Tanong
Paano tayo magtitiwala na totoo ang mga hula sa Bibliya tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap?
Sagot
Ang pangunahing dahilan kung bakit mapagkakatiwalaan natin na totoo ang mga hula sa Bibliya ay dahil katulad ng ibang nilalaman ng Bibliya, ibinigay sa atin ang mga hulang ito ng Manlilikha ng lahat na mga bagay. Ito ay kinasihan ng Diyos, hindi nagkakamali, perpekto, at totoo. Hindi kayang magsinungaling ng Diyos (Tito 1:2), at ang pagiging katiwa-tiwala ng mga hula sa Bibliya ay nag-ugat sa Kanyang perpektong karakter at karunungan: “Sa simula pa'y itinakda ko na, at aking inihayag kung ano ang magaganap. Sinabi kong tiyak na magaganap ang lahat ng balak ko, at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin” (Isaias 46:10).
Ipinapahayag ng mga hula sa Bibliya ang hinaharap at ipinaliliwanag ang mga positibo at negatibong resulta ng mga kaganapang iyon. Maaaring ang laman ng hula ay mga pangyayari na magdudulot ng kagalakan at kasiyahan o ng takot at pangamba sa mga tao. Sa tuwing hindi pinapansin ang mga hula sa Bibliya, ito ay karaniwang dahil ayaw ng mga mambabasa ang kanilang nababasa sa anumang kadahilanan. Laging tiyak ang mga hula sa Bibliya at may partikular na epekto sa isang tao o bagay. Lagi itong mapagkakatiwalaan at karapatdapat sa ating ganap na pagtitiwala. Maaaring makatulong ang mga hula upang hubugin ang ating buhay at bigyan tayo ng direksyon sa ating paglilingkod sa Panginoon. Ang mga hula ay dapat na panggalingan ng katuruan at maaaring pagkunan ng ating lakas. Hindi gaya ng mga tinatawag na “hula” na ating naririnig sa panahong ito, ang tunay na hula ay laging tama at hindi nagkakamali. Laging nagaganap ang anumang inihula ng Diyos (Isaias 14:24).
Ang hula tungkol sa baha sa Genesis 6 ay isang halimbawa. Ipinaliwanag ng Diyos ang Kanyang dahilan sa pagpapabaha sa mundo, pagkatapos ay ibinigay ang mga tagubilin kay Noe sa paggawa ng arko upang magligtas ng buhay at pagkatapos, pinabaha Niya sa mundo upang puksain ang lahat ng may buhay. Naglalaman ang mga panaginip ni Jose sa Genesis 37:5–10 ng mga hula na magaganap sa huling bahagi ng kanyang buhay. Sinasabi sa Deuteronomio 18:18, “kaya mula sa kanila, pipili ako para sa kanila ng isang propetang katulad mo. Sasabihin ko sa kanya ang aking kalooban, at siya ang magsasabi nito sa mga tao.” Ang hulang ito ay tungkol sa Mesiyas na manggagaling sa mga Hudyo, ang ating Panginoong Hesu Kristo at binanggit din sa Gawa 3:22. Naglalaman ang Isaias 53 ng mga hula tungkol sa Panginoong Hesu Kristo: tungkol sa Kanyang kabataan, ministeryo, sa Kanyang pagtubos sa kasalanan at paghahandog ng Kanyang sariling buhay. Ibinigay sa atin sa Awit 22 ang isa pang hula tungkol sa paghihirap ng Panginoon na nakapaloob sa paglalarawan kay Haring David.
Sa mga mismong hula ng ating Panginoong Hesu Kristo gaya ng mababasa sa Mateo 24, ipinahayag Niya ang mga magaganap na digmaan, tag-gutom, mga lindol, paguusig, pagtalikod sa pananampalataya at pagtataksil sa Diyos at sa huli, ang Kanyang muling pagparito. Ang mga hulang ito at iba pang mga hula tungkol sa mga magaganap sa mga huling araw ay mapagkakatiwalaan gaya ng hula ng Diyos tungkol sa pandaigdigang baha. Ang mga parehong paglalarawan sa mga pagkawasak na darating ay matatagpuan din sa 2 Pedro 3 at Pahayag 6 hanggang 16. Sa 1 Tesalonica 4:13–18, ipinangako sa mga Kristiyano ang pagliligtas sa kanila sa mga araw ng kaguluhan. Binibigyan tayo ng mga hula sa Bibliya ng mapa ng mga mangyayari sa hinaharap. Ang hindi paniniwala sa hula tungkol sa pagdagit sa mga mananampalataya ay pagtanggi sa isa sa mga dakilang kaloob ng Diyos.
Mapagkakatiwalaan natin na iniibig tayo ng Diyos at ipinagkaloob Niya sa atin ang Kanyang Anak (Juan 3:16). Mapagkakatiwalaan din natin Siya bilang may-akda ng mga hula sa Bibliya. Sinabi ng Panginoong Hesus, “Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan?” (Juan 14:2). Pagkatapos, ibinigay Niya sa atin ang isang dakilang katiyakan, “At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako'y babalik at isasama ko kayo upang kayo'y makapiling ko kung saan ako naroroon” (talata 3). Ito ay dapat na magsilbing kalakasan para sa lahat ng Kristiyano.
Magtiwala ka sa mga hula ng Diyos, gaya ng kung paanong inilagak mo ang iyong pagtitiwala sa Kanyang Anak. “Sapagkat kay Cristo, ang lahat ng pangako ng Diyos ay palaging “Oo”. Dahil dito, nakakasagot tayo ng “Amen” sa pamamagitan niya para sa ikaluluwalhati ng Diyos” (2 Corinto 1:20).
English
Paano tayo magtitiwala na totoo ang mga hula sa Bibliya tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap?