Tanong
Gaano kalaki ang impluwensya ng Bibliya sa lipunan?
Sagot
Napatunayan na sa pagdaan ng panahon na ang Salita ng Diyos ay may malaking impluwensya sa lipunan at kultura kung saan ito ipinapakilala. Sa lugar ng Tesalonica noong unang siglo, ilang Kristiyano ang kinaladkad ng mga tao sa mga lansangan na ganito ang isinisigaw: “Itong mga nagsisipagtiwarik ng sanglibutan, ay nagsiparito rin naman” (Gawa 17:6). Natural lamang na may impluwensya ang Bibliya sa lipunan, dahil may impluwensya ito sa bawat indibidwal na miyembro ng lipunan.
Ang Diyos ang Manlilikha ng sanlibutan at sa mga taong naninirahan dito (Genesis 1). Mula sa umpisa ginawa ng Diyos ang mundo at ang sangkatauhan upang “mabuhay” sa kanya-kanyang kaparaanan. Sa tuwing hindi sumusunod ang lipunan sa mga prinsipyo na ibinigay ng Diyos sa Bibliya, hindi nagiging maayos ang buhay ng tao sa mundo. Ang Diyos lamang ang tanging may ganap na kaalaman kung paano gagana ang lahat para sa ating ikabubuti, at ibinahagi Niya sa tao ang kaalamang iyon sa Kanyang Salita. Inilarawan ang Salita ng Diyos sa Hebreo 4:12 sa ganitong paraan: “Sapagka't ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso. ” Nangangahulugan ito na ang Bibliya ay angkop sa lahat ng panahon gaya noong una itong isinulat.
Kung kinikilala at pinararangalan ng isang bansa ang Diyos, nagkakaroon ito ng paggalang sa lahat ng nilikha ng Diyos. Kung hindi, hindi igagalang ng lipunan ang mga nilikha ng Diyos at ito ang dahilan ng pagdurusa ng mga tao sa lipunang iyon.
Mula pa sa pasimula, may kalayaan ang tao kung susunod o susuway sa kalooban ng Diyos. Ngunit laging may konsekwensya ang ating kalayaang pumili. Idinokumento sa kasaysayan ng Israel sa Lumang Tipan ang mga batas panlipunan at tuntunin na ibinigay sa kanila ng Diyos. Sa tuwing sumusunod ang Israel sa mga kautusan ng Diyos, nagiging maayos ang takbo ng kanilang lipunan, ngunit sa tuwing sinasalungat nila ang disenyo ng Diyos, bumubulusok sila pababa. Ipinapakita ng maraming pagtatangkang ginagawa ng tao ngayon na alisin ang impluwensya ng Bibliya sa lipunan at isantabi ang mga katuruan ng Bibliya ang pagmamataas ng sangkatauhan tulad sa pagsasabing, “Mas magaling kami kaysa sa Diyos na lumikha sa amin.”
Hindi nangangahulugan na dapat tayong magtatag ng isang lipunan na direktang pinamamahalaan ng Diyos gaya ng sinaunang Israel. Ang layunin ng Diyos sa pagtatatag ng sistema ng pamahalaang iyon ay para lamang sa isang partikular na lugar at panahon. Gayunman, kung mauunawaan ng tama ang Bibliya, magbubunga ang impluwensya nito sa lipunan sa kaunting krimen, kaunting diborsyo, kaunting katamaran, at mas maraming pagkakawanggawa. Gaya ng isinulat ng pangalawang presidente ng Amerika na si John Adams, “Ipagpalagay na gawin ng isang bansa na tanging aklat ang Bibliya para sa mga batas, at ang bawat miyembro ng lipunan ay sumunod sa mga alituntunin na nakasaad dito, ang bawat tao ay maoobliga sa kanilang konsensya na maging mapagpigil, matipid, at masipag; makatarungan, mabuting loob at matulungin sa kapwa-tao; mahabagin, puno ng pag-ibig at paggalang sa Diyos... magiging tulad sa isang paraiso ang bahaging ito ng mundo!” (Diary and Autobiography of John Adams, Vol. III, p. 9). Sinasabi sa Bibliya: “Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon; ang bayan na kaniyang pinili sa ganang kaniyang sariling mana” (Awit 33:12). English
Gaano kalaki ang impluwensya ng Bibliya sa lipunan?