Tanong
Sino ang mga Ammonita?
Sagot
Sa buong kasaysayan ng sinaunang Israel, makikita natin ang mga banggit tungkol sa mga Ammonita. Sino sila, saan sila nanggaling at ano ang nangyari sa kanila? Ang mga Ammonita ay mga Semitiko at malapit na kamag-anak ng mga Israelita. Sa kabila ng relasyong ito, lagi silang ibinibilang na mga kaaway ng Israel sa halip na mga kaibigan.
Ang pamangkin ni Abraham na si Lot ang pinagmulan ng mga Ammonita. Nang magkahiwalay sina Abraham at Lot (Genesis 13), tumira si Lot sa siyudad ng Sodoma. Nang gunawin ng Diyos ang Sodoma at Gomora dahil sa kasamaan ng mga tao doon, tumakas si Lot ang kanyang mga anak sa bulubunduking bahagi sa dulong timog ng Dagat na Patay. Maaaring inisip ng mga anak na babae ni Lot na sila na lamang ang natitirang tao sa mundo, kaya nilasing nila at sinipingan ang kanilang ama para magkaroon ng mga anak (Genesis 19:30-38). Ang panganay na anak na babae ni Lot ay nagkaanak ng ang pangalan ay Moab (mula sa ama), habang ang bunsong babae naman ay nanganak din ng isang lalaki na pinangalanang Ben-Ammi ("anak ng aking bayan"). Ang mga Ammonita ay nanggaling sa lahi ni Ben-Ammi. Sila ay nagpalipat-lipat ng tirahan at nabuhay sa teritoryo ng makabagong Jordan at ang naging kapitolyo nila ay pinangalanang Ammon, na sumasalamin sa pangalan ng mga unang taong naninirahan doon.
Noong panahon ni Moises, naookupahan ng mga Amorita, Ammonita at Moabita ang matabang lupain ng lambak ng Ilog Jordan. Nang umalis ang mga Israelita sa Ehipto, tumanggi ang mga Amorita na tulungan sila sa anumang paraan at dahil dito, pinarusahan sila ng Diyos dahil sa hindi nila pagsuporta sa Israel (Deuteronomio 23:3-4). Gayunman, kalaunan, nang pumasok ang mga Islraelita sa Lupang Pangako, inutusan sila ng Diyos, "Ang isang Ammonita o Moabita ay hindi maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh, hanggang sa ikasampung salin ng kanilang lahi, sapagkat hindi nila kayo binigyan ng pagkain at inumin nang kayo'y naglalakbay mula sa Egipto. Bukod dito, inupahan pa nila si Balaam na anak ni Beor na taga-Petor sa Mesopotamia para sumpain kayo" (Deuteronomio 2:19). Inangkin ng mga tribo ni Gad, Ruben at kalahati ng tribo nI Manases ang teritoryo ng mga Amorita sa may hangganan ng mga Ammonita.
Ang mga Ammonita ay mga pagano na sumasamba sa mga diyos na sina Milcom at Moloc. Inutusan ng Diyos ang mga Israelita na huwag makipag-asawahan sa mga paganong ito dahil ang pakikipag-asawahan sa kanila ay magtutulak sa mga Israelita para sambahin ang mga huwad na diyos. Sinuway ni Solomon ang utos na ito ng Diyos ng kunin niya bilang asawa si Naama na isang Ammonita (1 Hari 14:21). Kinuha din niya bilang asawa ang maraming paganong babae at gaya ng babala ng DIyos, itinulak siya ng mga ito sa pagsamba sa mga diyus-diyusan (1 Hari 11:1-8). Si Moloc ay isang diyos ng apoy na may mukha ng isang guya; may mga bisig ito na nakadipa para tanggapin ang mga sanggol na inihahandog sa kanya. Gaya ng kanilang diyos, malupit ang mga Ammonita. Noong hingin ang opinyon ng Ammonitang si Nahas para sa isang kasunduan, (1 Samuel 11:2), iminungkahi niya ang pagdukot sa kanang mata ng bawat lalaking Israelita. Sinasabi sa Amos 1:13 na binubutas ng mga Ammonita ang tiyan ng mga babaeng buntis sa mga teritoryong kanilang nasasakop.
Sa ilalim ng pamumuno ni haring Saul, tinalo ng Israel ang mga Ammonita at ginawa silang mga alipin. Ipinagpatuloy ni David pananakop sa mga Ammonita at sinalakay ang kapitolyo ng mga ito para patatagin ang kanyang kontrol. Pagkatapos na maghiwalay ang Israel at Juda, nagsimulang makipag-alyansa ang mga Ammonita sa mga kaaway ng Israel. Muling naibalik ng Ammon ang ilang kapangyarihan nito noong ikapitong siglo BC, hanggang sakupin sila ni haring Nabucodonosor pagkatapos ng may isandaang taon. Posibleng ang Ammonitang si Tobias (Nehemias 2:19) ang gobernador ng rehiyon ng Ammon sa ilalim ng paghahari ng Persia, ngunit ang mga naninirahan sa Ammon noon ay pinaghalong Ammonita, Arabo, at iba pang lahi. Sa panahon ng Bagong Tipan, nanirahan ang mga Judio sa lugar ng Ammon at tinawag na ito bilang Perea. Ang huling banggit sa mga Ammonita ay noong ikalawang siglo BC sa panulat ni Justyn Martyr na nagsabing napakarami ng mga Ammonita. Noong panahon ng paghahari ng mga Romano, tila ang mga Ammonita ay humalo na sa mga Arabo.
English
Sino ang mga Ammonita?