Tanong
Ano ang ibig sabihin na walang pagkakamali ang Bibliya? Ano ang doktrina tungkol sa hindi pagkakamali ng Bibliya?
Sagot
Ang salitang ingles na infallible na sa tagalog ay “hindi nagkakamali” ay nangangahulugang “walang kapasidad sa kamalian.” Kung hindi nagkakamali ang isang bagay, tiyak itong mapagkakatiwalaan. Sa parehong paraan, ang salitang ingles na inerrant, ay mailalapat din sa Kasulatan, na nangangahulugang “walang kamalian.” Sa isang simpleng salita, ang Bibliya ay walang kamalian o hindi nagkakamali.
Inaangkin mismo ng Bibliya ang kawalan ng kamalian nito sa 2 Pedro 1:19, “At kami ay mayroong lalong panatag na salita ng hula.” Nagpatuloy si Pedro sa paglalarawan kung paanong nagkroon ng Kasulatan: “Na maalaman muna ito, na alin mang hula ng kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling pagpapaliwanag. Sapagka't hindi sa kalooban ng tao dumating ang hula kailanman: kundi ang mga tao ay nagsalita buhat sa Dios, na nangaudyokan ng Espiritu Santo” (2 Pedro 1:20–21).
Gayundin naman, makikita natin ang kawalan ng kamalian ng Kasulatan sa 2 Timoteo 3:16–17, “Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran. ” Ang katotohanan na “kinasihan” ng Diyos ang Kasulatan ang nagbibigay sa atin ng katiyakan na hindi nagkakamali ang Bibliya, dahil hindi maaaring magkamali ang Diyos. Ang katotohanan na ang Bibliya ang naghahanda sa lingkod ng Diyos para sa paglilingkod ang nagpapakita sa atin na ginagabayan tayo ng Kasulatan sa katotohanan hindi sa kasinungalingan.
Kung hindi nagkakamali ang Diyos, gayundin naman kung gayon ang Kanyang Salita. Ang doktrina sa kawalan ng kamalian ng Bibliya ay nakabase sa pangunawa sa perpektong katangian ng Diyos. “Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal, na nagsasauli ng kaluluwa” (Awit 19:7) dahil ang Diyos mismo ay sakdal. Sa teolohiya, laging iniuugnay ang Diyos sa Kanyang Salita; ang Panginoong Hesus mismo ay tinawag na “Salita” (Juan 1:14).
Dapat tandaan na ang doktrina tungkol sa kawalan ng pagkakamali ng Bibliya ay tumutukoy lamang sa mga orihinal na dokumento o mga autograph. Ang mga kamalian sa pagsasalin sa ibang wika, sa pagimprinta, at sa pagIilipat sa papel ay mga pagkakamali ng tao at kadalasang madaling mapansin. Gayunman, ang mga orihinal na isinulat ng mga manunulat ng Bibliya ay ganap na malaya sa kamalian at walang dagdag-bawas habang pinamamahalaan ng Banal na Espiritu ang kanilang gawain. Ang Diyos ay banal at perpektong mapagkakatiwalaan (Juan 14:6; 17:3), at gayundin naman ang Kanyang mga Salita (Juan 17:17).
Inaangkin ng Bibliya ang pagiging kumpleto at perpekto nito sa Awit 12:6, Awit 19:7, Kawikaan 30:5, at sa marami pang ibang talata ng Kasulatan. Ito ay makatotohanan sa kabuuan at ang totoo, ito ang humahatol sa atin, hindi tayo ang dapat na humatol dito. “Sapagka't ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso” (Hebreo 4:12).
Ang Bibliya ang tanging mapagkakatiwalaang bukal ng lahat ng ibinigay sa atin ng Diyos tungkol sa Kanyang sarili at sa Kanyang plano sa sangkatauhan. Bilang hindi nagkakamaling salita ng Diyos, ang Bibliya ay walang pagkakamali, makapangyarihan, mapagkakatiwalaan at sapat upang katagpuin ang ating mga pangangailangang espiritwal. English
Ano ang ibig sabihin na walang pagkakamali ang Bibliya? Ano ang doktrina tungkol sa hindi pagkakamali ng Bibliya?