settings icon
share icon
Tanong

Ang mga kuwento ba sa Bibliya ay kinopya lamang mula sa mga alamat at mitolohiya ng ibang relihiyon?

Sagot


Maraming kuwento sa Bibliya ang may pagkakahawig sa mga kuwento, alamat at mitolohiya ng ibang relihiyon. Para sa layunin ng artikulong ito, sisiyasatin natin ang dalawa sa pinakakilalang halimbawa.

Una, tingnan natin ang kuwento tungkol sa pagbagsak ng tao sa kasalanan sa ikatlong (3) kabanata ng aklat ng Genesis. May isang alamat ng mga Griyego na tinatawag na Pandora’s Box, na may pagkakaiba at pagkakahalintulad sa kuwento ng Bibliya tungkol sa pagbagsak ng tao sa kasalanan ngunit hindi agad agad iyon mapapansin. Sa kabila ng mga pagkakaiba, maaaring tumutukoy sila sa isang aktwal na pangyayari sa kasaysayan. Sinasabi sa dalawang kuwento kung paanong ang pinakaunang babae ay naghasik ng kasalanan, karamdaman at pagdurusa sa mundo na dati rati ay isang paraiso. Ang parehong kuwento ay nagtapos sa pangakong pag-asa ng isang Tagapagligtas ayon sa ipinangako ng Diyos sa Aklat ng Genesis at sa Pandora’s box naman ay ang “pag-asa” bilang isang bagay na pakakawalan mula sa loob ng kahon sa katapusan ng alamat ng Pandora.

Gaya ng mga alamat tungkol sa baha na halos makikita sa lahat ng kultura, inilalarawan sa Pandora’s box kung paanong ang Bibliya ay may pagkakahawig minsan sa mga paganong mitolohiya dahil itinuturo sa mga alamat na ito ang isang aktwal na pangyayari sa kasaysayan na makikita sa halos lahat ng sinaunang kasaysayan (gaya ng Bibliya) at sa mga patulang alegorya (gaya ng Pandora’s box, kung saan ang kuwento ay inihayag ng mga Griyego sa iba’t ibang kaparaanan ngunit nanatili pa rin ang sentrong katotohanan sa kabila noon). Ang mga pagkakahalintulad na ito ay hindi nangangahulugan na may isang kuwento na kinopya sa ibang kuwento kundi nagsasaad ito sa katotohanan na nakabase sa iisang aktwal na pangyayari sa kasaysayan.

Panghuli, may mga kaso ng panggagaya ngunit sa mga ganitong pagkakataon ang Bibliya ang pinaggayahan hindi ang mga paganong mitolohiya (sa kabila ng mga pagaangkin ng iba sa kabaliktaran nito). Halimbawa ang kapanganakan ni Sargon. Ayon sa alamat, inilagay si Sargon sa isang basket at ipinaanod ng kanyang ina sa isang ilog. Iniligtas siya ni Aqqi at inampon siya at itinuring na tulad sa sariling anak. Hindi ba’t napakalaki ng pagkakahawig nito sa kuwento ni Moises sa Exodo 2? Nabuhay si Sargon ng may 800 taon bago ipanganak si Moises. Kaya nga, masasabi bang ang kuwento tungkol sa isang sanggol na nagngangalang Moises na ipinaanod sa ilog, iniligtas at inampon ng isang prinsesa ay hiniram sa kuwento ni Sargon?

Sa unang tingin, mukhang resonable ang argumentong kinopya lamang sa kuwento ni Sargon ang kuwento tungkol kay Moises, ngunit ang kuwento tungkol kay Sargon ay halos nagmula lahat sa maraming alamat na isinulat pagkatapos ng kanyang kamatayan. Napakakonti ng mga tala tungkol sa buhay ni Sargon. Ang alamat tungkol sa kabataan ni Sargon at kung paanong inilagay siya sa basket at ipinaanod sa ilog ay nanggaling sa dalawang cuneiform tablets na isinulat noong ikapitong (7) siglo (mula sa aklatan ng hari ng Asiria na si Ashurbanipal na naghari mula 668 hanggang 627 BC). Ang mga tablets na ito ay isinulat daan-daang taon pagkatapos maisulat ang aklat ng Exodo kung saan mababasa ang kuwento tungkol sa buhay ni Moises. Kung may magsasabi man na ang isa sa mga kuwento ay kinopya lamang sa isa, hindi maaaring ang Bibliya ang nangopya kundi ang alamat tungkol kay Sargon ang makikitang ginaya lamang sa talambuhay ni Moises na mababasa sa aklat ng Exodo.

Malinaw ang Bibliya tungkol sa may akda nito. Bagama’t marami ang sumulat ng mga aklat sa Bibliya, ang Banal na Espiritu ng Diyos ang aktwal na may akda nito. Sinasabi sa atin sa 2 Timoteo 3:16-17 na ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos. Ano ang ibig sabihin na ang Kasulatan ay “kinasihan ng Diyos?” Nangangahulugan ito na ang Bibliya ay literal na ‘hiningahan” ng Diyos.’ Kanya itong ipinasulat sa mga taong kinasihan ng Banal na Espiritu at iningatan sa pagdaan ng mga siglo, at Siya ang nasa lahat ng pahina nito, at ang Kanyang kapangyarihan ang makikita sa ating mga buhay sa pamamagitan nito.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang mga kuwento ba sa Bibliya ay kinopya lamang mula sa mga alamat at mitolohiya ng ibang relihiyon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries