Tanong
Sino ang mga Amalekita?
Sagot
Ang mga Amalekita ay isang tribo na unang binanggit sa panahon ni Abraham (Genesis 14:7). Bagamat binanggit ang mga Amalekita sa talaan ng mga bansa sa Genesis 10, sa Bilang 24:20 tinukoy sila bilang "una sa lahat ng mga bansa." Tinutukoy sa Genesis 36 ang mga lahing nagmula kay Amalek, na mga anak Elifaz at apo ni Esau bilang mga Amalekita (talata 12 at 16). Kaya, ang mga Amalekita ay may kaugnayan, ngunit kakaiba sa mga Edomita.
Itinala sa Kasulatan ang mahabang panahon ng digmaan sa pagitan ng mga Amalekita at ng mga Israelita at ang utos ng Diyos na pawiin ang mga Amalekita sa mundo (Exodo 17:8–13; 1 Samuel 15:2; Deuteronomio 25:17). Kung bakit inutusan ng Diyos ang mga Israelita na patayin ang lahat na mga Amalekita ay isang tanong na na hindi madaling sagutin, ngunit titingnan natin ang kasaysayan upang ating maunawaan.
Gaya ng maraming tribo sa ilang, walang permanenteng tirahan ang mga Amalekita. Sinasabi sa Bilang 13:29 na nakatira sila sa Negev, ang ilang sa pagitan ng Egipto at Canaan. Tinatawag sila ng mga Babilonians na "Sute," at ng mga Ehipsyo na "Sittiu." Tinatawag naman sila sa Amarna tablets na Khabbati, o "mga mandarambong."
Ang walang tigil na kalupitan ng mga Amalekita laban sa mga Israelita ay nagsimula sa isang pagsalakay sa Rephidim (Exodo 17:8–13). Itinala ito sa Deuteronomio 25:17–19 ang ganitong paalala: "Huwag ninyong kalilimutan ang ginawa ng mga Amalekita sa inyo nang kayo'y naglalakbay mula sa Egipto. Wala silang takot sa Diyos. Sinalakay nila kayo nang kayo'y lupaypay sa hirap, at pinuksa ang mga kasamahan ninyo sa hulihan. Kapag nalupig na ninyo ang lahat ng inyong mga kaaway at panatag na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos, ubusin ninyo ang lahi ng mga Amalekita roon. Huwag ninyo itong kalilimutan!"
Pagdaan ng ilang panahon, nakipag-alyansa ang mga Amalekita sa mga Cananeo at sinalakay ang mga Israelita sa Horma (Bilang 14:45). Sa aklat ng mga Hukom, nakipagisa sila sa mga Moabita (Hukom 3:13) at mga Madianita (Hukom 6:3) para labanan ang mga Israelita. Responsable sila sa paulit-ulit na pagsira sa mga lupain at suplay ng pagkain ng mga Israelita.
Sa 1 Samuel 15:2–3, sinabi ng Diyos kay haring Saul, "Ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, 'Paparusahan ko ang Amalek tulad ng ginawa niya sa Israel nang ito'y inilalabas ko sa Egipto. Lusubin mo ang Amalek at lipulin silang lahat. Wasakin mo ang lahat nilang ari-arian at huwag magtitira kahit isa. Patayin mo silang lahat, babae't lalaki, mula sa pinakamatanda hanggang sa sanggol. Patayin mo rin ang kanilang mga baka, tupa, kamelyo at asno."
Bilang tugon, binalaan muna ni haring Saul ang mga Kenita, ang mga kaibigan ng mga Israelita na umalis sa lugar. Pagkatapos, sinalakay niya ang mga Amalekita ngunit hindi kinumpleto ang kanyang dapat gawin. Pinabayaan niyang mabuhay si haring Agag, kumuha ng mga bagay mula sa samsam para sa kanyang sarili at sa kanyang mga kawal at nagsinungaling tungkol sa dahilan ng kanyang paggawa nito. Ang pagrerebelde ni Saul laban sa Diyos at sa Kanyang utos ay napakasama anupa't inalis siya ng Diyos bilang hari ng Israel (1 Samuel 15:23).
Nagpatuloy ang mga Amalekita sa pagsalakay at pagnanakaw sa mga Israelita sa ilang sunod-sunod na henerasyon na tumagal ng ilang daang taon. Iniulat sa 1 Samuel 30 ang isang pagsalakay ng mga Amalekita sa Ziklag, isang nayon sa Judea kung saan may ari-arian si David. Sinunog ng mga Amalekita ang nayon at dinalang bihag ang mga babae't bata kabilang ang kanyang dalawang asawa. Tinalo ni David at ng kanyang mga tauhan ang mga Amalekita at iniligtas ang mga bihag. Gayunman, ilang daang Amalekita ang nakatakas. Paglipas ng mahaba-habang panahon, sa panahon ng paghahari ni haring Ezekias, isang grupo ng mga Simeonites ang "pumatay sa mga natitirang Amalekita" na naninirahan sa bulubunduking lugar ng Seir (1 Cronica 4:42–43).
Ang huling banggit sa mga Amalekita ay makikita sa aklat ni Esther kung saan nagplano si Haman, isang Amalekita buhat sa angkan ni haring Agag na patayin ang lahat na mga Israelita sa Buong Persia sa pamamagitan ng utos ni haring Xerxes. Iniligtas ng Diyos ang mga Hudyo sa Persia at sa halip, pinagpapatay si Haman at ang kanyang buong pamilya at ang lahat na mga natitirang kaaway ng Israel (Esther 9:5–10).
Ang pagkamuhi ng mga Amalekita sa mga Hudyo at ang kanilang paulit-ulit na pagtatangka na puksain ang bayan ng Diyos ang dahilan ng ganap na pagpuksa sa kanila ng Diyos. Ang kanilang kasaysayan ay isang babala sa lahat ng susubok na hadlangan ang plano ng Diyos o susumpa sa mga pinagpala ng Diyos (tingnan ang Genesis 12:3).
English
Sino ang mga Amalekita?