settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kalungkutan?

Sagot


Maraming halimbawa ang Bibliya ng kalungkutan na resulta ng pagbagsak ng tao sa kasalanan at ng mga aplikasyon kung paano natin maluluwalhati ang Diyos sa gitna nito. Maaaring ang kalungkutan ay direkta o hindi direktang resulta ng kasalanan at dahil nabubuhay tayo sa makasalanang mundong ito, ang kasalanan ay normal na bahagi ng ating buhay (Awit 90:10). Puno ang aklat ng Awit ng pagbubuhos ni David ng kalungkutan ng kanyang puso sa Diyos na sanhi ng mga taong tumalikod at lumaban sa kanya. Gaya ni David, lagi tayong nakakadama na iniwanan na tayo ng Diyos sa mga panahon ng kalungkutan dahilan sa pagtalikod at paglaban sa atin ng mga tao, "Gaano katagal pa itong hapdi ng damdamin at ang lungkot sa puso kong gabi't araw titiisin? Kaaway ko'y hanggang kailan magwawagi sa akin?" (Awit 13:2). Ngunit laging tapat ang Diyos at gaya ng saloobin ni David, ang ating pagtitiwala sa Diyos ay may matibay na saligan. "Nananalig ako sa pag-ibig mong wagas, magagalak ako dahil ako'y ililigtas. O Yahweh, ika'y aking aawitan, dahil sa iyong masaganang kabutihan (Awit 13:5-6).

Sa Awit 16, nagalak sa David sa kanyang mana bilang tagasunod ng isang nagiisa at tunay na Diyos, kabilang ang isang "kasiya-siyang pamana" (talata 6), at kagalakan, kasiyahan at kaligtasan (talata 9), habang darami naman ang kalungkutan ng mga taong tumatanggi sa Diyos at sumusunod sa mga diyus-diyusan (talata 4). Ngunit pinagtiisan din ni David ang pagdami ng kalungkutan ng magkasala siya laban sa Diyos. "Sapagka't ang aking buhay ay napupugnaw sa kapanglawan, at ang aking mga taon ay sa pagbubuntong hininga: ang aking lakas ay nanglulupaypay dahil sa aking kasamaan, at ang aking mga buto ay nangangatog" (Awit 31:10). Ngunit sa sumunod na Awit, nagalak si David sa biyaya ng Diyos na nagpapatawad sa mga lumalapit sa Kanya at nagsisisi. Ang kalungkutan ni David ay naging mga pagpapala: "Mapalad siyang pinatawad ng pagsalangsang, na tinakpan ang kasalanan. Mapalad ang tao na hindi paratangan ng kasamaan ng Panginoon, at walang pagdaraya ang diwa niya" (Awit 32:1-2). Sa Awit 32:10, sinabi ni David na ang kalungkutan at pagdadalamhati ay bunga ng kasalanan: "Maraming kapanglawan ay sasapit sa masama: nguni't siyang tumitiwala sa Panginoon, kagandahang-loob ang liligid sa kaniya sa palibot."

Ang talinghaga tungkol sa alibughang anak sa Lukas 15:11-24 ay nagpapakita din sa atin kung paano natin haharapin ang kalungkutan na sanhi ng kasalanan. Ang katangian ng pagsisisi ay bunga ng kumbiksyon dahil sa kasalanan, pagpapahayag ng kasalanan sa Diyos, pagnanais na itama ang mali, pagtalikod sa makasalananag pamumuhay at paghahangad ng kabanalan. Dapat na itulak tayo ng kasalanan sa makadiyos na kalungkutan na agad na magtutulak sa atin sa pagsisisi (2 Corinto 7:10).

Siyempre, hindi lahat ng kalungkutan ay dahil sa mga kasalanan na ating nagagawa. Minsan, ito ay dahil sa pamumuhay sa mundong ito na sinumpa ng Diyos dahil sa kasalanan at sa pakikitungo natin sa mga makasalanang tao. Si Job ay isa sa mga nakaranas ng malaking pagdadalamhati at kalungkutan bagama't hindi dahil sa kanyang kagagawan. Kinuha sa kanya ng sabay-sabay ang kanyang kayamanan at sampung anak at naupo siya sa abo habang mapuno ng bukol at sugat ang kanyang buong katawan (Job 1–3). Dagdag pa sa kanyang problema ang kanyang tatlong kaibigan na dumalaw sa kanya na inaakusahan siya ng pagkakasala laban sa Diyos. Ikinakatwiran nila na ano pa ba ang dahilan kung bakit siya nasadlak sa ganoong kalagayan kundi dahil sa kanyang kasalanan? Ngunit gaya ng inihayag ng Diyos kay Job at sa kanyang mga kaibigan, minsan, hinahayaan Niya ang mga pangyayari sa ating buhay na siyang nagiging dahilan ng kapighatian at kalungkutan sa ating mga buhay para sa Kanyang banal na layunin. At minsan din naman, hindi ipinapaliwanag sa atin ng Diyos ang Kanyang mga dahilan (Job 38–42).

Sinasabi sa atin ng Mangaawit, "Ang Diyos na ito ay sakdal ang gawa" (Awit 18:30). Kung "sakdal" ang gawa ng Diyos, mapagtitiwalaan natin na anuman ang Kanyang ginagawa—at anuman ang Kanyang pinahihintulutang mangyari— ay sakdal din naman. Maaaring tila hindi ito posible para sa atin, ngunit ang ating isipan ay hindi isipan ng Diyos. Totoo na hindi natin perpektong mauunawaan ang isipan ng Diyos, gaya ng Kanyang ipinapaalala sa atin, "Ang sabi ni Yahweh, "Ang aking kaisipa'y hindi ninyo kaisipan, ang inyong kaparaanan ay hindi ko kaparaanan. Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa lupa, ang aking kaparaanan ay higit kaysa inyong kaparaanan, at ang aking kaisipan ay hindi maaabot ng inyong kaisipan" (Isaias 55:8-9). Minsan, ang perpektong kalooban ng Diyos ay kinapapalooban ng kalungkutan at pagdadalamhati para sa Kanyang mga anak. Ngunit maaari tayong magalak dahil hindi Niya tayo susubukin ng higit sa ating makakaya (1 Corinto 10:13) at "gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya…. upang maging katulad sila ng kanyang Anak (Roma 8:28–29).

Walang sinuman ang nakaranas ng higit na pagdurusa kaysa sa mga pagdurusang naranasan ni Jesus, "isang taong sa kapanglawan, at bihasa sa karamdaman" (Isaias 53:3). Ang Kanyang buhay ay serye ng nagpapatuloy na kapighatian, mula sa sabsaban hanggang sa krus. Sa Kanyang kabataan, nanganib ang Kanyang buhay kay Herodes, kaya't itinakas Siya ng kanyang mga magulang sa Egipto (Mateo 2:19-20). Ang Kanyang buong ministeryo ay puno ng kalungkutan na dulot ng katigasan at hindi pananampalataya ng mga tao, mula sa paglaban ng mga lider-relihiyon, maging sa kawalan ng pananampalataya ng kanyang sariling mga alagad, at dulot ng mga pagtukso ni Satanas. Noong gabing bago Siya ipako sa krus, "Labis Siyang namanglaw" habang iniisip ang paparating na poot at galit ng Diyos na Kanyang daranasin upang mamatay para sa Kanyang mga hinirang (Mateo 26:38). Napakalaki ng Kanyang nadaramang sakit anupa't tumulo ang Kanyang pawis na gaya ng malalaking patak ng dugo (Lukas 22:44). Ngunit, ang pinakamatinding kapighatian ay naranasan ni Jesus noong itago ng Diyos ang Kanyang mukha sa Kanya na Siyang dahilan ng pagsigaw Niya dahil sa hirap, "Ama Ko, Bakit Mo Ako pinabayaan?" (Mateo 27:46). Tiyak na walang kahit anong kalungkutan ang ating maikukumpara sa dinanas ng ating Tagapagligtas.

Ngunit kung paanong itinaas si Jesus sa kanan ng Ama pagkatapos na dumanas ng maraming kalungkutan, ginagamit ng Diyos ang ating mga kahirapan upang maging tulad tayo ni Kristo (Roma 5:3-5; 8:28-29; James 1:2-4; Hebreo 12:10). Kasama natin Siya sa panahon ng kapighatian at nauunawaan Niya ang ating mga pagdurusa (Hebreo 4:15). Maaari nating ilagak sa Kanya ang ating mga kabalisahan at magtiwala sa Kanyang pag-ibig para sa atin (1 Pedro 5:7). Maaaring hindi natin mauunawaan, ngunit maaari tayong magpahinga sa Kanyang katapatan at ipahayag sa Kanya ang ating kalungkutan (Awit 58:6). Mayroon din tayong espiritwal na pamilya na maaari nating bahaginan ng ating mga kahirapan (Galacia 6:2; Roma 12:15). Hindi tayo dapat mag-isa sa ating mga kalungkutan, sa halip makidalamhati tayo sa isa't isa at magpalakasan sa isa't isa (Hebreo 10:24–26; Efeso 5:19–20). Habang tiyak nating hindi magiging perpekto ang buhay sa mundo kasama ang makasalanang mga tao, alam nating tapat ang Diyos at sa muling pagbabalik ni Kristo, "papalitan Niya ng kasiyahan ang kalungkutan" (Isaias 35:10). Ngunit, pansamantala, gamitin natin ang ating mga kalungkutan para luwalhatiin ang Diyos (1 Pedro 1:6-7) at magpahinga tayo sa biyaya at kapayapaan ng Makapangyarihang Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kalungkutan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries