settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa edukasyon?

Sagot


Ang Aklat ng Kawikaan ay puno ng mga pagtuturong ibinigay ni Solomon sa kanyang mga “anak.” Ang mga anak ay hinihikayat na matuto mula sa pagtuturo at ang resulta ng paglalapat ng kaalamang natutunan ay tinatawag na karunungan. Maraming sinasabi ang Kasulatan patungkol sa paraan ng pagtuturo, at ito ay nagsisimula sa mga magulang at anak. Ang utos sa mga magulang ay alagaan ang mga anak sa Panginoon (Efeso 6:4) at ang salitang Griyego na “paideia” (“nurture”) ay may dalang kaisipan ng pagsasanay, pag-aaral, pagtuturo at pagdisiplina. Habang ang mga anak ay natututo mula sa Dios, sila ay nabibigyan ng pagkakataon na igalang ang kanilang mga magulang, at ang batayan ng ganitong pagpaparangal ay ang patuloy na pag-aaral at paglalapat sa buhay ng anumang natututunan. Sinabi ni Haring Solomon, “ang pagkatakot sa Dios ay pasimula ng karunungan.” (Kawikaan 1:7). Ang salitang “takot” dito ay hindi nagdadala ng kaisipan ng malaking takot o pangamba. Ngunit sa halip ito ay pagkamangha at pagpipitagan para sa kabanalan at kadakilaan ng Dios at pag aatubili upang biguin o suwayin ang Dios. Sinabi ni Hesus na kung alam natin ang katotohanan, ang katotohanan ang magpapalaya sa atin (Juan 8:32). Ang kalayaan mula sa takot ay dumarating mula sa pagkaalam ng katotohanan.

Sa Aklat ng Roma, ginamit ni Apostol Pablo ang salitang “alam” o “nalalaman” (“know” or “knowing”) ng labing isang ulit. Ano ang dapat nating malaman? Dapat tayong matuto sa Salita ng Dios. Dapat nating malaman ang Salita ng Dios. Dapat mag-aral tayo sa Salita ng Dios, dahil kapag nakakakuha tayo ng espiritwal na kaalaman, maaari na nating ilapat ang kaalaman sa ating mga buhay sa mga praktikal na paraan. Patuloy tayong nananatili sa Kanya at ginagamit ang makadiyos na kaalaman upang paglingkuran ang Panginoon sa espiritu at katotohanan (Roma 6:11-13). May isang matandang kasabihan: “Hindi natin magagamit ang hindi natin alam.” Ang prinsipyong ito ay dalawang ulit na totoo pagdating sa pag-aaral ng Bibliya. Paano natin tuturuan ang ating sarili sa isang makabibliyang paraan? Tayo ay nagbabasa, nag-aaral, nagsasaulo at nagbubulay-bulay ng Salita ng Dios.

Sinabi ni Apostol Pablo kay Timoteo na “Pagsikapan mong maging karapat-dapat sa Dios, manggagawang walang dapat ikahiya at tapat na nagtuturo ng katotohanan (2 Timoteo 2:15). Ang salitang Griyego na isinaling “pag-aaral” ay nangangahulugan ng pagbibigay sikap, pilitin ang sarili, magmadaling ilapat sa sarili.” Sa makatuwid, upang matuto o maturuan ang ating sarili, tayo ay sinasabihang ilaan ang ating sarili sa pag-aaral ng Salita ng Dios ng may kasipagan. Isa pang dahilan ay masusumpungan sa Ikalawang Sulat ni Pablo kay Timoteo, “Lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo sa katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay. Sa gayon ang lingkod ng Dios ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawain” (2 Timoteo 3:16-17). Ang kaisipan dito ay ang Salita ng Dios ay naghahanda sa atin upang maging matapat na mga lingkod ng Diyos.

Ang pag-aaral ng Bibliya ay naghahanda sa mga mananampalatayang ipinanganak na muli na gampanan ang mga gawang itinalaga na ng Dios para sa atin noon pa mang una (Efeso 2:10). Ito ay nagpapanibago ng ating mga isip (Roma 12:2). Ito ang patuloy na proseso ng paglalapat ng kaalaman sa ating pakikipag-isa kay Cristo “na ginawang karunungan natin. Sa pamamagitan Niya tayo’y pinawalang sala ng Dios, pinaging banal at iniligtas (1 Corinto 1:30).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa edukasyon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries