Tanong
Naglalaman ba ang Bibliya ng mga alegorya?
Sagot
Ang alegorya ay isang kuwento kung saan ang mga tauhan o pangyayari ay ginagawang simbolo ng ibang pangyayari, ideya o mga tao. Ang alegorya ay isang pangkaraniwang istilo ng pagpapahayag ng ideya sa kasaysayan ng literatura. Ginagamit ang mga alegorya upang hindi direktang ipahayag ang isang kontrobersyal na ideya o ideyang hindi tinatanggap ng karamihan, katulad ng pagpuna sa masamang takbo ng pulitika, at pagsaway sa mga nasa kapangyarihan (halimbawa, ang aklat ni George Orwell na “Animal Farm” at “Gulliver’s Travels” ni Jonathan Swift ). Ginagamit din ang alegorya upang magpahayag ng isang ideyang mahirap unawain o isang espiritwal na katotohanan sa pamamagitan ng mahabang paghahambing upang mas madaling maunawaan iyon (halimbawa, ang “The Pilgrim’s Progress” ni John Bunyan at “Hinds’ Feet on High Places” ni Hannah Hurnard).
Naglalaman ang Bibliya ng maraming alegorya na ginamit upang ipaliwanag ang mga espiritwal na katotohanan o ilarawan ang isang pangyayari sa hinaharap. Ang pinakamalinaw na halimbawa ng alegorya sa Bibliya ay ang mga talinghaga ni Hesus. Sa mga kuwentong ito, ang mga tauhan at mga pangyayari ay naglalarawan sa Kaharian ng Diyos o sa pamumuhay Kristiyano. Halimbawa, ang talinghaga tungkol sa manghahasik sa Mateo 13:3–9, kung saan ang binhi at ang iba-t ibang uri ng lupa ay naglalarawan sa Salita ng Diyos at sa iba-t ibang tugon dito ng mga tao (gaya ng ipinaliwanag ni Hesus sa mga talatang 18–23).
Isa ring alegorya ang talinghaga tungkol sa alibughang anak. Sa kuwentong ito, (Lukas 15:11–32), ang anak ay naglalarawan sa isang karaniwang tao: isang taong makasalanan at makasarili. Ang mayamang ama ay naglalarawan sa Diyos, at ang karahasan ng anak at pag-ibig sa pansariling kasiyahan at pagkatapos ay pagkalugmok sa kahirapan ay naglalarawan sa kahungkagan ng isang buhay na walang pananampalataya sa Diyos. Nang bumalik ang anak sa bahay ng kanyang ama ng may tunay na pagdadalamhati, ito ay paglalarawan sa pagsisisi ng mga makasalanan. Sa kahabagan ng ama at kahandaang tanggapin ang nagbalik na anak, ito ay paglalarawan sa kagalakan ng Diyos ng bumalik tayo sa Kanya mula sa kasalanan at humingi sa Kanya ng kapatawaran.
Sa mga talinghaga, itinuturo ni Hesus ang mga espiritwal na konsepto (kung paano tumutugon ang mga tao sa Ebanghelyo, sa kahabagan ng Diyos, at iba pa) sa anyo ng mga literal na paghahambing. Nagkakaroon tayo ng malalim na pangunawa sa katotohanan ng Diyos sa pamamagitan ng mga kuwentong ito. Ang iba pang halimbawa ng alegorya sa Bibliya, bilang anyo ng literatura ay ang pangitain ng dragon at babae sa Pahayag 12:1–6; ang kuwento tungkol sa agila at puno ng ubas sa Ezekiel 17; at marami sa mga kawikaan, lalo’t higit ang mga isinulat gamit ang mga simbolismo at paghahambing.
Ang ilan sa mga tradisyon at seremonya na itinatag ng Diyos sa Bibliya ay maituturing na mga “alegorya” sa paraang “hindi ayon sa literatura” dahil sumisimbolo sila sa mga espiritwal na katotohanan. Ang paghahandog ng mga hayop, halimbawa, ay naglalarawan na karapatpadat tayong mamatay dahil sa ating mga kasalanan, at ang bawat hayop na kahalili sa altar ay naglalarawan sa darating na paghahandog ni Kristo, na mamamatay para sa kasalanan ng Kanyang bayan. Ang pagtatatag sa institusyon ng pagaasawa, habang may ginagampanang malaki at praktikal na layunin, ay naglalarawan ng relasyon sa pagitan ni Kristo at ng Iglesya (Efeso 5:31–32). Marami sa mga alituntuning pangseremonya ni Moises (tungkol sa pananamit, pagkain, at sa mga malinis at di-malinis na bagay) ay naglalarawan sa mga espiritwal na katotohanan tulad ng pangangailangan ng mga mananampalataya na maging kakaiba sa pananampalataya at gawa sa mga hindi mananampalataya. Habang ang mga halimbawang ito sa indibidwal, ay hindi maituturing na alegorya (dahil ang alegorya ay nangangailangan ng maraming simbolo na gumagawang magkakasama), ang sistema ng relihiyon sa Lumang Tipan (at ilang bahagi ng Bagong Tipan) ay maituturing na isang malawak na alegorya ng relasyon ng tao sa Diyos.
Kapansin-pansin na minsan, ang mga mahahalagang pangyayari sa kasaysayan, na sa unang tingin ay walang malalim na kahulugan ay ipinaliwanag sa paraang alegorikal kalaunan upang magturo ng mahalagang katuruan. Ang isang halimbawa ay sa ikaapat na kabanata ng Galacia kung saan ipinaliwanag ni Pablo ang kuwento tungkol kay Abraham, Agar at Sara bilang alegorya para sa Luma at Bagong Tipan. Isinulat ni Pablo, “Sapagka't nasusulat, na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak, ang isa'y sa aliping babae, at ang isa'y sa babaing malaya. Gayon man ang anak sa alipin ay ipinanganak ayon sa laman; nguni't ang anak sa babaing malaya ay sa pamamagitan ng pangako. Ang mga bagay na ito'y may lamang talinghaga: sapagka't ang mga babaing ito'y dalawang tipan; ang isa'y mula sa bundok ng Sinai, na nanganganak ng mga anak sa pagkaalipin, na ito'y si Agar. Ang Agar ngang ito ay bundok ng Sinai sa Arabia, at ito'y katulad ng Jerusalem ngayon: sapagka't ito'y nasa pagkaalipin kasama ng kaniyang mga anak. Nguni't ang Jerusalem na nasa itaas ay malaya, na siyang ina natin” (Galacia 4:22–26). Sa mga talatang ito, ginamit ni Pablo ang mga aktwal na tao sa kasaysayan (Abraham, Agar, at Sara) bilang mga simbolo para sa Kautusan ni Moises (ang Lumang Tipan) at ang kalayaan na mayroon tayo kay Kristo (ang Bagong Tipan). Sa pamamagitan ng lenteng alegorikal ni Pablo, makikita natin na ang ating relasyon sa Diyos ay naging daan para sa ating kalayaan (tayo ang mga anak ayon sa pangako ng Diyos, gaya ni Isaac) hindi sa pagkaalipin (hindi tayo anak sa pagkaalipin gaya ni Ismael). Nakita ni Pablo, sa pamamagitan ng pagkasi ng Banal na Espiritu ang simbolikong kahalagahan ng pangyayaring ito sa kasaysayan at ginamit niya ito upang ilawaran ang ating katayuan kay Kristo.
Ang alegorya ay isang maganda at artistikong paraan upang ipaliwanag ang mga bagay na espiritwal sa terminolohiyang madaling maunawaan. Sa pamamagitan ng mga alegorya sa Bibliya, tinutulungan tayo ng Diyos na maunawaan ang mga mahihirap na konsepto sa pamamagitan ng konteksto ng mga tunay na tao at pangyayari. Ipinapakita din Niya sa atin na Siya mismo ang Dakilang Tagapagsalaysay ng Kuwento, na kumikilos sa kasaysayan upang ipaalam at ganapin ang Kanyang mga layunin. Nagagalak tayo na mayroon tayong isang Diyos na nagtuturo sa atin sa isang paraan na ating mauunawaan at Siya ring nagbigay sa atin ng mga simbolo at mga alegorya upang ipakilala sa atin ang Kanyang sarili. English
Naglalaman ba ang Bibliya ng mga alegorya?