Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa integridad?
Sagot
Sa Lumang Tipan, ang salitang Hebreo na isinalin sa salitang "integridad" ay nangangahulugang "isang kundisyon na pagiging walang kapintasan, pagiging ganap, perpeksyon, sinseridad, pagiging marangal, katapatan, kabutihan." Ang integridad sa Bagong Tipan ay nangangahulugan ng "katapatan at pagsunod sa isang pamantayan ng mabubuting gawa."
Si Jesus ang perpektong halimbawa ng isang lalaki ng integridad. Pagkatapos na bawtismuhan, pumunta Siya sa ilang para mag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi kung kailan dumating si Satanas sa Kanyang pinakamahinang sandali para subukang sirain ang Kanyang integridad. Si Jesus ay tunay na tao at tunay na Diyos sa parehong panahon, at tinukso Siya sa lahat ng paraan ngunit hindi nagkasala kailanman (Hebreo 4:15); ito ang kahulugan ng integridad. Si Jesus lamang ang nagiisang walang dungis, perpekto, ganap ang katapatan, at laging nagpapakita ng mabubuting gawa.
Tinawag ang mga Kristiyano para maging gaya ni Jesus. Kay Kristo, tayo ay mga bagong nilalang at maituturing na walang dungis sa harapan ng Diyos (2 Corinto 5:17, 21; Efeso 1:4–8). Kay Cristo, pinananahanan din tayo ng Banal na Espiritu na gumagawa sa atin at ginagawa tayong mas kagaya ni Jesus (Roma 8:29; 2 Corinto 3:18). Dapat din tayong "magsikap na maging masunurin at pagsumikapan na maging ganap ang ating kaligtasan nang may lubusang paggalang at pag-ibig sa Diyos" (Filipos 2:12–13). Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos tayo magiging mga lalaki at babeng may integridad. Tinawag tayo upang sumunod sa Diyos at sa pamamagitan nito, tayo ay magiging mga taong hindi matatawaran ang integridad at moralidad. Ang mga Kristiyano ay nararapat na sumunod sa katotohanan at gumawa ng mabubuting gawa.
Ang integridad sa ating mundo ngayon ay nagpapahiwatig ng isang hindi nadudungisang moralidad. Hindi dapat na nasusuhulan o nakikipagkompromiso ang mga Kristiyano dahil naglilingkod sila sa Diyos hindi sa tao (Colosas 3:17, 23; Gawa 5:29). Dapat tayong maging mga tao na may isang salita (Mateo 5:27; Santiago 5:12). Dapat nating ibigin ang mga tao sa ating paligid sa salita at sa gawa (1 Juan 3:17–18; Santiago 2:17–18; Efeso 4:29). Tinawag tayo upang sumampalataya sa Diyos at sumunod sa Kanya sa lahat ng aspeto ng ating buhay (Juan 6:19; 15:1–17). Dapat na sumasang-ayon ang ating buhay sa ating paniniwala sa Diyos at nagpapamalas ng pagtitiwala na ang Kanyang mga paraan ang pinakamabuti (Kawikaan 3:5–6).
Ang pamumuhay sa integridad sa isang mundo kung saan pinapaboran ang katiwalian, maliban pa sa ating pakikibaka laban sa ating sariling makasalanang kalikasan ay isang malaking hamon. Pinalalakas ng 1 Pedro 3:13–18 ang ating loob: "At sino naman ang gagawa sa inyo ng masama kung masigasig kayo sa paggawa ng mabuti? At sakali mang usigin kayo dahil sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, pinagpala kayo! Huwag kayong matakot sa kanila at huwag kayong mabagabag. Igalang ninyo si Cristo mula sa inyong puso bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang sumagot sa sinumang humihingi ng paliwanag sa inyo tungkol sa pag-asang nasa inyo. Ngunit gawin ninyo ito nang mahinahon at may paggalang. Panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang mga nanlalait at humahamak sa inyong magandang pag-uugali bilang mga lingkod ni Cristo. Higit na mainam ang kayo'y magdusa dahil sa paggawa ng mabuti, sakali mang ito'y ipahintulot ng Diyos, kaysa magdusa kayo dahil sa paggawa ng masama. Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo sa Diyos. Siya'y pinatay sa laman, at muling binuhay sa espiritu." Ang pamumuhay sa integridad ay pagsunod sa halimbawa ni Cristo. At makakapamuhay lamang tayo ng may integridad sa pamamagitan ng Kanyang mabiyayang kapangyarihan, na libre Niyang ipinagkakaloob sa lahat ng sa Kanya (Juan 16:33; Filipos 1:6; Efeso 1:13–14).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa integridad?