Tanong
Ano ang tamang exegesis ng Bibliya?
Sagot
Ang kahulugan ng salitang exegesis ay "eksposisyon” o “eksplanasyon” (pagpapaliwanag). Ang Biblikal na exegesis ay kinapapalooban ng pagsusuri ng isang partikular na teksto ng Kasulatan para maunawaan ito ng tama. Ang exegesis ay bahagi ng proseso ng hermeneutiko, ang siyensya ng interpretasyon o pangunawa sa Bibliya. Ang isang taong nagsasanay ng exegesis ay tinatawag na “exegete.”
Ang isang maganda o tamang biblikal na exegesis ay aktwal na iniutos sa Kasulatan. “Sikapin mong maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, isang manggagawang walang dapat ikahiya at tama ang paggamit sa salita ng katotohanan" (2 Timoteo 2:15). Ayon sa talatang ito, dapat nating gamitin ng tama ang Salita ng Diyos, sa pamamagitan ng masipag at masusing pagaaral. Kung hindi, may dahilan para tayo mahiya.
May ilang panimulang prinsipyo sa isang maganda at tamang exegesis na dapat sundin ng isang seryosong magaaral ng Bibliya.
1. Ang Prinsipyo ng Gramatiko. Ang Bibliya ay isinulat sa lengguwahe ng tao, at ang lengguwahe ay may partikular na istruktura at sumusunod sa mga tiyak na panuntunan. Kaya nga, dapat nating unawain ang Bibliya sa isang paraan na naaayon sa mga panimulang alituntunin ng lengguwahe.
Kadalasan, nagsisimula ang exegete sa kanyang pagsusuri sa isang sipi o kabanata sa pamamgitan ng paghahanap sa tamang kahulugan ng mga salita doon. Ang mga depinisyon o kahulugan ay pangunahin sa pangunawa sa sipi sa kabuuan, at mahalaga na ang mga salita ay maunawaan ayon sa kanilang orihinal na intensyon at hindi ayon sa modernong paggamit. Para matiyak ang katumpakan ng pangunawa sa mga salita, gumagamit ang exegete ng isang mapagkakatiwalaang salin ng Bibliya at ng mga diksyunaryo o talasalitaang Griego at Hebreo.
Pagkatapos, susuriin ng exegete ang syntax o ang relasyong gramatiko ng mga salita sa sipi o talata, makakakita siya ng pagkakatulad, at magpapasya siya kung aling ideya ang pangunahin at aling ideya ang pangsuporta, at makakakita siya ng mga pandiwa, paksa, at mga pang-uri o panturing. Maaari pa siyang gumawa ng diagram ng isa o dalawang talata.
2. Ang Prinsipyong Literal. Ipinagpapalagay natin na ang bawat salita sa isang sipi o kabanata ng Bibliya ay may isang normal o literal na kahulugan, malibang may magandang dahilan para ituring iyon na isang pigura ng pananalita. Ang exegete ay hindi ginagawang espiritwal o alegorya ang mga literal na salita o ginagawang literal ang hindi literal. Sinasabi ng mga salita ang gusto nilang sabihin.
Kaya, kung binabanggit ng Bibliya ang salitang “kabayo,” nangangahulugan iyon ng “kabayo.” Kung binabanggit sa Bibliya ang salitang “Lupang Pangako,” ang kahulugan nito ay ang literal na lupain na ibinigay sa Israel at hindi dapat sabihin na isang pagtukoy sa langit.
3. Ang Prinsipyo ng Kasaysayan. Habang lumilipas ang panahon, nagbabago ang mga kultura, nagbabago ang mga pananaw, at nagbabago ang mga wika. Dapat tayong magbantay laban sa pangunawa sa Kasulatan ayon sa pananaw ng ating kultura; dapat nating laging ilagay ang Kasulatan sa konteksto nito sa kasaysayan.
Laging isinasalang-alang ng isang masipag na magaaral ng Bibliya ang heograpiya, mga kaugalian, ang kasalukuyang pangyayari, at maging ang pulitika ng panahong isinulat ang isang aklat o sipi sa Bibliya. Ang pangunawa sa sinaunang kultura ng mga Judio ay makakatulong ng malaki sa pangunawa sa Kasulatan. Para isagawa ang kanyang pagsusuri, maaaring gumamit ang exegete ng mga talasalitaan o diksyunaryo sa Bibliya, mga komentaryo, at mga aklat sa kasaysayan.
4. Ang Prinsipyo ng Pagbubuod (synthesis). Ang pinakamagaling na tagapagpaliwanag ng Kasulatan ay ang kanyang sarili. Dapat nating suriin ang isang sipi sa relasyon nito sa pinakamalapit na konteksto (mga talata na nakapalibot dito), sa mas malawak na konteksto (sa aklat kung saan ito nakapaloob), at sa kumpletong konteksto (ang Bibliya sa pangkalahatan). Hindi sinasalungat ng Bibliya ang kanyang sarili. Anumang pangungusap na panteolohiya sa isang talata ay dapat na sang-ayon o kasundo ng mga pangungusap na panteolohiya sa ibang bahagi ng Kasulatan. Iniuugnay ng isang mahusay na interpretasyon sa Bibliya ang isang sipi sa buong nilalaman ng Kasulatan.
5. Ang Prinsipyong Praktikal. Kapag nasuri na natin ng tama ang isang sipi para maunawaan ang kahulugan noon, may obligasyon tayo na ilapat ito sa ating mga buhay. Ang “tamang pagbabahagi ng salita ng katotohanan” ay hindi lamang isang intelektwal na pagsasanay; ito ay isang kaganapan na bumabago ng buhay.
English
Ano ang tamang exegesis ng Bibliya?