settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa astrolohiya o sa Zodiac? Ang astrolohiya ba ay isang bagay na dapat pagaralan ng mga Kristiyano?

Sagot


Maraming sinasabi ang Bibliya tungkol sa mga bituin. Ang ating pangunahing pangunawa sa mga bituin ay nilikha sila ng Diyos. Ipinakikita nila ang Kanyang kapangyarihan at kaluwalhatian. Ang kalangitan ay “gawa ng Kanyang mga kamay” (Awit 8:3; 19:1). Binilang at pinangalanan Niya ang lahat ng mga bituin (Awit 147:4).

Itinuturo din sa atin ng Bibliya na isinaayos ng Diyos ang mga bituin ayon sa kanya-kanyang grupo na tinatawag natin sa siyensya na konstelasyon. Binanggit sa Bibliya ang tatlo sa mga ito: ang Orion, ang Oso (Ursa Major), at ang “kumpol ng mga bituin sa katimugan” (Draco) sa Job 9:9; 26:13; 38:31-32; at Amos 5:8. Tinutukoy din sa mga nabanggit na talata ang grupo ng mga bituin na tinatawag na “pleyades” (ang pitong bituin). Ang Diyos ang Siyang “nagtali” sa mga konstelasyong ito at Siyang nagpapalabas sa kanila sa kalangitan sa “kanilang kapanahunan.” Binanggit din ng Diyos ang “malaki at maliit na diper” na karaniwan ding isinasalin na “mga konstelasyon.” Iniisip ng marami na maaaring isang pagtukoy ito sa labindalawang konstelasyon ng zodiac.

Sinundan ng mga astrologo ang galaw ng mga bituing ito at pinagaralan sa loob ng libong taon. Alam ng mga Ehipsyo at mga Griyego ang tungkol sa Zodiac at ginamit nila ang mga ito upang sukatin ang pasimula ng siglo bago dumating si Kristo. Napakarami ang mga aklat na naisulat tungkol sa kahulugan ng mga konstelasyon ng Zodiac, kabilang ang mga teorya na sa kanila makikita ang mga sinaunang plano ng Diyos sa pagliligtas. Halimbawa, ang konstelasyong Leo ay maaring makita bilang paglalarawan ng isang leon mula sa lahi ni Juda (Pahayag 5:5), at ang Virgo naman ay ang paalala tungkol sa isang birhen na nagsilang kay Kristo. Gayunman, hindi ipinahiwatig sa Bibliya ang anumang “nakatagong kahulugan” sa likod ng mga konstelasyong ito.

Sinasabi ng Bibliya na sila ay mga bituin, kasama ng araw at buwan at nilikha upang magsilbing palatandaan ng mga panahon (Genesis 1:14) na nangangahulugan na sila ang magiging pamantayan ng panahon para sa tao. Sila rin ay mga “tanda” para sa mga manlalakbay at sa buong kasaysayan, gumamit ang mga tao ng bituin upang gumawa ng kanilang tsart para sa kanilang mga paglalakbay sa buong mundo.

Ginamit ng Diyos ang mga bituin bilang ilustrasyon ng Kanyang pangako na ibinigay kay Abraham na bibigyan Niya ito ng hindi mabibilang na binhi (Genesis 15:5). Kaya nga, sa tuwing tumitingala si Abraham kung gabi, naaalala niya ang katapatan at kabutihan ng Diyos. Magkakaroon din ng mga tanda sa kalangitan bago ang huling paghuhukom sa sangkatauhan (Isaias 13:9-10; Joel 3:15; Mateo26:29).

Ang astrolohiya ay isang “interpretasyon” na ipinagpapalagay na may impluwensya ang mga bituin (at mga planeta) sa kapalaran ng tao sa lupa. Ito ay isang maling paniniwala. Ipinahiya ni Propeta Daniel ang mga astrologo sa korte ng hari ng Babilonia (Daniel 1:20) at wala silang nagawa upang ipaliwanag ang kahulugan ng panaginip ng hari (Daniel 2:27). Partikular na tinukoy ng Diyos ang mga astrologo o nanghuhula ng kapalaran ng tao sa pamamagitan ng posisyon ng mga bituin sa kalawakan (horoscope) bilang mga taong susunugin sa apoy sa huling paghuhukom (Isaias 47:13-14). Ang astrolohiya ay isang porma ng pagsamba sa diyus diyusan na maliwanag na kinokondena sa Kasulatan (Deuteronomio 18:10-14). Pinagbawalan ng Diyos ang mga Israelita na sambahin o paglingkuran ang mga bagay na nasa kalangitan (Deuteronomio 4:19). Gayunman, maraming pagkakataon sa kasaysayan na nahulog ang Israel sa ganitong uri ng kasalanan (ang 2 Hari 17:16 ang isang halimbawa). Sa tuwina, ang kanilang pagsamba sa mga bituin ang nagiging dahilan na mga sumpa sa kanila ng Diyos.

Dapat na mapukaw ng mga bituin ang ating pagkamangha sa kapangyarihan, karunungan at kawalang hanggan ng Diyos. Dapat nating gamitin ang mga bituin upang malaman ang panahon at ang ating kinalalagyan sa mundo at upang ipaalala sa atin ang Kanyang katapatan sa Kanyang mga pangako sa atin. Habang ginagawa natin ito, kinikilala natin ang Manlilikha ng mga kalangitan. Ang ating karunungan ay nanggagaling sa Diyos, hindi sa mga bituin (Santiago 1:5). Ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang ating tanging gabay sa ating buhay (Awit 119:105).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa astrolohiya o sa Zodiac? Ang astrolohiya ba ay isang bagay na dapat pagaralan ng mga Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries