Tanong
Ano ang Biblikal na paraan upang akayin ang isang bata kay Kristo?
Sagot
May tatlong pangunahing elemento na nakapaloob sa pagaakay ng isang bata kay Kristo: Ang panalangin, magandang halimbawa at pagtuturo na angkop sa kanyang edad. Inaakay natin ang mga bata kay Kristo sa pamamagitan ng matiyagang paglalapat ng tatlong elementong ito mula sa kanilang pagsilang.
Ang kahalagahan ng panalangin sa proseso ng pageebanghelyo sa mga bata ay hindi maisasantabi. Mula sa panahon ng pagbubuntis, dapat na idinadalangin na ng mga magulang ang karunungan at biyaya para sa kanilang isisilang na anak. Ipinangako ng Diyos na ipagkakaloob Niya ng sagana ang karunungan sa sinumang humihingi sa Kanya (Santiago 1:5). Ang karunungan sa lahat ng aspeto ng pagiging magulang ay kinakailangan, ngunit hindi ito higit na mahalaga kaysa sa mga bagay na espiritwal. Sinasabi sa atin na ang kaligtasan ay biyaya lamang ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kaya’t ang ating panalangin para sa ating mga anak ay bigyan sila ng Diyos ng pananampalataya upang maunawaan nila ang mga bagay na espiritwal at sa gayon, maranasan nila ang kaligtasan. Dapat nating ipanalangin na ang Banal na Espiritu ang maglapit sa ating mga anak sa Diyos mula sa kanilang murang edad at alalayan sila sa kanilang buhay paglilingkod at pananampalataya hanggang sa isama sila ng Panginoon sa langit (Efeso 1:13-14). Dapat din tayong manalangin na ilapit tayo ng Diyos sa Kanyang sarili at maging realidad ito sa ating buhay upang maging magandang halimbawa tayo sa ating mga anak.
Ang ating magandang halimbawa bilang mga anak ng Diyos ang pinakamagandang modelo ng relasyon sa Panginoong Hesu Kristo na nais natin para sa ating mga anak. Kung nakikita ng ating mga anak na nananalangin tayo araw araw, mauunawaan nila na ang panalangin ay isang mahalagang bahagi ng ating pang araw-araw na buhay. Kung nakikita nila tayo na patuloy na nagbabasa, nagaaral, at nagbubulay bulay ng Salita ng Diyos, mauunawaan nila ang kahalagahan ng Bibliya kahit hindi natin ito sinasabi sa kanila. Kung nakikita nila na hindi lamang natin inuunawa ang Salita ng Diyos kundi sinisikap natin na maisapamuhay ang mga katotohanan nito sa ating mga buhay, mauunawaan nila na ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos sa isang buhay na ipinapamuhay sa liwanag nito. Kung nakikita ng isang bata ang kanyang ama at ina na nagbabago lamang ng personalidad kung araw ng Linggo at ibang iba ang ikinikilos sa araw na ito sa kanilang ikinikilos mula Lunes hanggang Sabado, madali nilang makikita ang pagpapaimbabaw. Maraming kabataan ang tumanggi sa Iglesya at kay Kristo dahil sa kanilang nakitang masamang patotoo sa buhay ng kanilang mga magulang. Hindi ito nangangahulugan na hindi kayang baguhin ng Diyos ang kanilang impresyon sa Kristiyanismo dahil sa ating mga kamalian at kabiguan, ngunit dapat na maging handa tayo na ipagtapat ang mga iyon sa Panginoon at gawin ang lahat ng ating makakaya upang maisapamuhay ang ating pinaniniwalaan.
Gayundin naman, ang pagtuturo ng mga araling espiritwal ayon sa kanilang edad ay napakahalaga sa pagaakay ng mga bata sa paanan ni Kristo. Napakaraming mga aklat at babasahing pambata gaya ng Bibliyang pambata, mga isinalarawang kuwento sa Bibliya na ginawang parang komiks, at mga awiting pambata na angkop sa bawat edad para kanilang basahin, kantahin at imemorya. Ang paglalapat ng espiritwal na katotohanan sa bawat aspeto ng buhay ng isang bata ay isa ring mahalagang aspeto ng espiritwal na pagsasanay. Sa tuwing makakakita ang isang bata ng isang bulaklak o masaksihan ang paglubog ng araw o ang paglipad ng isang ibon, may sapat na oportunidad upang ibahagi sa kanila ang kagandahan at kahanga-hangang kapangyarihan ng Diyos sa paglikha (Awit 19:1-6). Sa tuwing nararamdaman ng ating mga anak na sila ay ligtas at panatag sa ating pag-ibig, mayroon tayong pagkakataon na kung gaano kalaki ang pag-ibig sa kanila ng kanilang Ama sa langit. Sa tuwing sila ay masasaktan ng ibang tao, maipapaliwanag natin ang katotohanan ng kasalanan at ang tanging lunas para dito – ang Panginoong Hesu Kristo at ang Kanyang ginawang paghahandog ng Kanyang sariling buhay doon sa krus.
Sa huli, minsan itinuturo sa mga bata na ang “panalangin ng pagtanggap” at “pagpunta sa unahan” ay ebidensya ng kanilang pagtanggap at pagtitiwala kay Kristo. Ngunit hindi ang mga ito ang dahilan ng kanilang kaligtasan. Ang kaligtasan ay gawain ng Banal na Espiritu sa puso ng tao at ang ebidensya ng tunay na kaligtasan ay makikita sa isang buhay ng patuloy na pagpapadisipulo at pagsunod sa Panginoon. Dapat ding ipaliwanag na mabuti ang mga salita nating ginagamit sa ating pagaakay sa ating mga anak.
English
Ano ang Biblikal na paraan upang akayin ang isang bata kay Kristo?