Tanong
Ano ang banal na pagtawa o holy laughter?
Sagot
Ang salitang banal na pagtawa o “holy laughter” ay nilikha upang ilarawan ang isang pangyayari kung kailan tumatawa ng walang humpay ang isang tao na ipinagpapalagay na resulta ng kapuspusan at kagalakang mula sa Banal na Espiritu. Ito ay kinapapalooban ng bugso ng hindi mapigilang paghalakhak, na minsan ay sinasabayan ng panghihimatay o pagbagsak sa sahig. Nagkakaiba-iba ang salaysay ng mga nakaranas nito sa iba’t ibang antas ngunit lahat sila ay tila naniniwala na ito ay isang tanda ng “pagpalala” o “kapuspusan” ng Banal na Espiritu.
Sa esensya, nakadepende ang kahulugan ng karanasan ng pagtawa sa Espiritu sa pananaw ng isang tao. Kaya nga, upang makita ang katotohanan sa likod ng bagay na ito, dapat na hindi ayon sa ating sarilig pananaw ang ating pagtalakay sa isyung ito. Kung ang ating pakahulugan sa katotohanan ay nakadepende sa ating mga pansariling karanasan, hindi tunay na bukas ang ating pagiisip sa katotohanan. Sa maiksing salita, hindi ang pakiramdam natin ang magsasabi sa atin kung ano ang tama at totoo. Hindi masama ang pakiramdam, at minsan, ang ating pakiramdam ay sumasang-ayon sa katotohanan ng Kasulatan. Gayunman, mas laging umaayon ang ating pakiramdam sa ating makasalanang kalikasan. Ang ating pabagu-bagong puso ay tulad sa isang hindi mapagkakatiwalaang compass. “Sino ang makakaunawa sa puso ng tao? Ito'y mandaraya at walang katulad; wala nang lunas ang kanyang kabulukan” (Jeremias 17:9). Ang prinsipyo ng pagiging mapandaya ng puso ay partikular na mailalapat sa usaping ito na tinatawag na Holy Laughter. Walang duda na ang mga tao ay nagsisimulang tumawa ng walang kontrol sa mga revival meetings. Ito ay isang totoong pangyayari. Ngunit ano ba talaga ang ibig sabihin nito?
Binanggit ng ilang beses ang salitang “tawa” sa Bibliya. Mas madalas na ito ay ginamit upang ilarawan ang isang panunudyo, panunuya o panlalait, gaya ng kaso nina Abraham at Sara na tumawa ng sabihin sa kanila ng Diyos na sila’y magkakaanak sa kanilang katandaan. May ilan na ginagamit ang mga talatang ito bilang isang halimbawa ng panunudyo (Awit 59:8; Awit 80:6; Kawikaan 1:26), at may ilan din naman na ginagamit ito upang pakahuluganan ang mismong akto ng pagtawa. Halimbawa, naobserbahan ni Haring Solomon sa Ecclesiastes 2:2, “Aking sinabi tungkol sa tawa, Ito'y ulol: at sa kasayahan, anong ginagawa nito?’” Nagpatuloy siya sa 7:3, “Kapanglawan ay maigi kay sa pagtawa: sapagka't sa kapanglawan ng mukha ay sumasaya ang puso.” Sinasabi naman sa Kawikaan 14:13 ang kabaliktaran: “Maging sa pagtawa man ang puso ay nagiging mapanglaw; at ang wakas ng kasayahan ay kabigatan ng loob.” Totoo ang lahat ng mga talatang ito: ang isang malungkot na tao ay maaaring tumawa upang itago ang kanyang kalungkutan, at ang isang tao ay maaaring lumuha bagama’t masaya ang kanyang kalooban. Kaya, hindi lamang bigo ang emosyon na sabihin sa atin ang katotohanan, kundi makikita din natin na ang kasiyahan at pagtawa ay hindi laging nangangahulugan ng kagalakan kundi maaaring mangahulugan din ng galit, kalungkutan at panunudyo. Gayundin naman, ang hindi pagtawa ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng kalungkutan. Ang pagtawa ay isang pansariling karanasan at hindi batayan ng katotohanan ng anumang panloob na karanasan.
Ang pinaka-kapanipaniwalang argumento sa Bibliya laban sa tinatawag na banal na pagtawa o “holy laughter” ay makikita sa Galacia 5:22-23. Sinasabi sa talatang ito, “Datapuwa't ang bunga ng Espiritu ay pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, kaamuan, pagpipigil; laban sa mga gayong bagay ay walang kautusan.” Kung ang pagpipigil sa sarili ay isang bunga ng Banal na Espiritu, paanong ang hindi makontrol na pagtawa ay naging bunga rin ng Banal na Espiritu? Ang mga lider sa mga revivalism ay nagaangkin na ang pagiging puspos ng Espiritu ay nagangahulugan na tayo ay tulad “sa along dinadala ng Espiritu” sa kanyang anumang gustong gawin. Ngunit ang ideya na gagawin ng Diyos ang isang tao na tulad sa isang lasing o tumatawa ng walang tigil o humuhuni gaya ng mga hayop bilang resulta ng kapuspusan ng Espiritu ay direktang sumasalungat sa pagkilos ng Banal na Espiritu ayon sa Galacia 5:22-23. Ang banal na Espiritu na inilalarawan sa Galacia 5 ay ang Banal na Espiritu na nagbibigay ng pagpipigil sa ating sarili, hindi ang kabaliktaran nito. Sa huli, wala kahit sinong tao sa buong Bibliya na kasing puspos ng Banal na Espiritu na gaya ni Hesus, ngunit hindi sinabi kahit minsan sa Bibliya na tumawa si Hesus.
Sa liwanag ng mga bagay na ito, kapaki-pakinabang na tingnan natin ang mga sumusunod na talata mula sa 1 Corinto 14, kung saan tinalakay ni Pablo ang tungkol sa pagsasalita sa ibang wika. “Ngayon nga, mga kapatid, kung ako'y pumariyan sa inyo na nagsasalita ng mga wika, anong inyong pakikinabangin sa akin, maliban na kung kayo'y pagsalitaan ko sa pamamagitan ng pahayag, o ng kaalaman, o ng panghuhula, o ng aral?” (v.6)
“Sapagka't kung ang pakakak ay tumunog na walang katiyakan, sino ang hahanda sa pakikibaka? Gayon din naman kayo, kung hindi ipinangungusap ninyo ng dila ang mga salitang madaling maunawaan, paanong matatalos ang inyong sinasalita? sapagka't sa hangin kayo magsisipagsalita” (vv. 8-9).
“Ano nga ito, mga kapatid? Pagka kayo'y nangagkakatipon ang bawa't isa sa inyo'y may isang awit, may isang aral, may isang pahayag, may wika, may isang pagpapaliwanag. Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay sa ikatitibay. Kung nagsasalita ang sinoman ng wika, maging dalawa, o huwag higit sa tatlo, at sunodsunod; at ang isa'y magpaliwanag: Datapuwa't kung walang tagapagpaliwanag ay tumahimik siya sa iglesia; at siya'y magsalita sa kaniyang sarili, at sa Dios” (vv. 26-28).
“Sapagka't ang Dios ay hindi Dios ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan. Gaya sa lahat ng mga iglesia ng mga banal” (v. 33).
Nang mga panahong iyon sa iglesya ng Corinto, maraming tao sa iglesya ang nagsasalita ng wikang hindi naiintindihan ng iba at dahil dito sinabi ni Pablo na walang saysay ang kanilang ginagawa dahil hindi nakakagpatibay ang kanilang sinasabi sa mga nakikinig. Mailalapat din ang prinsipyong ito sa banal na pagtawa. Kung hihingin ang opinyon ni Pablo, ano ang mapapapakinabang dito malibang magusap tayo sa pamamagitan ng pagtuturo, pagpapalitan ng kaalaman, patotoo at katotohanan? Muli, sinabi ni Pablo, “Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay sa ikatitibay.” Binigyang diin niya ang kanyang argumento sa pagsasabing, “ang Dios ay hindi Dios ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan,” na malinaw na nagpapakita na hindi nais ng Diyos ang kaguluhan at mga walang akbuluhang aktibidad sa Iglesya kundi ang mga gawang makakapagpatibay at makakapagpadunong sa isa’t isa.
Makikita na ipinahihiwatig ng mga pananalita ni Pablo na ang tinatawag na “holy laughter” ay nakapailalim sa kategorya ng mga gawaing “hindi nakakapagpatibay” sa katawan ni Kristo at isang gawaing nararapat na iwasan. Nakikita natin na ang, a) ang pagtawa ay isang hindi mapagkakatiwalaang emosyon; b) maaaring ito ay maging tanda ng iba’t ibang emosyon na salungat sa kalikasan ng Banal na Espiritu. Gayundin naman ang hindi napipigilang bugso ng emosyon ay salungat sa kalikasan ng Banal na Espiritu. Kaya nga hindi dapat ituring na isang kasangkapan sa paglapit sa Diyos o tanda ng kapuspusan ng Banal na Espiritu ang banal na pagtawa o “holy laughter.”
English
Ano ang banal na pagtawa o holy laughter?