Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kahabagan?
Sagot
Ang salitang Hebreo at salitang Griyego na isinalin sa salitang tagalog na "kahabagan" sa Bibliya ay nangangahulugang "maawa, makaramdam ng simpatya at magkaroon ng habag." Alam natin na ayon sa Bibliya, ang Diyos ay "...tunay na mabait, wagas ang pag-ibig, di madaling magalit, lubhang mahabagi't banayad magalit" (Awit 86:15). Gaya ng iba pang mga katangian ng Diyos, ang kahabagan ng Diyos ay walang katapusan at walang hanggan. "Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila (Panaghoy 3:22-23).
Ipinakilala ni Jesu Cristo ang Anak ng Diyos, ang lahat ng katangian ng Ama, kabilang ang kahabagan. Nang makita ni Jesus ang Kanyang mga kaibigan na tumatangis sa libingan ni Lazaro, nakadama Siya ng kahabagan para sa kanila at tumangis Siya na kasama nila (Juan 11:33-35). Dahil sa Kanyang kahabagan sa pagdurusa ng iba, pinagaling Niya ang mga may sakit na pumunta sa Kanya (Mateo 14:14), gayundin ang mga indibidwal na lumalapit sa Kanya para sa kagalingan (Markos 1:40-41). Nang makita Niya ang malaking grupo ng tao na gaya ng mga tupa na walang pastol, ang Kanyang kahabagan ang nagtulak sa Kanya para ituro sa kanila ang mga bagay na hindi itinuturo ng mga upahang pastor. Mayayabang at tiwali ang mga saserdote at mga eskriba; minamaliit nila ang mga karaniwang tao at pinabayaan sila, ngunit nahabag si Jesus sa mga tao at tinuruan at inibig sila.
Nang tanungin si Jesus tungkol sa kung ano ang pinakamahalagang utos, sinabi ni Jesus na ito ay ang pag-ibig sa Diyos ng buong puso, buong isip, at buong lakas. Ngunit idinagdag Niya ang ikalawang utos: "Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili" (Mateo 22:34-40). Tinanong si Jesus ng isang Pariseo kung anong utos ng Diyos ang pinakamahalaga, ngunit dalawa ang Kanyang ibinigay, na itinuturo hindi lamang ang dapat nating gawin kundi kung paano iyon gagawin. Ang pag-ibig sa ating kapwa ng gaya ng ating sarili ay ang normal na resulta ng ating pag-ibig sa Diyos.
Itinanong sa 1 Juan 3:17, "Kapag nakita ng isang maykaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangailangan, at pinagkaitan niya ito ng tulong, masasabi bang siya'y umiibig sa Diyos?" Orihinal na ginawa sa wangis ng Diyos, dapat na ipakita ng tao ang mga katangian ng Diyos kasama ang kahabagan. Dahil dito, "ang nagsasabing, "Iniibig ko ang Diyos," subalit napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Kung ang kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita?" (1 Juan 4:20). Malinaw ang itinuturo ng Bibliya na ang pagiging mahabagin ay isang katangian ng Diyos maging ng Kanyang mga anak.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kahabagan?