settings icon
share icon
Tanong

Ano ang itinuturo ng Bibliya, ang bawtismo sa bata o bawtismo sa matanda?

Sagot


Ang bawtismo ay isang paksa na matagal ng pinagdedebatehan ng mga Kristiyano. Sa katotohanan, ito ay isa ng isyu mula pa sa panahon ng unang iglesya. Tinalakay ito ni Pablo sa 1 Corinto 1:13–16. Ipinagmamalaki ng mga taga Corinto ang mga apostol na nagbawtismo sa kanila at pinagtatalunan kung aling bawtismo ang pinakamagaling. Sinaway ni Pablo ang kanilang pagkakabaha-bahagi at sinabi, “Sapagka't hindi ako sinugo ni Cristo upang bumautismo, kundi upang mangaral ng evangelio: hindi sa karunungan ng mga salita baka mawalan ng kabuluhan ang krus ni Cristo.” Sa sinabing ito ni Pablo, malinaw na may pagkakaiba sa pagitan ng pagtanggap ng Ebanghelyo at sa pagbabawtismo. Magkaugnay ang dalawang ito ngunit magkaiba ang kanilang kahalagahan.

Ayon sa malaking bahagi ng Kasulatan, ang pagpapabawtismo ang unang mahalagang hakbang sa pagsunod kay Hesus bilang Panginoon. Nagpabawtismo si Hesus (Mateo 3:16; Lukas 3:21) at sinabi sa mga nagpapahayag ng pananampalataya sa Kanya na sundan nila ang Kanyang halimbawa bilang ebidensya ng kanilang binagong puso (Gawa 8:16; 19:5). Ang pagpapabawtismo ay desisyon ng isang mananampalataya upang patunayan ang kanyang pananampalataya. Ang bawtismo para sa mga mananampalataya ay tinatawag din na “credobaptism,” isang terminolohiya na nagmula sa salitang Lating “Kredo,” na nagpapahiwatig na ang bawtismo ay simbolo ng pagsangayon ng isang tao sa isang partikular na paniniwala o doktrina.

Ang pagbabawtismo sa mananampalataya ay malinaw na itinuturo sa Gawa 2. Sa kabanatang ito ng aklat ng Gawa, ipinangaral ni Pedro ang mensahe ng Ebanghelyo noong araw ng Pentecostes sa Jerusalem. Sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, buong tapang na ipinahayag ni Pablo na ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesu Kristo at inutusan ang mga nakikinig na magsisi at sumampalataya kay Kristo (Gawa 2:36, 38). Ang tugon ng mga tao sa pangangaral ni Pedro ay itinala sa talatang 41, “Yaon ngang nagsitanggap ng kaniyang salita ay nangabautismuhan.” Pansinin ang pagkakasunod sunod ng mga pangyayari – tinanggap ng mga tagapakinig ang mensahe ng Ebanghelyo ni Kristo at nagpabawtismo sila pagkatapos. Ang mga sumampalataya lamang ang nabawtismuhan. Makikita din natin ang parehong modelo sa Gawa 16 kung saan naligtas ang bantay-bilanggo sa Filipos at ang kanyang pamilya. Sumampalataya sila at saka lamang nagpabawtismo (Gawa 16:29–34). Ang kaugalian ng mga apostol ay magbawtismo sa mga mananampalataya lamang hindi sa mga hindi mananampalataya.

Kakaiba ang bawtismo para sa mga Kristiyano sa bawtismo o tinatawag ding binyag sa mga bata na hindi nakakaunawa ng Ebanghelyo at walang kakayahang sumampalataya kay Kristo. Ang pagbabawtismo sa mananampalataya ay kinapapalooban ng pakikinig sa Ebanghelyo, pagtanggap kay Kristo bilang Tagapagligtas at personal na desisyon na magpabawtismo. Ang pagpapabawtismo ay personal na desisyon ng isang tao. Sa pagbabawtismo o pagbibinyag sa mga bata, ang desisyon ay ginawa ng iba hindi ng mismong binabawtismuhan. Laging itinuturo ng mga nagbabawtismo ng mga bata na ang tubig ay kasangkapan ng Banal na Espiritu kung kailan nahuhugasan ang orihinal na kasalanan ng bata o kaya naman ay ipinagkakaloob sa bata ang Banal na Espiritu. Ibinabase nila ang paniniwalang ito sa mga salita ni Pedro sa Gawa 2:38: “Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa't isa sa inyo sa pangalan ni JesuCristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.” Sinasabi ng mga naniniwala sa doktrinang ito na ang pagbabawtismo sa mga bata ang nagpapabanal at nagliligtas sa kanila. Hindi matatagpuan saanman sa Kasulatan ang gawaing ito ng pagbabawtismo o pagbibinyag sa mga bata. May ilan naman na ginagamit ang pagbabawtismo ng mga apostol sa mga “sambahayan” (11:14; 16:15, 33), at ipinagpapalagay na kabilang sa mga “sambahayan” ang mga bata, ngunit ang pagpapakahulugang ito ay hindi mismo makikita sa mga talata.

Sa Bagong Tipan, ang pagpapabawtismo sa tubig ay normal na resulta ng pagkakaroon ng pananampalatayang nagliligtas at pagtatalaga ng sarili sa Panginoong Hesu Kristo bilang Panginoon at Tagapagligtas (Gawa 2:42; 8:35–37). Dahil wala pang kakayahang magdesisyon ang mga maliliit na bata at hindi makakapagpahayag ng kanilang pananampalataya kay Kristo bilang kanilang Panginoon, walang espiritwal na kahalagahan ang kanilang bawtismo. Kung nakakapagligtas sa mga bata ang bawtismo, lalabas na ang mga anak lamang ng mga magulang na nagdesisyon na pabawtismuhan sila ang maliligtas. Ang mga batang hindi Kristiyano ang mga magulang ay pupunta sa impiyerno kung mamamatay silang bata, isang ideya na walang pundasyon sa Buibliya. Malinaw ang sinasabi ng Kasulatan na hinahatulan ng Diyos ang puso ng bawat tao at ginagantimpalaan sila ayon sa kanilang personal na desisyon, hindi dahil sa desisyon ng kanilang mga magulang (Roma 2:5–6, Jeremias 17:10; Mateo 16:27; 2 Corinto 5:10).

Itinuturo naman ng iba na ang bawtismo sa tubig ay kasama sa mga kundisyon para sa kaligtasan at kasinghalaga ng pagsisisi at panananampalataya kay Kristo bilang Panginoon (Roma 10:8–9). Habang may mga halimbawa sa Bibliya na nagpapakita na laging ang bawtismo ay ginagawa lamang pagkatapos na sumampalataya ang isang tao, hindi kailanman itinuro ni Hesus na nakakapagligtas ang bawtismo. Sinabi ni Hesus noong Huling Hapunan, “Sapagka't ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan” (Mateo 26:28). Ang pananampalataya sa kapangyarihan ng nabuhos na dugo ni Kristo ang tanging kinakailangan upang mapawalang sala sa harapan ng Diyos ang isang makasalanan. Sinasabi sa Roma 5:8–9, “Datapuwa't ipinagtatagubilin ng Dios ang kaniyang pagibig sa atin, na nang tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay dahil sa atin. Lubha pa nga ngayong inaaring-ganap sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ay mangaliligtas tayo sa galit ng Dios sa pamamagitan niya.”

Kung kinakailangan ang bawtismo para makapunta sa langit, lalabas na mali si Hesus ng sabihin Niya sa magnanakaw na kasama Niya sa krus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ay kakasamahin kita sa Paraiso” (Lukas 23:43). Hindi nagkaroon ng pagkakataon ang magnanakaw na makapagpabawtismo bago humarap sa Diyos. Idineklara siyang matuwid dahil inilagak niya ang kanyang pananampalataya sa ginawa ng Anak ng Diyos para sa kanyang kaligtasan (Juan 3:16; Roma 5:1; Galacia 5:4). Nilinaw sa Galacias 2:16 ang katotohanan na walang makakapagdagdag o makababawas sa natapos na gawain ni Hesus para sa ating kaligtasan, kasama rito ang pagpapabawtismo: “Bagama't naaalaman na ang tao ay hindi inaaring-ganap sa mga gawang ayon sa kautusan, maliban na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, tayo rin ay nagsisampalataya kay Cristo Jesus, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at hindi dahil sa mga gawang ayon sa kautusan: sapagka't sa mga gawang ayon sa kautusan ay hindi aariing-ganap ang sinomang laman.”

Ang bawtismo sa tubig ay mahalaga at isa sa mga unang hakbang sa pagsunod ng Kristiyano sa utos ni Kristo. Dapat na magpabawtismo ang mga mananampalataya. Ngunit ang bawtismo ay resulta lamang, hindi ambag ng tao sa kanyang kaligtasan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang itinuturo ng Bibliya, ang bawtismo sa bata o bawtismo sa matanda?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries