Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pedophilia?
Sagot
Walang direktang pagbanggit sa Bibliya tungkol sa pedophilia. Ngunit napakaraming prinsipyo sa Bibliya ang maaaring ilapat sa kasalanang ito. Ang isa sa mga prinsipyo ay ang katuruan ng Bibliya tungkol sa pakikiapid at kahalayan. Ang salitang pakikiapid at kahalayan ay pareho ang ideya sa wikang Hebreo at Griyego. Sa salitang Grieygo, ito ay porneia, kung saan nagmula ang salitang porno at pornograpiya. Ang salitang ito sa Kasulatan ay tumutukoy sa anumang ipinagbabawal na sekswal na aktibidad, at kabilang sa mga karumaldumal na gawaing ito ang mga ginagawa ng mga pedophile – kabilang ang pagiipon at pagbili ng mga malalaswang larawan ng mga bata. Ang mga taong gumagamit ng ganitong uri ng pornograpiya ay karaniwang naguumpisa sa pagtingin hanggang sa aktwal nilang gawin ang pangmomolestya sa mga bata na isang napakalaking panganib para sa kanila. Ang pakikiapid at kahalayan ay kasama sa mga “gawa ng laman” (Galacia 5:16-21) at isa sa mga kasamaang nagmumula sa puso ng isang taong hiwalay sa Diyos (Markos 7:21–23).
Ang mga pedophile ay mga taong “mga walang katutubong pagnanais” (Roma 1:31; 2 Timoteo3:2). Ang pariralang “mga walang katutubong pagnanais” ay isinalin mula sa isang salitang Griyego ay nangangahulugan na “hindi makatao, hindi marunong magmahal, at hindi marunong makipag kapwa tao.” Ang isang taong walang katutubong pagnanais ay gumagawa ng mga bagay na laban sa sosyedad. Ito ang paglalarawan sa isang pedophile.
Bilang karagdagan, may isang prinsipyo na matatagpuan sa mga pananalita ng Panginoong Hesus tungkol sa mga bata. Ginamit ni Hesus ang isang bata upang ituro sa Kanyang mga alagad na kinakailangan ng tao ang pananampalatayang gaya ng sa bata upamg makapasok sa kaharian ng langit. Sa parehong pagkakataon, sinabi Niya na nagmamalasakit ang Ama sa langit para sa mga “maliliit na bata” (Mateo 18:1–14). Sa kabanatang ito ng aklat ni Mateo, sinabi ni Hesus, “Datapuwa't sinomang magbigay ng ikatitisod sa isa sa maliliit na ito na nagsisisampalataya sa akin, ay may pakikinabangin pa siya kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya'y ilubog sa kalaliman ng dagat.” (Matthew 18:6, KJV). Ang salitang “ikatitisod” sa salitang Griyego ay nangangahulugan na “maging dahilan ng pagbagsak, maglagay ng harang o hadlang sa daan kung saan maaaring madapa ang isang tao, matuksong magkasala o maging dahilan upang ang isang tao ay magsimulang mawalan ng tiwala at talikuran ang Diyos na dapat niyang pagtiwalaan at sundin.”
Ang mga kahulugan ng salitang “ikatitisod” ay madaling mailalapat sa mga aksyon ng isang pedophile. Ang prinsipyo ng hindi pananakit sa mga bata ay maaaring ilapat sa maraming uri ng pangaabuso sa mga bata at binalaan ni Hesus ng mahigpit na kaparusahan sa Mateo 18:10 ang sinuman na magiging dahilan ng pagkakasala ng mga bata.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pedophilia?