settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga gawi/kinagawian?

Sagot


Ang isang gawi/kinagawian ay nangangahulugan ng "isang bagay na laging ginagawa. At kaya nga nagagawa ng madali sa tuwina; isang gawain na natutunan at kusa ng nagagawa." Lahat tayo ay may mga gawi/nakagawian ng gawin, mabuti man o masama. Kahit na ang mga bagong silang pa lamang na sanggol ay nakagawian ng sipsipin ang kanilang mga hinlalaki. Gayunman, para sa Kristiyano, ang ating buong buhay ay isang buhay na binabago sa pamamagitan ng pagbabago ng ating isip (Roma 12:2). Nagpapahiwatig ito ng pagpapalit ng dating (masasamang) mga gawi para sa mga bagong (mabubuting) mga gawi, upang mabigyan ng kasiyahan ang Panginoon. Halimbawa, ang paggawa ng "lahat ng bagay nang walang reklamo at pagtatalo" (Filipos 2:14) ay maaaring mangailangan ng isang bagong gawi para sa atin. Maaaring kailangan nating linangin ang isang bagong paraan ng pagiisip, ang mga negatibo para maging positibo "habang ginagapi natin ang lahat ng pagmamataas laban sa kaalaman tungkol sa Diyos, at binibihag natin ang lahat ng isipan upang matutong sumunod kay Cristo" (2 Corinto 10:5).

Ang utos ng Diyos na "huwag magnanakaw" ay nangangahulugan na dapat nating ugaliin na maging tapat sa lahat ng bagay. Maaaring nangangailangan ito ng mga bagong gawi para sa ilan. Ito ay ang "paghuhubad" ng ating lumang kalikasan at "pagbibihis" ng ating bagong kalikasan na ibinigay sa atin ng Diyos noong isilang tayo sa espiritwal na pamilya ng Diyos (Colosas 3:9-10). Hindi ito isang bagay na madaling gawin at sa katotohanan, imposible itong gawin sa ating sariling lakas. Ngunit ipinapaalala sa atin ni Pablo, "ang lahat ng ito'y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo" (Filipos 4:13).

Patungkol sa mga kinagawian na may kinalaman sa kalusugan, gaya ng paginom ng bawal na gamot, paninigarilyo, paglalasing, sekswal na imoralidad at iba pa, sinasabihan tayo, "Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at ipinagkaloob ng Diyos sa inyo? Hindi ninyo pag-aari ang inyong katawan; sapagkat binili na kayo sa isang halaga. Kaya't gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos" (1 Corinto 6:19-20). "Huwag kayong maglalasing, sapagkat sisirain lamang niyan ang inyong buhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng Espiritu" (Efeso 5:18).

Para sa mga kay Jesu Cristo, ang pagbuo ng mga bagong gawi na kinokontrol ng Banal na Espiritu ay isang paraaan ng pamumuhay. Ang mga bagong gawing ito ay inilarawan ni Jesus bilang pag-ibig para sa Kanya. Sumagot si Jesus, "Ang umiibig sa akin ay tumutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami'y pupunta at mananahan sa kanya" (Juan 14:23). Ang pinakamahalaga, sinasabi sa atin, "At anuman ang inyong gagawin o sasabihin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama" (Colosas 3:17).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga gawi/kinagawian?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries