Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagbabayad ng buwis?
Sagot
Sa Mateo 22:17–21, tinanong si Jesus ng mga Pariseo: "Ano po ang palagay ninyo? Naaayon ba sa Kautusan na magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?" Alam ni Jesus ang kanilang masamang layunin kaya't sinabi niya, "Kayong mga mapagkunwari! Bakit binibitag ninyo ako? Ipakita ninyo sa akin ang isang salaping pambayad sa buwis." At ipinakita nga nila ang isang salaping pilak. "Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit diyan?" tanong ni Jesus. "Sa Emperador po," tugon nila. Kaya't sinabi niya sa kanila, "Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa kanya, at sa Diyos ang para sa Diyos." Buong pagsang-ayon na itinuro ni apostol Pablo, "Iyan din ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad ng buwis. Ang mga pinuno ng pamahalaan ay mga lingkod ng Diyos at ito ang kanilang tungkulin. Ibigay ninyo sa bawat isa ang nararapat sa kanya. Magbayad kayo sa mga dapat bayaran at magbigay kayo ng buwis sa dapat buwisan; igalang ninyo ang dapat igalang at parangalan ninyo ang dapat parangalan" (Roma 13:6–7).
Tila walang katapusan ang uri ng buwis kung saan nasasakop ang mga mamamayan at kalahok sa lokal at pandaigdigang ekonomiya. Hindi popular ang pagbabayad ng buwis at kung minsan nasusuklam ang mga tao sa mga ahensya ng pamahalaan na namamahala sa pagkolekta ng buwis, masama man sila o hindi. Hindi na ito bago. Hindi din gaanong maganda ang turing ng mga tao sa mga maniningil ng buwis sa panahon ng Bibliya (Mateo 11:19; 21:31–32; Lukas 3:12–13).
Kahit ayaw natin sa buwis, kahit ang sistema ng pagbubuwis ay maaring tiwali at hindi makatarungan, kahit naniniwala tayo na may mas magagandang bagay na maaaring puntahan ang ating pera – gaya sa mga bagay na iniuutos ng Bibliya, Oo, inuutusan tayo ng Bibliya na bayaran ang ating mga buwis. Malinaw sa Roma 13:1-7 na dapat nating isuko ang ating sarili sa pamahalaan. Ang tanging pagkakataon kung kailan pinahihintulutan tayong sumuway sa pamahalaan ay kung pinagagawa tayo ng isang bagay na ipinagbabawal ng Bibliya. Hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang pagbabayad ng buwis. Sa katunayan, hinihimok tayo ng Bibliya na magbayad ng buwis. Samakatuwid, dapat tayong magpasakop sa Diyos at sa kanyang mga salita – at bayaran ang ating mga buwis.
Sa pangkahalatan, inilalaan ang buwis upang patakbuhin ang pamahalaan. Depende sa prayoridad ng gobyerno, ang kita mula sa buwis ay hindi palaging ginagamit sa pinakamahusay na paraan. Ginagamit ng gobyerno ang pera sa maling paggastos o para sa masasamang layunin at ito ang pinakamadalas na dahilan ng pagtutol ng mga tao sa pagbabayad ng buwis. Gayunman, hindi ito ang ating dapat ikabahala. Nang sabihin ni Jesus na "ibigay mo kay Cesar ang kay Cesar," ang pamahalaan noon ng Roma ay hindi isang matuwid na pamahalaan. Nang turuan tayo ni Pablo na magbayad ng buwis, si Nero ang namumuno sa pamahalaan at isa siya sa pinakamasamang emperador ng Roma sa kasaysayan. Dapat nating bayaran ang ating mga buwis kahit na hindi lumuluwalhati ang pamahalaan sa Diyos. Malaya nating makukuha ang bawat legal na pagbawas sa buwis. Hindi natin kailangang bayaran ang posibleng pinakamataas na halaga ng ating buwis. Kung may legal na paraan para maprotektahan ang iyong pera laban sa pagbubuwis, maaari mo itong gawin. Dapat lang na tanggihan ang mga ilegal at/o hindi tapat ng paraan ng pag-iwas sa mga buwis. Ipinapaalala sa atin sa Roma 13:2, "Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at sila'y nararapat sa parusa."
Alam ng mga Kristiyano na ang lahat ng ating pag-aari ay pagmamay-ari ng Diyos. Tayo ay mga tagapangasiwa lamang at tinatawag na gawing puhunan ang ating pera at iba pang mga mapagkukunan sa mga bagay na may walang hanggan. Tinawag tayo upang magbigay para sa ating kapamilya (1 Timoteo 5:8) at magbigay ng masagana (2 Corinto 9:6–8). Maganda rin ang pag-iimpok (Kawikaan 6:6–8). Katanggap-tanggap din naman na gumastos tayo ng pera para sa ating mga sarili at magpasalamat sa Panginoon para sa kanyang mga mabubuting kaloob (Santiago 1:17; Colosas 3:17). Tungkulin ng isang mamamayan ang pagbabayad ng buwis at ang mga Kristiyano ay tinawag para maging mabubuting mamamayan (Filipos 3:20). Ngunit ang mga Kristiyano sa huli ay mga mamamayan ng langit. Dapat na ang ating layunin sa pagbabayad ng buwis sa buhay na ito ay pamumuhunan sa walang hanggan – sa kaharian ng Diyos.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagbabayad ng buwis?