settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na ang Bibliya ay hiningahan o kinasihan ng Diyos?

Sagot


Sa 2 Timoteo 3:16, sinabi ni Pablo, “Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran.” Ito lamang ang isang talata sa buong Bibliya na ginamit ang salitang Griyegong theopneustos, na nangangahulugang “hiningahan ng Diyos,” “kinasihan ng Diyos,” “may inspirasyon ng Diyos,” ngunit maraming mga talata ang sumusuporta sa pangunahing katuruan ng Kasulatan na ito ay kinasihan ng Diyos.

Ang kapangyarihan ng “hininga” ng Diyos sa pagbibigay inspirasyon sa mga manunulat ng Bibliya ay makikita sa buong Kasulatan. Hiningahan ng Diyos si Adan ng “hininga ng buhay,” at “hiningahan ni Hesus ang mga alagad at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Banal na Espiritu” (Juan 20:22). Sa 2 Pedro 1:21 sinasabi sa atin ni Pedro, “Sapagka't hindi sa kalooban ng tao dumating ang hula kailanman: kundi ang mga tao ay nagsalita buhat sa Dios, na nangaudyokan ng Espiritu Santo.” Makikita natin dito ang katotohanan na inilalarawan ang Kasulatan na direktang nagmula sa Diyos, hindi sa kalooban ng mga manunulat.

Sinabi ni Pedro tungkol sa mga sinulat ni Pablo, “na gaya rin naman ni Pablo, na ating minamahal na kapatid, na ayon sa karunungang ibinigay sa kaniya, ay sinulatan kayo” at ang hindi pakikinig sa kanyang mga mensahe ay sa “ikapapahamak” ng mambabasa (2 Pedro 3:15–16). Nagmula ang Kasulatan sa Banal na Espiritu, na nagbigay nito sa atin “hindi sa mga salitang itinuturo ng karunungan ng tao, kundi sa itinuturo ng Espiritu; na iwinawangis natin ang mga bagay na ayon sa espiritu sa mga pananalitang ayon sa espiritu” (1 Corinto 2:13). Sa katotohanan, buong tiyagang ginamit ng mga mananamplataya sa Berea ang Salita ng Diyos upang tiyakin kung ayon dito ang sinasabi ni Pablo, “Sapagka't tinanggap nila ang salita ng buong pagsisikap, at sinisiyasat sa araw-araw ang mga kasulatan, kung tunay nga ang mga bagay na ito” (Gawa 17:11).

Ang pananampalataya ang susi kung paanong tinatanggap ng sinuman ang katotohanan at kahalagahan ng kinasihang Salita ng Diyos. “Nguni't ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka't ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagka't ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu” (1 Corinto 2:14). Ang taong espiritwal ang binigyan ng Diyos ng kaloob na pananampalataya (Efeso 2:8–9) para sa kaligtasan ng kanyang kaluluwa. Sinasabi sa Hebreo 11:1, “Ang pananampalataya ay siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita.” Inihayag ng Diyos sa Kasulatan ang Ebanghelyo ng katuwiran at ang ating katuwiran ay nagmula at iniingatan sa pamamagitan lamang ng pananampalataya. “Nguni't ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya” (Roma 1:17).

Bagama’t ang 2 Timoteo3:16 lamang ang tanging talata sa Bibliya kung saan ginamit ang pariralang “hiningahan ng Diyos,” upang ilarawan ang Salita ng Diyos, makikita naman sa buong Bibliya ang katotohanang ito. Ang mga ito ay aktwal na Salita ng Diyos na nagpapaalala sa atin na matatagpuan natin dito ang Kanyang katotohanan at pag-ibig na siyang gagabay sa atin sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Inilarawan ni Santiago ang kalikasan ng Kasulatan ng kanyang sabihin, “Ang bawa't mabuting kaloob at ang bawa't sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na bumababa mula sa Ama ng mga ilaw, na walang pagbabago, ni kahit anino man ng pagiiba” (Santiago 1:17). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na ang Bibliya ay hiningahan o kinasihan ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries