ang pinakasentro ng misa ay ang ikalawang bahagi nito, ang Liturhiya ng Banal na Komunyon. Sa puntong ito, nakikibahagi ang mga Katoliko sa katawan at dugo ni Kristo sa anyo ng tinapay at alak na ipinapasa sa kongregasyon. Sang- ayon sa Bibliya, ito ay dapat na ginagawa bilang pag-alalala kay Kristo (1 Corinto 11:23-25, Lukas 22:18-20 at Mateo 26:26-28). Ngunit ayon sa Katekismo ng Simbahang Katoliko, saknong 1366, "Ang Banal na Komunyon ay isang handog dahil ipinapahayag nito ang paghahandog ni Kristo sa krus, at ito ang alaala at bunga nito." Ipinagpatuloy ito ng Katekismo sa saknong 1367:
"Ang sakripisyo ni Kristo at sakripisyo ng Banal na Komunyon ay iisa: "Iisa lamang ang biktima: ang biktima ay inihahandog ngayon sa pamamagitan ng ministeryo ng mga pari, na naghahandog ng Kanyang katawan sa krus; tanging sa paraan lamang ng paghahandog nagkakaiba," "At dahil sa handog na ito ng Diyos na ipinagdiriwang sa Banal na Misa, ang parehong Kristo ay inihahandog ang Kanyang sarili sa altar ng krus ng walang dugo, at "ang paghahandog na ito ay nakapagliligtas"
Sa Aklat ni Malakias, hinulaan ng propeta ang pagaalis sa Lumang Sistema ng paghahandog at ang pagtatatag ng bagong paghahandog: "Ang sabi ng Makapangyarihang si Yahweh: "Mabuti pa'y isara na ng isa sa inyo ang mga pinto ng templo at huwag na kayong mag-aksaya ng panahon sa pagsisindi ng apoy sa ibabaw ng aking dambana! Hindi ako nalulugod sa inyo at hindi ko tatanggapin ang anumang handog ninyo sa akin. Ang aking pangalan ay iginagalang ng lahat ng bansa. Nagsusunog sila ng kamanyang at nag-aalay ng malilinis na handog sa aking pangalan. Ako'y dinadakila nilang lahat" (Malakias 1:10-11). Nangangahulugan ito na isang araw, luluwalhatiin ang Diyos sa gitna ng mga Hentil, na maghahandog ng perpektong handog sa Diyos sa lahat ng dako. Ipinapalagay ito ng mga Katoliko na siyang Banal na Misa. Ngunit iba ang pakahulugan dito ni Apostol Pablo: "Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y namamanhik sa inyo: ialay ninyo ang inyong sarili bilang handog na buhay, banal at kalugud-lugod sa kanya. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos" (Roma 12:1). Ang Banal na Komunyon ay maaaring idaos sa mga piling lugar: mga simbahan na pinabanal at benendisyunan ayon sa kautusan ng Simbahang Katoliko. Ang ideya ng paghahandog ng katawan bilang haing buhay ay umaaangkop sa hula ni Malakias kung saan sinabi Niya na magaganap sa lahat ng lugar ang paghahandog sa Diyos.
Naniniwala ang Simbahang Katoliko na ang tinapay at alak ay nagiging tunay na katawan at tunay na dugo ni Kristo. Tinatangka nila na suportahan ng Bibliya ang kanilang katuruang ito sa pamamagitan ng mga sumusunod na talata: Juan 6:32-58; Mateo 26:26; Lukas 22:17-23; at 1 Corinto 11:24-25. Noong 1551 A.D., opisyal na idineklara sa Konseho ng Trent ng mga lider ng simbahang Katoliko : "Sa pamamagitan ng pagtatalaga ng tinapay at ng alak, may nagaganap na pagbabago sa mga elemento kung saan ang tinapay ay nagiging tunay na katawan ni Kristo at ang alak ay nagiging tunay na dugo ni Kristo. Ang pagbabagong ito ng mga elemento sa ay tinatawag na "transubstantiation" (saknong XIII, kabanata IV; cf. canon II). Sa pamamagitan ng pakikibahagi sa Banal na komunyon, itinuturo ng simbahan na ginaganap ng mga Katoliko ang Juan 6:53: "Kaya't sinabi ni Jesus, "Tandaan ninyo: malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay."
Ano nga ba talaga ang kahulugan ng talatang nabanggit? “Nagpatuloy si Hesus sa pagsasalita: ‘Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng laman. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay Espiritu at buhay. Ngunit may ilan sa inyong hindi nananalig sa akin’ (Sapagkat talastas ni Jesus buhat pa noong una kung sinu-sino ang hindi nananalig sa kanya, at kung sino ang magkakanulo sa kanya)" (Juan 6:63-64). Kaya, kung walang magagawa ang laman, bakit natin kailangang kainin ang laman ni Hesus upang magkaroon ng buhay na walang hanggan? Hindi ito kapani-paniwala malibang sinabi ni Hesus na ang salita na kanyang sinasabi ay hindi lamang "espiritu." Ayon sa pagkasabi ni Hesus, ang katuruan ng pagkain ng kanyang laman ay hindi literal, kundi espiritwal. Ang salitang ginamit ni Hesus ay angkop na angkop sa sinabi ni Apostol Pablo sa Roma 12:1, "Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y namamanhik sa inyo: ialay ninyo ang inyong sarili bilang handog na buhay, banal at kalugud-lugod sa kanya. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos."
Sa kaisipan ng mga Hudyo, ang salitang "tinapay" ay inihahalintulad sa Kautusan o sa "Torah," at ang pagkain nito ay ay hindi literal na pagkain kundi ang pagbabasa at pagbubulay sa tipan ng Diyos (tingnan ang Deuteronomio 8:3). Halimbawa, sinasabi sa Aklat ni Sirach, isang aklat ng apocrypha, "siya na kumakain sa akin ay muling magugutom, siya na umiinom sa akin ay muling mauuhaw; siya na sumusunod sa akin ay hindi malalagay sa kahihiyan, at siya na naglilingkod sa akin ay hindi mabibigo. Ang lahat ng ito ay totoo sa aklat ng Tipan ng isang pinakamataas sa Lahat, ang kautusan na iniutos sa atin ni Moises bilang pamana sa sangbahayan ni Jacob" (Sirach 24:20-22). Ang pagbanggit sa aklat ni Sirach ay hindi para ituring na ang aklat na ito ay kasama sa Banal na Kasulatan. Ito'y nagsisilbing isang ilustrasyon kung paano inuunawa ng mga Hudyo ang Kautusan ni Moises. Mahalagang malaman kung paanong inihahalintulad ng mga Hudyo ang tinapay sa Kautusan upang maintindihan ang talagang ibig sabihin ni Hesus ng sabihin Niya ang salitang "Kunin ninyo ito at kanin, ito ang aking katawan..."
Sa Juan 6, sinasabi ni Hesus sa mga tao na mas higit Siya kaysa sa Kautusan (tingnan ang Juan 6:49-51), at sa buong sistema ng Kautusan ni Moises. Sa mga talata mula sa aklat ni Sirach, sinasabi doon na ang sinumang kumakain ng Kautusan ay muling magugutom at muling mauuhaw, mga pananalita na pinatutungkulan ni Hesus ng Kanyang sabihin, "Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay," sabi ni Jesus. "Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom, at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman." (Juan 6:35). Hindi iniuutos ni Hesus sa mga tao na literal na kainin ang Kanyang katawan at literal na inumin ang Kanyang dugo. Pinatutungkulan Niya ang pinakabuod ng lahat ng katuruang Kristiyano: ang manampalataya kay Hesus mismo "Ito ang ipinagagawa sa inyo ng Diyos: manalig kayo sa sinugo niya," tugon ni Jesus" (Juan 6:29). Kaya nga ang interpretasyon ng Simbahang Katoliko sa mga pananalitang ito ni Hesus ay hindi sinasang-ayunan ng Bibliya.
Ikalawa, may malinaw na paghahambing ang Juan 6 sa panahon ni Moises at sa pagkain ng Manna ng mga Israelita sa ilang. Sa panahon ni Moises, ang Manna ang probisyon ng Diyos upang siyang maging pagkain ng mga Israelita habang naglalakbay sila sa ilang. Sa Juan kabanata 6, inaangkin ni Hesus na Siya ang totoong Manna, ang tinapay na nagmula sa langit. Sa pangungusap na ito, inaangkin ni Hesus na Siya ang probisyon ng Diyos para sa kaligtasan ng kaluluwa. Ang Manna ang probisyon ng Diyos para maligtas ang mga Israelita sa pisikal na pagkagutom. Si Hesus naman ang probisyon ng Diyos para maligtas sila sa kapahamakang walang hanggan. Gaya ng Manna na kailangang kainin upang lumakas ang katawan, gayundin naman kailangang tanggapin si Hesus sa pamamagitan ng pananampalataya upang makamit ang kaligtasan.
Napakalinaw na tinutukoy ni Hesus ang Kanyang sarili bilang "Tinapay ng buhay" at sinasabihan Niya ang mga Israelita na "kainin" ang Kanyang laman sa Juan 6. Ngunit hindi natin dapat isipin na ang ibig sabihin ni Hesus sa mga pangungusap na ito ay gaya ng itinuturo ng Simbahang Katoliko na tinatawag nilang "transubstantiation." Ang Huling hapunan / Kristiyanong Komunyon o Banal na Hapunan ay hindi pa itinatatag noon. Hindi itinatag ni Hesus ang Huling Hapunan sa kabanata 6 ng Juan kundi sa kabanata 13. Kaya nga hindi tamang pakahuluganan ang katuruan ng Banal na Hapunan gamit ang kabanata 6 ng Juan. Gaya ng sinasabi sa itaas, ang pinakamagandang paraan upang maunawaan ang "pagkain sa laman" ni Hesus ay dapat tingnan sa diwa ng paglapit kay Hesus sa pamamagitan ng pananampalataya para sa ating kaligtasan. Noong tanggapin natin Siya bilang Tagapagligtas, at ilagak sa Kanya ng buong-buo ang ating pagtitiwala para sa ating kaligtasan, "kinakain natin ang Kanyang laman" at "iniinom ang Kanyang dugo" hindi sa literal kundi sa epiritwal na kaparaanan. Ang Kanyang katawan ay binugbog at nasugatan (sa Kanyang kamatayan) at ang Kanyang dugo ay nabuhos sa krus upang linisin ang ating mga kasalanan. Sinasabi sa 1 Corinto 11:26, "Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa sarong ito ay ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa muling pagparito niya."
Kung ang paniniwala man ng Simbahang Katoliko sa Banal na Hapunan ay "muling paghahandog ni Kristo" o "muling pagsasagawa ng sakripisyo ni Kristo" — parehong hindi sinasang-ayunan ng Bibliya ang dalawang paniniwalang ito. Hindi na kailangang maghandog muli ni Hesus para sa kasalanan. Hindi na kailangang muli pang magsakripisyo ni Hesus para tayo maligtas. Idineklara sa Hebreo 7:27, "Hindi siya katulad ng ibang mga dakilang saserdote na kailangang maghandog ng mga hain araw-araw, una'y para sa sarili nilang kasalanan, at pagkatapos, para sa kasalanan ng mga tao. Minsang naghandog si Jesus — at iya'y pangmagpakailanman — nang ihandog niya ang kanyang sarili. Gayundin naman, sinabi ni Pedro sa 1 Pedro 3:18, "Sapagkat si Cristo'y namatay para sa inyo. Namatay siya dahil sa kasalanan ng lahat---ang walang kasalanan para sa mga makasalanan---upang iharap kayo sa Diyos. Siya'y namatay ayon sa laman, at muling binuhay ayon sa Espiritu." Ang minsang paghahandog ni Hesus ay sapat na upang tubusin ang ating mga kasalanan, "Sapagkat si Cristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin, at kasalanan din ng lahat ng tao" (1 Juan 2:2). Kaya nga hindi na kailangan pang ihandog na muli si Kristo. Sa halip ang paghahandog ni Kristo ng minsan para sa katubusan ng tao ay dapat tanggapin sa pamamagitan ng pananampalataya (Juan 1:12; 3:16). Ang “pagkain ng laman” ni Hesus at “paginom ng Kanyang dugo” ay mga simbolo lamang ng buong pusong pagtanggap sa kanyang paghahandog sa krus para sa ating kaligtasan sa Kanyang biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya.
English
Ano ang sakramento ng Romano Katoliko na tinatawag na Banal na Komunyon / Misa? Ano ang pakahulugan ng Simbahang Katoliko sa pagdiriwang ng Huling Hapunan?