Tanong
Sino si Beelzebub?
Sagot
Ang pangalang Beelzebub ay isang anyo ng salitang Griyego para sa pangalang Baal-zebub, isang paganong disyus-diyusan ng mga Filisteo na sinasamba sa Ekron, ang sinaunang siyudad ng Filistia sa panahon ng Lumang Tipan. Ang terminolohiyang ito ay nangangahulugang "ang panginoon ng mga langaw" (2 Hari 1:2). Nakahukay ang mga mga arkeologo sa mga lugar ng sinaunang Filistea ng mga gintong imahe ng mga langaw. Pagkatapos ng panahon ng mga Filisteo, binago ng mga Judio ang pangalang Baal-zebub at ginawang "Beelzebul," gaya ng ginamit sa Bagong Tipan sa saling Griyego, na nangangahulugang "panginoon ng tae." Ang pangalang ito ay tumutukoy sa diyos ng langaw na sinasamba upang maligtas mula sa mga pinsala at sakit na dala ng insektong ito. May ilang iskolar ng Bibliya na naniniwala na kilala rin si Beelzebub bilang "diyos ng dumi," na kalaunan ay naging isang salita ng pangungutya sa bibig ng mga Pariseo. Dahil dito, si Beelzebub ay kinikilala bilang isang karima-rimarim na diyus-diyusan at ang kanyang pangalan ay ginagamit ng mga Hudyo bilang paglalarawan kay Satanas.
Ang salita ay may dalawang bahagi: Baal, na pangalan ng diyos ng kasaganaan ng mga Cananeo; at Zebul, na nangangahulugang "mataas na tirahan." Kapag pinagsama ang dalawang salita, ito ay nagiging pangalan para kay Satanas mismo, ang prinsipe ng mga demonyo. Ang terminolohiyang ito ay unang ginamit ng mga Pariseo para ilarawan si Jesus sa Mateo 10:24-25. Bago Siya tawagin sa ganitong pangalan ng mga Pariseo, inakusahan si Jesus ng mga ito na "nagpapalayas ng mga demonyo sa pangalan ng hari ng mga demonyo" (Mateo 9:34), na tinutukoy nilang si Beelzebul (Markos 3:22; Mateo 12:24).
Sa Mateo 12:22 pinagaling ni Jesus ang isang lalaking inaalihan ng demonyo na isang bulag at pipi. Dahil dito, "Namangha ang lahat at sinabi nila, "Ito na kaya ang Anak ni David?" Nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, "Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo" (Mateo 12:23-24).
Kapansin-pansin na ang reaksyon ng mga Pariseo sa kahanga-hangang himalang ito ni Jesus ay kabaliktaran ng reaksyon ng karamihan ng tao na naunawaan na nanggaling Siya sa Diyos. Sa katunayan, inamin ng mga Pariseo na ang mga himalang ginawa ni Jesus maging ang kanyang iba pang mga gawa ay hindi kayang gawin ng karaniwang tao ngunit ibinintang nila na galing kay Beelzebub ang Kanyang kapangyarihan sa halip na sa Diyos. Ang totoo sila ang dapat na mas nakakaunawa: hindi kaya ng Diyablo na gumawa ng purong kabutihan. Gayunman, dahil sa kanilang pagmamataas, nalalaman ng mga Pariseong ito na kung mamamayani ang mga katuruan ni Jesus at tatanggapin iyon ng mga tao, iyon na ang katapusan ng kanilang impluwensya. Kaya nga hindi nila tinanggihan ang Kanyang mga himala ngunit sa halip, inakusahan nila si Jesus na inaalihan ni "Beelzebub ang prinsipe ng mga demonyo."
Ang mas malaking katanungan ay ito: Ano ang matututunan natin bilang mga Kristiyano sa panahong ito sa pangyayaring ito? Sa Mateo 10, ibinigay sa atin ni Jesus ang pinakadiwa ng kahulugan ng pagiging isang alagad. Sa kabanatang ito ng Mateo, makikita natin na isusugo na Niya ang Kanyang mga apostol sa mundo upang mangaral ng Ebanghelyo (Mateo 10:7). Binigyan Niya sila ng eksaktong instruksyon kung ano ang kanilang gagawin at hindi dapat gawin. Binalaan Niya sila: "Mag-ingat kayo sapagkat kayo'y dadakpin at isasakdal sa mga Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin…" (Mateo 10:17, 22). Pagkatapos Kanyang idinagdag, "Walang alagad na nakakahigit sa kanyang guro at walang aliping nakakahigit sa kanyang panginoon. Sapat nang matulad ang alagad sa kanyang guro, at ang alipin sa kanyang panginoon. Kung ang ama ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, lalo nang lalaitin nila ang kanyang mga kasambahay" (Mateo 10:24-25).
Ang matututunan natin sa mga pananalitang ito ni Jesus ay kung tinatawag Siyang Satanas ng mga tao, gaya ng ginawa sa Kanya ng mga Pariseo, tiyak na tatawagin din tayong satanas ng mga tao ngayon. Idineklara ni Jesus sa kabanata 15 ng Ebanghelyo ni Juan, "Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, alalahanin ninyong ako muna ang kinapootan nito bago kayo. Kung kayo'y taga-sanlibutan, kayo'y mamahalin nito bilang kanya. Ngunit hindi kayo taga-sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula rito, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan. Alalahanin ninyo ang sinabi kong ito: walang aliping higit kaysa kanyang panginoon. Kung ako'y inusig nila, uusigin din nila kayo. Kung sinunod nila ang aking sinabi, susundin rin nila ang inyong sasabihin. Subalit ang lahat ng ito'y gagawin nila sa inyo dahil sa akin, sapagkat hindi nila kilala ang nagsugo sa akin" (Juan 15:18-21).
English
Sino si Beelzebub?