Tanong
Ano ang Biblikal na Teolohiya?
Sagot
Ang Biblikal na teolohiya ay pagaaral ng mga doktrina ng Bibliya, na isinaayos ayon sa pagkakasunod-sunod at ayon sa kanilang kasaysayan. Hindi katulad ng sistematikong teolohiya na inilalagay sa kategorya ang mga katuruan ng Bibliya ayon sa partikular na paksa, ipinapakita ng Biblikal na teolohiya ang unti-unting kaganapan ng mga kapahayagan ng Diyos habang nagaganap ang mga iyon sa kasaysayan. Maaaring ihiwalay at ipahayag ng Biblikal na teolohiya ang mga katuruan ng isang partikular na bahagi ng Kasulatan gaya ng teolohiya ng unang limang aklat ng Lumang Tipan o ng teolohiya na nakapaloob sa mga sulat ni Juan, at iba pa. O maaaring ituon nito ang atensyon sa isang partikular na yugto ng panahon, gaya ng teolohiya sa panahon ng nagkakaisang kaharian ng Israel. Ang isa pang sangay ng Biblikal na teolohiya ay maaaring pagaralan ang isang partikular na tema na makikita sa Bibliya: halimbawan ang pagaaral tungkol sa mga “nalalabi” (remnants), na tinatangkang pagaralan kung paanong ipinakilala at pinaunlad ang nasabing tema sa buong Kasulatan.
Itinuturing ng marami na si J. P. Gabler, isang Alemang iskolar ng Bibliya ang nagpasimula sa Biblikal na teolohiya. Nang magumpisa siyang maging propesor noong 1787, ipinakita niya ang malaking pagkakaiba sa pagitan ng sistematikong teolohiya at Biblikal na teolohiya. Para kay Gabler, dapat na maging isang istriktong pagaaral ang Biblikal na teolohiya sa kasaysayan ng mga paniniwala at itinuturo sa Kristiyanismo sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan ng Bibliya na hiwalay sa mga modernong denominasyon, doktrina, pilosopiya, o kunsiderasyong kultural. Sa pangkalahatan, tama ang isinusulong na prinsipyo ni Gabler, at siya ang naging impluwensya sa paglago ng Biblikal na teolohiya sa pagdaan ng panahon.
Gayunman, dapat pansinin na walang anumang pagaaral ng Bibliya ang ganap na walang kinikilingan. Nagdadala ang bawat tagapagpaliwanag ng Bibliya ng kanyang sariling pagpapalagay sa gawaing ito. Ang mga pagkiling na ito ay nakakaimpluwensya sa proseso ng pagpapaliwanag sa Kasulatan. Dahil dito, ang larangan ng Biblikal na teolohiya ay naglalaman ng hindi mabilang na opinyon at nagkakaiba-ibang palagay sa mga itinuturo ng Kasulatan. Lubusang nakadepende ang Biblikal na teolohiya sa paraan ng pagpapaliwanag ng Bibliya ng teologo. Ang metodolohiyang ginagamit sa pagpapaliwanag ng Bibliya ay napakahalaga rin naman sa Biblikal na teolohiya. Ang Biblikal na teolohiya ng isang tao ay resulta lamang ng kanyang ginagamit na pamamaraan sa pagpapaliwanag sa Kasulatan.
Ito ang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng sistematiko at Biblikal na teolohiya: Itinatanong ng sistematikong teolohiya, “Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga anghel sa pangkalahatan?” at pagkatapos, susuriin ang bawat talata sa Kasulatan na may sinasabi tungkol sa mga anghel, bubuo ng konklusyon at isasaayos ang lahat ng impormasyon sa isang dokumento na tinatawag na “angelology” o “mga katotohanan tungkol sa mga anghel.” Ang nayaring produkto, mula Genesis hanggang Pahayag, ang kabuuan ng ipinahayag na katotohanan ng Diyos tungkol sa mga anghel.
Ito naman ang tanong ng Biblikal na teolohiya, “Paano lumago ang ating kaalaman tungkol sa mga anghel sa pagdaan ng kasaysayan?” at pagkatapos, maguumpisa ang pagaaral sa sinasabi ng unang limang aklat ng Lumang Tipan tungkol sa mga anghel at sususugin ang nagpapatuloy na kapahayagan ng Diyos tungkol sa mga nilalang na ito sa buong Kasulatan. Habang pinagaaralan ang paksa, gagawa ang teologo ng Biblikal na teolohiya ng konklusyon kung paanong maaaring nagbago ang pananaw ng mga tao sa Bibliya tungkol sa mga anghel habang parami ng parami ang mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos. Ang konklusyon ng ganitong pagaaral ay ang pangunawa sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga anghel, ngunit inilalagay din ng Biblikal na teolohiya ang kaalamang ito sa konteksto ng mas malaking larawan ng “buong kapahayagan” ng Diyos. Tinutulungan tayo ng Biblikal na teolohiya na makita ang Bibliya bilang nagkakaisang mga aklat sa halip na isang koleksyon ng mga aklat na walang pagkakasundo sa iba’t ibang puntos ng doktrina. English
Ano ang Biblikal na Teolohiya?