settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kapanganakang muli sa pamamagitan ng bawtismo (baptismal regeneration)?

Sagot


Ang kapanganakang muli sa pamamagitan ng bawtismo o baptismal regeneration ay ang paniniwala na kiinakailangan ang bawtismo para sa kaligtasan o ang katuruan na hindi nagaganap ang kapanganakang muli hangga’t hindi nababawtismuhan ang isang tao. Ang kapanganakang muli sa pamamagitan ng bawtismo ay isang doktrina na pinaniniwalaan ng maraming denominasyong Kristiyano, ngunit masidhi itong isinusulong ng mga simbahan na kabilang sa Restoration Movement, partikular ang Church of Christ at International Church of Christ.

Ginagamit ng mga naniniwala sa kapanganakang muli sa pamamagitan ng bawtismo ang mga talatang gaya ng Markos 16:16, Juan 3:5, Gawa 2:38, Gawa 22:16, Galatians 3:27, at 1 Pedro 3:21 para suportahan ang paniniwalang ito. Ipagpalagay na ang mga talatang ito ay tila nagpapahiwatig na kinakailangan ang bawtismo para sa kaligtasan, gayunman, may mga talata sa Bibliya na naaayon sa konteksto ang interpretasyon na hindi sumusuporta sa kapanganakang muli sa pamamagitan ng bawtismo (baptismal regeneration).

Tipikal na may ginagamit na pormula na may apat na bahagi ang mga nagsusulong sa kapanganaknag muli sa pamamagitan ng bawtismo kung paano matatanggap ang kaligtasan. Naniniwala sila na kailangan ng isang tao na manampalataya, magsisi, magpahayag ng mga kasalanan at magpabawtismo upang maligtas. Naniniwala sila sa ganitong pormula dahil may mga talata sa Bibliya na tila nagpapahiwatig na ang bawat isa sa mga aksyong ito ay kinakailangan para sa kaligtasan. Halimbawa, iniuugnay sa Roma 10:9-10 ang kaligtasan sa pagpapahayag ng kasalanan. Iniuugnay naman sa Gawa 2:38 ang kaligtasan sa pagsisisi at bawtismo.

Kung uunawain sa tamang paraan, kinakailangan ang pagsisisi sa kaligtasan. Ang pagsisisi ay pagbabago ng isip. Ang pagsisisi, sa relasyon nito sa kaligtasan, ay ang pagbabago ng isip mula sa pagtanggi kay Kristo patungo sa pagtanggap kay Kristo. Hindi ito isang hiwalay na hakbang sa pananampalatayang nagliligtas. Sa halip, ito ay isang mahalagang aspeto ng pananampalatayang nakapagliligtas. Hindi maaaring tumanggap kay Kristo ang isang tao bilang kanyang sariling Tagapagligtas sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya ng hindi nagbabago ang isip tungkol sa kung sino Siya at kung ano ang Kanyang ginawa.

Ang pagpapahayag kay Kristo, kung uunawain sa tamang paraan ay isang demonstrasyon ng tunay na pananampalataya. Kung ang isang tao ay tunay na tumanggap kay Kristo bilang Kanyang Tagapagligtas, ang resulta nito ay pagpapahayag ng kanyang pananampalataya kay Kristo sa ibang tao. Kung ikinahihiya ng isang tao si Kristo o ikinahihiya ang mensahe ng Ebanghelyo, malamang na hindi naunawaan ng taong iyon ang Ebanghelyo o nakaranas man ng kaligtasang ipinagkakaloob ni Kristo.

Ang bawtismo, kung uunawain sa tamang paraan ay ang pakikiisa ng isang tao kay Kristo. Inilalarawan ng bawtismo ang pakikiisa ng isang mananampalataya sa kamatayan, paglilibing, at muling pagkabuhay ni Kristo (Roma 6:3–4). Tungkol sa pagpapahayag ng pananampalataya sa pamamagitan ng bawtismo, kung ayaw ng isang tao na mabawtismuhan – o ayaw niyang ipahayag sa kanyang buhay ang pagtubos sa kanya ni Hesu Kristo – ang taong iyon ay maaaring hindi pa naging isang bagong nilalang (2 Corinto 5:17) sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesu Kristo.

Hindi tinitingnan ng mga nanghahawak sa kapangakang muli sa pamamagitan ng bawtismo ang pormula ng kaligtasan na may apat na bahagi bilang mga gawa na nagpapaging dapat sa kanila para sa kaligtasan. Ang pagsisisi, pagpapahayag at iba pa ay hindi nagpapaging dapat sa tao sa kaligtasan. Sa halip, ang pinaniniwalaan nila na ang mga gawang ito ay “mga gawa ng pagsunod” o mga bagay na kailangang gawin ng tao bago ipagkaloob ng Diyos ang kaligtasan. Habang pinaniniwalaan ng nakararaming Protestante na kinakailangan ang pananampalataya bago ipagkaloob ng Diyos sa tao ang kaligtasan, para sa mga naniniwala sa kapanganakang muli sa pamamagitan ng bawtismo at iba pang relihiyon na ang pagsisisi at pagpapahayag ay mga karagdagang kundisyon bago ipagkaloob ng Diyos sa tao ang kaligtasan.

Ang problema sa pananaw na ito ay maraming mga talata sa Bibliya ang malinaw na nagtuturo na tanging ang pananampalataya lamang na regalo ng Diyos ang kinakailangan para sa kaligtasan. Sinasabi sa Juan 3:16, ang isang pinakakilalang talata sa Bibliya, “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Sa Gawa 16:30, Tinanong si Pablo ng bantay bilanggo sa Filipos, “Ano ang dapat kong gawin upang maligtas?” Kung may isang pagkakataon upang ipahayag ni Pablo ang isang pormula sa kaligtasan na may apat na hakbang, ito ang perpektong pagkakataon. Ngunit simple lamang sagot ni Apostol Pablo, “Manampalataya ka sa Panginoong Hesu Kristo at maliligtas ka” (Gawa 16:31). Hindi bawtismo o pagpapahayag kundi pananampalataya lamang ayon kay Pablo ang kinakailangan para sa kaligtasan.

Literal na may dose-dosenang mga talata sa Bagong Tipan na nagsasabi na tanging ang pananampalataya lamang ang kinakailangan upang maligtas at wala ng iba pa. Kung bawtismo o anu pa mang gawa ang kinakailangan para sa kaligtasan, mali lahat ang mga talatang ito at kung gayon, naglalaman ang Bibliya ng mga kamalian at hindi karapat-dapat sa ating pagtitiwala.

Ang isang malalim na pagaaral sa Bagong Tipan tungkol sa iba’t ibang kundisyon para sa kaligtasan ay hindi kinakailangan. Ang pagtanggap ng kaligtasan ay hindi sa pamamagitan ng isang proseso o pormula. Ang kaligtasan ay tapos na, hindi ito tulad sa isang resipe. Ano ang dapat mong gawin upang ikaw ay maligtas? Sumampalataya ka sa Panginoong Hesu Kristo at maliligtas ka!

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kapanganakang muli sa pamamagitan ng bawtismo (baptismal regeneration)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries