Tanong
Ano ang bawtismo para sa mga patay?
Sagot
Ang bawtismo para sa patay ay isang gawaing panrelihiyon na hindi sinasang-ayunan ng Bibliya kung saan ang isang nabubuhay ay binabawtismuhan para sa kapakinabangan ng isang taong namatay na bilang kinatawan sa pagpapahayag ng pananampalataya ng taong iyon. Sinasabing ito ay pagbabawtismo para sa mga patay.
Ang basehan ng gawaing ito ay ang maling pangunawa sa 1 Corinto 15:29 kung saan ganito ang mababasa: “Sa ibang paraan, anong gagawin ng mga binabautismuhan dahil sa mga patay? Kung ang mga patay ay tunay na hindi muling binubuhay, bakit nga sila'y binabautismuhan dahil sa kanila?” Ito ay isang talata na hindi madaling ipaliwanag ngunit alam natin sa pamamagitan ng pagkukumpara ng talatang ito sa ibang mga talata ng Bibliya na hindi ito nangangahulugan na ang isang taong namatay ay maaari pang maligtas sa pamamagitan ng pagpapabawtismo para sa kanya ng isang nabubuhay, dahil ang bawtismo mismo ay hindi isang kundisyon para sa kaligtasan (Efeso 2:8; Roma 3:28; 4:3; 6:3-4). Ang buong sitas (vv. 12-29) ay tungkol sa katiyakan ng pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, hindi tungkol sa pagbabawtismo para sa mga patay.
Ngunit ano ang ibig sabihin ng pagpapabawtismo para sa patay? Ito ay isang misteryosong talata at may mahigit na tatlumpung iba’t ibang paraan upang ipaliwanag ito. Ito ang tatlo sa mga ito: 1. Ang simpleng kahulugan ng mga salitang Griyego sa talata ay nangangahulugan na may ilang tao ang binabawtismuhan para sa mga namatay – “at kung walang pagkabuhay na mag-uli, bakit nila ito ginagawa?” 2. Maaaring ang tinutukoy ni Pablo ay isang paganong kaugalian (pansinin na ginamit niya ang salitang “sila” hindi “tayo”), o sa isang gawain ng mga mananampalataya sa Corinto na ayon sa pamahiin at katuruang hindi naaayon sa Bibliya na ang bawtismo ay kinakailangan para sa mga mananampalataya na namatay ng hindi nabawtismuhan. 3. Anuman ang ibig sabihin ng gawaing ito, hindi ito sinasang-ayunan ni Pablo kundi kanya lamang sinasabi na kung walang pagkabuhay na mag-uli, bakit nagkaroon ng ganitong kaugalian? Ang pagpapabawtsimo ng mga Mormon para sa mga namatay ay hindi ayon sa Kasulatan at matinong pangangatwiran. Ang pagpapabawtismo para sa mga patay ay pangkaraniwan sa mga paganong relihiyon sa Gresya at sinasanay pa rin hanggang ngayon ng ilang mga kulto ngunit hindi nito binabago ang eternal na hantungan ng tao dahil ito ay pinagpapasyahan habang nabubuhay pa ang tao dito sa lupa (Luke 16:26).
English
Ano ang bawtismo para sa mga patay?