settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng kaligtasan sa pamamagitan ng bawtismo? Ang bawtismo ba ay kailangan para sa ikaliligtas?

Sagot


Ang "baptismal regeneration" ay ang paniniwala na kailangang mabawtismuhan ang isang tao upang maligtas. Pinaninindigan namin na ang bawtismo ay isang mahalagang hakbang sa pagsunod ng isang Kristyano sa utos ni Kristo ngunit mariin naming tinatanggihan ang katuruan na kailangan ang bawtismo para sa kaligtasan. Naniniwala kami na ang bawat isang mananampalataya ay dapat na bawtismuhan sa pamamagitan ng paglubog sa tubig. Ang bawtismo ay naglalarawan ng pakikipagisa kay Kristo sa Kanyang kamatayan, paglilibing at pagkabuhay na muli. Idinideklara sa Roma 6:3-4, "Hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan sa kanyang kamatayan? "Samakatwid, tayo'y namatay at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay na muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo nama'y mabuhay sa isang bagong pamumuhay." Ang paglulubog sa tubig sa isang mananampalataya ay naglalarawan ng pagkamatay niya sa kanyang sarili kasama ni Kristo at ang pag ahon sa tubig ay sumisimbolo sa kanyang pagkabuhay sa bagong buhay gaya ng pagkabuhay na mag-uli ng Panginoong Hesu Kristo.


Ang pagdadagdag ng anumang gawa sa pananampalataya kay Kristo para sa kaligtasan ay kaligtasan sa pamamagitan ng gawa. Ang magdadag ng anuman sa Ebanghelyo ay ang pagtanggi na sapat na ang kamatayan ni Hesus upang ganapin ang ating kaligtasan. Ang pagtuturo na kailangan nating magpabawtismo upang maligtas ay pagtuturo na kailangan nating magdagdag ng mabuting gawa upang gawing sapat ang kamatayan ni Kristo. Ang kamatayan lamang ni Hesus ay sapat ng pambayad para sa ating kaligtasan (Roma 5:8; 2 Corinto 5:21). Ang kamatayan ni Hesus ay ibinilang na pambayad sa ating kasalanan sa Diyos sa pamamagitan lamang ng pananampalataya (Juan 3:16; Mga Gawa 16:31; Efeso 2:8-9). Kaya nga, ang bawtismo ay isang mahalagang hakbang sa pagsunod sa utos ni Kristo pagkatapos ng kaligtasan ngunit hindi maaaring maging sangkap para sa kaligtasan.

May mga talata na tila ibinibilang na sangkap ang bawtismo sa kaligtasan. Gayunman, dahil malinaw na itinuturo sa atin ng Bibliya na ang kaligtasan ay nararanasan sa pamamagitan lamang ng pananampalataya (juan 3;16; Efeso 2:8-9; Tito 3:5), tiyak na may ibang interpretasyon sa mga talatang iyon. Sa panahon ng isulat ang Bibliya, ang isang tao na napabilang sa isang bagong pananampalataya ay kinakailangang bawtismuhan upang ipahayag na siya ay kabilang na sa isang bagong relihiyon. Ang bawtismo ay isang paraan upang ipahayag sa publiko ang desisyon ng isang tao. Isinasaad ng pagtanggi sa bawtismo na ang isang tao ay hindi tunay na sumampalataya. Kaya sa isipan ng mga apostol at ng mga unang alagad, ang ideya ng isang mananampalataya ni hindi pa nagpabawtismo ay hindi nararapat. Kung ang isang tao ay nag-aangkin na siya ay nanampalataya kay Kristo, ngunit nahihiyang ipahayag iyon sa publiko, ito ay isang ebidensya na hindi pa siya totoong nanampalataya.

Kung ang pagbabawtismo ay kailangan para sa kaligtasan, bakit sinabi ni Pablo na, "Salamat sa Diyos at wala akong binabautismuhan sa inyo kundi sina Crispo at Gayo" (1 Corinto 1:14)? Bakit niya sasabihin na "sinugo ako ni Cristo, hindi upang magbautismo kundi upang mangaral ng Mabuting Balita. Ipinangaral ko nga ito, ngunit hindi sa pamamagitan ng pananalitang batay sa karunungan ng sanlibutan upang sa gayo'y hindi mawalan ng kabuluhan ang kamatayan ni Cristo sa krus." (1 Corinto 1:17)? Sabihin na natin na ang mga nasabing talata ay laban sa pagkakabaha-bahagi sa iglesia sa Corinto, masasabi ba ni Pablo na "Salamat sa Diyos at wala akong binautismuhan sa inyo" o kaya nama'y sabihin niya na "sinugo ako ni Cristo, hindi upang magbautismo kundi upang mangaral ng Mabuting Balita"? Kung ang bawtismo ay kinakailangan para sa kaligtasan, parang sinasabi ni Pablo, "nagpapasalamat ako na hindi kayo naligtas.." at hindi ako ipinadala ni Kristo upang magligtas.." Ang pananalitang ito ay hindi kapani-paniwala na sasabihin ni Pablo. Gayundin, ng magbigay si Pablo ng kanyang detalyadong katuruan tungkol sa kung ano ang tunay na Ebanghelyo (1 Corinto 15:1-8), bakit hindi niya binanggit ang bawtismo? Kung ang bawtismo ay kinakailangan para sa kaligtasan, paanong ang bawtismo ay hindi binanggit sa presentasyon ng Ebanghelyo?

Ang "baptismal regeneration" ay isang konsepto na hindi sinasang-ayunan ng Bibliya. Hindi nakapagliligtas ang bawtismo sa kasalanan kundi ito ay kailangan sa paglilinis ng konsensya. Sa 1 Pedro 3:21, malinaw na itinuro ni Pedro na ang bawtismo ay hindi isang seremonya ng paglilinis sa sarili kundi ng paglilinis ng konsensya sa harapan ng Diyos. Ang bawtismo ay isang simbolo kung ano ang nangyari na sa puso at buhay ng isang taong nagtiwala kay Kristo bilang kanyang Tagapagligtas (Roma 6:3-5; Galacia 3:27; Colosas 2:12). Ang bawtismo ay isang mahalagang hakbang sa pagsunod sa halimbawa ni Kristo na dapat gawin ng isang mananampalataya. Hindi ito isang sangkap para sa kaligtasan. Ang gawin itong sangkap sa kaligtasan ay paglaban sa katuruan ng kasapatan ng kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ni Hesu Kristo para sa ating kaligtasan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng kaligtasan sa pamamagitan ng bawtismo? Ang bawtismo ba ay kailangan para sa ikaliligtas?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries