Tanong
Bakit parang walang pakialam ang Diyos sa milyun-milyong batang nagugutom?
Sagot
Sinisisi ng ibang tao ang Diyos dahil sa bilang ng mga batang nagugutom sa mundo. Pinagbibintangan nila Siya na walang sapat na kapangyarihan o pakialam. Tunay na ang gutom ay isang suliranin sa maraming dako ng mundo, at maraming bata ang nagdurusa dahil sa malnutrisyon. Ayon sa ulat ng Compassion International, mahigit tatlong milyong bata ang namamatay bawat taon dahil sa malnutrisyon. Sa mga umuunlad na bansa naman ay dalawampu't limang bahagdan ng bilang ng mga bata ang kulang sa timbang at nanganganib sa pangmatagalang epekto ng kakulangan ng nutrisyon. Totoo ang problemang ito, ngunit itinuturo din ng Biblia na tunay din ang pag-ibig ng Diyos.
Bawat katanungan natin tungkol sa Diyos ay may nakalaang sagot, kaalaman at pahiwatig mula sa kanyang Salita, ang Biblia at makikita nating itinuturo ni Jesus na ang mga bata ay mahalaga sa Diyos: "Ang sinumang tumatanggap sa isang batang katulad nito alang-alang sa akin, ako ang kanyang tinatanggap." "Mas mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at ihulog sa kailaliman ng dagat kaysa siya'y maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananampalataya sa akin" (Mateo 18:5-6). Pagkatapos ay sinabi niya sa ikasampung talata na, "Pakaingatan ninyong huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harap ng aking Ama na nasa langit." Ang totoo ay may pakialam ang Diyos sa mga batang nagugutom.
Ang mga samahang namimigay ng tulong at mga ahensya ng pamahalaan ay sumasang-ayon na maraming pagkain sa mundo at ito ay sapat sa bawat isa. Ipinapakita lang nito na hindi ang kakulangan sa pagkain ang problema kundi ang transportasyon kung paano makakarating ang pagkain sa mga tao at dahil sapat ang pagkain upang pakainin ang populasyon ng buong mundo, hindi natin maaaring ipukol ang pagkakamali sa Diyos kundi sa tao mismo at iyan ay dahil sa masamang kalikasan ng sangkatauhan. Sa halip na maging mabuting katiwala ng yaman ng mundo, ang mga pagkain ay itinatago ng mga indibidwal at mga bansa, sinisira ang kalikasan, at nilulustay ang pera sa mga walang kabuluhang bagay sa halip na pakainin ang mga tao.
Ang Diyos ay walang pananagutan sa kahangalan ng tao. Maging sa kasakiman, pagiging makasarili, pagkamuhi, pagmamataas, katamaran, pagtatago o pagiging maramot, kalupitan, pagiging manhid, at iba pang kasalanan na maaaring maging sanhi ng pagkagutom sa mundo. Walang kasamaan sa Diyos (Mga Awit 92:15). Lahat ng tao ay nagkasala (Roma 3:23), at "ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan" (Roma 6:23). Ang mga trahedya sa mundo--lalo na ang maaari namang pigilang trahedya ng tag-gutom---ay bunga ng kasalanan (tingnan ang Roma 8:22).
Ang mga bata sa mundo ay mahalaga sa Diyos. Pinatunayan niya ang pagpapahalagang iyan nang isugo Niya ang kanyang Anak dito sa sanlibutan upang tubusin tayo sa sumpa ng kasalanan. "Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang isugo niya sa mundo ang kanyang kaisa-isang Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya" (1 Juan 4:9).
Ipinapakita rin ng Diyos ang kanyang pagpapahalaga sa pamamagitan ng mga tagasunod ni Cristo upang maibsan ang gutom sa mundo at sa kasalukuyan ay kumikilos ang Diyos upang pakainin ang mga batang nagugutom sa pamamagitan ng mga ahensyang Kristiyano gaya ng Compassion International, World Vision, World Help, Feed the Hungry, Samaritan's Purse, at marami pang iba. Marami ring Kristiyanong misyonero sa buong mundo ang tumutulong sa pangunahing pangangailangan ng mga tao habang nagtuturo ng Salita ng Diyos. Ginagawa nila ito dahil sa kanilang pag-ibig sa Panginoon at sa mga tao. Ginagawa nila ito sapagkat "…sila'y nilalang ng Diyos; nilikha sa pamamagitan ni Cristo Jesus upang iukol nila ang kanilang buhay sa paggawa ng mabuti.." (Efeso 2:10).
Ang Diyos ay mabuti sa lahat ng panahon. Ngunit madalas ay nakakalungkot na mas nakikita natin ang kasamaan at pagdurusa sa sanlibutan. Alam nating umiiral ang kasamaan hindi dahil sa Diyos kundi dahil kay Satanas at sa makasalanang kalagayan ng sangkatauhan. Ngunit hindi tayo nawawalan ng pag asa. Kailangan nating "lumaban pagdating ng masamang araw" (Efeso 6:13). Kaya't ibigin natin ang ating kapwa gaya ng pag-ibig natin sa ating sarili, alang-alang sa Kanya na "gayon na lamang ang pag-ibig sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak" (Juan 3:16). Ngunit darating ang araw na ang lahat ng bagay ay babaguhin ng Panginoon at "mawawala na ang sumpa" (Pahayag 22:3).
English
Bakit parang walang pakialam ang Diyos sa milyun-milyong batang nagugutom?