settings icon
share icon
Tanong

Mahalaga ba na magkaroon ang isang bata ng edukasyong Kristiyano?

Sagot


Para sa mga nananampalataya sa Panginoong Hesu Kristo, hindi na kailangan pang pagtalunan kung dapat ba o hindi na bigyan ang isang bata ng edukasyong Kristiyano. Ang sagot sa katanungang ito ay isang malakas na “Oo!” Ito ay dahil sa ang katanungang ito ay nagmumula sa napakaraming perspektibo sa loob ng pananampalatayang Kristiyano. Marahil ang dapat na tanong ay: “Sino ang responsable sa pagtuturo sa isang bata ng pananampalatayang Kristiyano? O kaya nama’y, “kailangan bang ang pagtuturo sa aking anak ay gawin sa publiko, sa pribado o sa tahanan?” Maraming opinyon tungkol sa paksang ito, ang ilan ay emosyonal at paksa ng walang hanggang debate.

Sa paguumpisa nating maghanap ng isang biblikal na perspektibo, tunghayan natin ang isang sitas sa Lumang Tipan na makikita sa Deuteronomio 6:5-8: “At iyong iibigin ang Panginoon mong Dios ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa, at ng iyong buong lakas at ang mga salitang ito, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, ay sasa iyong puso; at iyong ituturo ng buong sikap sa iyong mga anak, at iyong sasalitain tungkol sa kanila pagka ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, at pagka ikaw ay lumakad sa daan, at pagka ikaw ay nahihiga at pagka ikaw ay bumabangon.” Ipinakikita sa atin ng kasaysayan ng mga Hebreo na ang mga ama ay kailangang maging matiyaga sa pagtutuo sa kanilang mga anak sa mga paraan at Salita ng Panginoon para sa kanilang ikabubuti at paglagong espiritwal. Ang mensahe ng sitas na ito ay inulit ni Apostol Pablo sa Bagong Tipan kung saan tinuruan niya ang mga Kristiyanong magulang na “huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak: kundi inyong turuan sila ayon sa saway at aral ng Panginoon” (Efeso6:4). Sinasabi din sa atin sa Kawikaan 22:6, “Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.” Ang pagsasanay ay hindi lamang sa pamamagitan ng pormal na edukasyon, kundi ang pagtuturo din naman ng mga magulang sa kanilang mga anak sa tahanan na maituturing na unang edukasyon. Ang pagsasanay na ito ay idinisenyo upang itanim ang mga bata sa pundasyon kung saan matatatag ang kanilang mga buhay.

Sa paglipat natin sa paksa ng pormal na edukasyon, kailangang talakayin ang maling pagkaunawa sa isyung ito. Una, hindi sinasabi ng Diyos na ang mga magulang lamang ang dapat na magturo sa kanilang mga anak gaya ng pinaniniwalaan ng iba, at ikalawa, hindi sinasabi ng Diyos na masama ang edukasyong pampubliko at dapat na ipasok lamang natin ang ating mga anak sa mga Kristiyanong paaralan o pribadong pagtuturo sa tahanan. Makikita sa buong Kasulatan na ang prinsipyo sa pagtuturo sa mga bata ng mga bagay tungkol sa Diyos ay pinakamataas na responsibilidad ng mga magulang. Hindi iniuutos ng Diyos na huwag paturuan ang mga bata sa labas ng tahanan. Kaya ang pagsasabi na ang tanging biblikal na paraan ng pormal na edukasyon ay sa tahanan lamang o eksklusibo lamang sa mga Kristiyanong paaralan ay pagdadagdag sa Salita ng Diyos at hindi natin dapat gamitin ang Bibliya upang patunayan ang opinyong ito. Ang kabaliktaran nito ang totoo: nais nating ibase ang ating opinyon sa Bibliya. Nais din natin na iwasan ang argumento na tanging ang mga “nagsanay” o propesyonal lamang na mga guro ang may kakayahan na turuan ang ating mga anak. Muli, ang isyu ay isang pinakamataas na responsibilidad ang pagtuturo sa mga bata na dapat gampanan ng mga magulang.

Ang isyu sa Kasulatan ay hindi kung anong klase ng pangkalahatang edukasyon ang matatanggap ng ating mga anak kundi kung sa anong paraan masasala ang mga impormasyong kanilang natututunan. Halimbawa, ang isang magaaral ay maaaring maturuan ng edukasyong Kristiyano ngunit maaaring mabigo sa buhay dahil hindi niya tunay na naiintindihan kung sino ang Diyos at hindi nauunawaan ang mga prinsipyo ng Kasulatan. Gayundin naman, ang isang bata na tinuruan sa isang pampublikong paaralan ay maaaring makaunawa sa mga maling katuruan ng mundo sa pamamagitan ng pagsala ng kanyang mga naririnig sa kanyang kaalaman sa Salita ng Diyos na kanyang natutuhan sa tahanan. Ang mga impormasyon ay maaaring salain sa lente ng katotohanan ng Bibliya sa parehong kaso ngunit ang tunay na pangunawang espiritwal ay matatagpuan lamang sa ikalawa. Sa parehong paraan, ang isang estudyante ay maaaring magaral sa isang Kristiyanong paaralan ngunit hindi lumalago sa kanyang pangunawa sa Diyos dahil sa kawalan ng isang malapit at personal na kaugnayan sa Kanya. Sa huli, ang mga magulang ang responsable sa paghubog sa kanilang mga anak sa isang paraaan na magaganap ang tunay na edukasyong Kristiyano.

Sa Hebreo 10:25, iniuutos sa mga Kristiyano, “huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangagaralan sa isa't isa; at lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw.” Ang katawan ni Kristo ay may mahalagang papel sa edukasyon ng mga bata at tumutulong sa mga magulang sa paghubog at pagtuturo sa mga bata patungkol sa mga espiritwal na bagay. Ang pagkalalantad ng mga bata sa labas ng tahanan – gaya ng pagtuturo ng tamang doktrina sa Iglesya at sa paaralang lingguhan – ay mabuti at kinakailangan.

Kaya nga anumang uri ng institusyon ng pagkatuto ang ating piliin, ang mga magulang ang may pinakamalaking responsibilidad para sa espiritwal na edukasyon ng kanilang mga anak. Minsan, maaaring magkamali ang isang Kristiyanong guro, ang pastor o isang guro sa paaralang lingguhan ng Iglesya sa isang partikular na doktrina. Dahil dito kailangang ituro natin sa ating mga anak na ang Bibliya ang pinakamataas na pamantayan ng katotohanan (2 Timoteo 3:16). Kaya nga, maaaring ang pinakamahalagang aralin na maituturo natin sa ating mga anak ay sundan ang halimbawa ng mga taga Berea na “sinisiyasat sa araw-araw ang mga kasulatan, kung tunay nga ang mga bagay na ito” (Gawa 17:11) at subukin ang lahat ng mga bagay na itinuro sa kanila – saanman nanggaling ang mga iyon – sa lente ng Salita ng Diyos (1 Tesalonica 5:21).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Mahalaga ba na magkaroon ang isang bata ng edukasyong Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries