Tanong
Sino ang mga banal sa panahon ng kapighatian?
Sagot
Ang mga banal sa panahon ng kapighatian ay simpleng mga mananampalataya na mabubuhay sa panahon ng kapighatian. Naniniwala kami na dadagitin papuntang langit ang iglesya bago ang kapighatian, ngunit ipinapahiwatig ng Bibliya na malaking bilang ng mga tao sa panahon ng kapighatian ang maglalagak ng kanilang pananampalataya kay Hesu Kristo. Sa kanyang pangitain ng langit, nakita ni Juan ang malaking bilang ng mga mananampalataya sa panahon ng kapighatian na papatayin ng Antikristo: “Pagkatapos nito'y nakita ko ang napakaraming tao na di kayang bilangin ninuman! Sila'y mula sa bawat bansa, lipi, bayan, at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Kordero, nakadamit ng puti at may hawak na mga palaspas” (Pahayag 7:9). Nang itanong ni Juan kung sino sila, sinabi sa kanya ng anghel, “Sila ang mga nanggaling sa matinding kapighatian. Nilinis nila at pinaputi ang kanilang damit sa dugo ng Kordero” (talata 14).
Ang kapighatian ay panahon ng malaking paghihirap para sa masasama dahil sa hatol ng Diyos. Ito rin ay magiging panahon ng malaking paguusig sa mga mananampalataya – o mga banal – dahil sa paguusig ng Antikristo (Pahayag 13:7). Nakita ni Daniel ang Antikristo na “dinigma at nilupig ang mga hinirang ng Diyos” (Daniel 7:21). Tiyak na ang walang hanggang kaligtasan ng mga banal: at nakita din ni Daniel ang “Nabubuhay Magpakailanpaman at nagbigay ng hatol sa panig ng mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos. Dumating ang araw para ibigay sa bayan ng Diyos ang pamamahala sa kaharian” (Daniel 7:22; Pahayag 14:12–13).
Ang mga banal sa panahon ng kapighatian ay makakarinig ng Ebanghelyo mula sa ilang posibleng panggagalingan. Ang una ay ang Bibliya. May matitirang maraming kopya ng Bibliya sa mundo at sa oras na ibuhos ng Diyos ang Kanyang hatol, maraming tao ang tutugon sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya upang tingnan kung natutupad na ang mga hula. Marami sa mga banal sa panahon ng kapighatian ang makakarinig din ng mensahe ng Ebanghelyo mula sa dalawang saksi (Pahayag 11:1–13). Sinasabi sa Bibliya na ipapahayag ng dalawang ito ang mensaheng mula sa Diyos “sa loob ng isang libo, dalawandaan at animnapung (1,260) araw [tatlong taon at kalahati]” (talata 3) at gagawa sila ng mga dakilang himala (talata 6). At pagkatapos, may lalabas na 144,000 na mga tinubos na misyonerong Hudyo na tinatakan ng Diyos sa panahon ng kapighatian (Pahayag 7:1–8). Agad-agad pagkatapos ng paglalarawan sa pagtatatak sa kanila sa Pahayag 7, mababasa natin ang tungkol sa napakaraming banal sa panahon ng kapighatian na naligtas mula sa bawat sulok ng daigdig (talatas 9–17).
Maglilingkod sa Panginoong Hesu Kristo ang mga banal sa panahon ng kapighatian sa gitna ng magulong kapaligiran. Magtatapat sila hanggang wakas at marami sa mga mananampalatayang ito ang mamamatay alang-alang sa kanilang pananampalataya. Ngunit sa kanilang kamatayan, magtatagumpay sila, “Nagtagumpay ang mga ito laban sa diyablo sa pamamagitan ng dugo ng Kordero, at sa pamamagitan ng kanilang pagpapatotoo sa salita ng Diyos; at buong puso nilang inialay ang kanilang buhay hanggang sa kamatayan” (Pahayag 12:11). At gagantimpalaan sila ng Diyos: “Iyan ang dahilan kung bakit sila ay nasa harap ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya sa templo araw at gabi. At ang nakaupo sa trono ang siyang kukupkop sa kanila. Hindi na sila magugutom ni mauuhaw man; hindi na rin sila mabibilad sa araw ni mapapaso ng anumang matinding init, sapagkat ang Korderong nasa gitna ng trono ang magiging pastol nila. Siya ang gagabay sa kanila sa mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay, at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata” (Pahayag 7:15–17).
Pinupuri natin ang Diyos na ang dakilang araw ng kapighatian ay araw din ng dakilang biyaya. Bagama’t ibubuhos ng Diyos ang Kanyang matuwid na hatol sa hindi mga mananampalataya sa mundo, ibabalik Niya ang Israel sa pananampalataya at ipagkakaloob ang Kanyang biyaya sa lahat ng sasampalataya, maging Hudyo man o Hentil. Laging nagliligtas ang Diyos ng mga tao, at ang kaligtasan ay mararanasan pa rin kahit na sa panahon ng kapighatian. Huwag ka ng maghintay hanggang dumating ang araw na iyon, sa halip, pagsisihan mo ang iyong mga kasalanan at tanggapin mo na si Hesus ngayon! (Juan 1:12).
English
Sino ang mga banal sa panahon ng kapighatian?