Tanong
Ano ang sinasabi ng Biblia tungkol sa masasamang panaginip/bangungot?
Sagot
Ang masasamang panaginip/bangungot ay mga panaginip na nagdudulot ng malakas na negatibong damdamin tulad ng takot at matinding pagkasindak. Karaniwan, ang mga nananaginip ng masama ay nagigising sa estado ng masidhing pagkabalisa, ng matinding reaksyon ng katawan – tulad ng mabilis na pagtibok ng puso, pagpapawis, pagkahilo – at hindi sila agad nakakabalik sa pagtulog. Ang sanhi ng masasamang panaginip/bangungot ay iba-iba. Ang mga bata, dahil sa kanilang aktibong imahinasyon ay madalas na nananaginip ng masama, ang ilan ay talagang grabe na nagigising na sumisigaw at umiiyak. Ang matitinding pangyayaring katulad nito ay karaniwang tinatawag na ‘night terrors’. Ang pagkain ng ilang uri ng pagkain malapit sa oras ng pagtulog ay maaaring maging sanhi ng masasamang panaginip/bangungot, ganoon din ang panonood ng nakakatakot na mga sine o pelikula. Ang pagtulog na may dalang pagkabalisa tungkol sa mga hindi magagandang pangyayari sa buhay o matapos ang isang pag-aaway o pagtatalo ay maaaring maging sanhi ng masasamang panaginip/bangungot dahil sa patuloy na aktibidad ng isip o utak habang natutulog.
Walang pagaalinlangan na ang masasamang panaginip/bangungot ay labis na nakakabagabag, subalit mayroon bang espiritwal na kahulugan ang masasamang panaginip/bangungot? Ang mga panaginip at pangitain ay nabanggit sa Biblia, at minsan ginagamit ng Diyos ang panaginip upang mangusap sa Kanyang mga propeta at sa iba pang mga tao. Sa Genesis 20, nangusap ang Dios kay Abimelech. Nagbabala ang Dios kay Abimelech na huwag niyang gagalawin si Sarah na asawa ni Abraham. Kasama sa iba pang mga panaginip sa Bibliya ay ang panaginip ni Jacob tungkol sa isang hagdan patungong langit (Genesis 28), ang panaginip ni Jose na paglilingkuran siya ng kanyang mga kapatid na siyang naghatid sa kanyang pagkakabilanggo sa Egipto (Genesis 37), ganoon din ang kanyang panaginip tungkol sa Faraon (Genesis 40-41) na naghatid sa kanya upang maging pangalawang pinakamakapangyarihang tao sa Egipto. Ang Panginoon o ang Kanyang anghel ay nagpakita sa ilang tao sa Bibliya, kasama dito sina Gideon (Hukom 7), Haring Solomon (1 Hari 3), Nabucodonosor (Daniel 2), Maria (Mateo 1), Jose (Mateo 2) at asawa ni Pilato (Mateo 27). Ang kanilang mga panaginip ay hindi matatawag na masamang panaginip. Kung ganoon lilitaw na hindi nagsasalita ang Diyos sa mga tao sa pamamagitan ng masasamang panaginip/bangungot.
Iniisip ng ilan na si Satanas o ang mga demonyo ay nanghihimasok o pinapasok ang kanilang mga isip sa panahon na sila ay nananaginip ng masama, subalit walang banggit sa Bibliya na nagpapatunay dito. Walang pangyayari sa Bibliya na ang mga puwersa ng demonyo ay nangungusap sa mga tao sa kanilang mga panaginip o masasamang panaginip/bangungot. Mas malamang, ang masasamang panaginip/bangungot ay walang iba kundi ang paraan ng isip upang labanan ang mga takot at alalahanin habang ang isip ay patuloy na gumagana sa panahon ng pagtulog. Kung ang isang Kristiyano ay patuloy na nakararanas ng madalas na pananaginip ng masama, na dahilan ng hindi tuloy tuloy na pagtulog at nagiging sanhi ng madalas na kaguluhan ng emosyon o damdamin, marahil nararapat o kinakailangan ang tulong ng mga doktor. Subalit, sa lahat ng ito, ang panalangin ang pinakamakapangyarihang sandata laban sa anumang uri ng pagkabalisa ng damdamin at espiritu. Ang pananalangin ng labinglima hanggang dalawampung minuto bago matulog ang pinaka-epektibong paraan upang maging payapa ang isip at puso at maging handa sa mahimbing at matiwasay na pagtulog. Gaya ng sa lahat ng bagay, ang Dios ay saganang nagbibigay ng karunungan sa sinumang humihingi sa Kanya (Santiago 1:5), at ipinangako rin ng Diyos ang Kanyang kapayapaan sa lahat ng naghahanap o naghahangad nito. “Huwag kayong mabalisa tungkol sa anomang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Dios ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang di malirip na kapayapaan ng Dios ang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Cristo Jesus” (Filipos 4:6-7).
English
Ano ang sinasabi ng Biblia tungkol sa masasamang panaginip/bangungot?