Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kamatayan?
Sagot
Inilalarawan ng Bibliya ang kamatayan na paghiwalay: ang pisikal na kamatayan ay ang paghiwalay ng kaluluwa mula sa katawan, at ang espiritwal na kamatayan naman ang pagkahiwalay ng kaluluwa mula sa Diyos.
Ang kamatayan ay resulta ng kasalanan. “Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan,” (Roma 6:23a). Ang buong mundo ay nasa ilalim ng sumpa ng kamatayan dahil ang lahat ay nagkasala. “Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala” (Roma 5:12). Sa Genesis 2:17, nagbabala ang Diyos kay Adan na ang kabayaran ng kanyang pagsuway ay kamatayan – “walang pagsalang mamamatay ka.” Nang sumuway si Adan, agad niyang naranasan ang kamatayang espiritwal na naging dahilan ng pagtatago nila sa “harapan ng Panginoong Dios sa pagitan ng mga punong kahoy sa halamanan” (Genesis 3:8). Kalaunan, naranasan din ni Adan ang kamatayang pisikal (Genesis 5:5).
Doon sa krus, naranasan ni Hesus ang kamatayang pisikal (Mateo 27:50). Ang pagkakaiba ay namatay si Adan dahil siya ay isang makasalanan, ngunit si Hesus na hindi nagkasala at kusang ibinigay ang Kanyang buhay upang maging kahalili ng mga makasalanan (Hebreo 2:9). Pagkatapos, ipinakita ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan laban sa kamatayan at kasalanan ng magbangon Siya mula sa mga patay ng ikatlong araw (Mateo28; Pahayag 1:18). Dahil kay Kristo, ang kamatayan ay natalo na. “Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong pagtatagumpay? Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong tibo?” (1 Corinto 15:55; Oseas 13:14).
Para sa mga hindi mananampalataya, ang kamatayang pisikal ang wakas ng anumang pagkakataon upang tanggapin ang biyaya ng kaligtasan na iniaalok ng Diyos. “At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom” (Hebreo 9:27). Para sa mga mananampalataya, ang kamatayan ay pagtungo sa presensya ni Kristo: “Sapagka't ako'y nagigipit sa magkabila, akong may nasang umalis at suma kay Cristo; sapagka't ito'y lalong mabuti” (2 Corinto 5:8; Filipos 1:23). Totoong totoo ang pangakong pagkabuhay na mag-uli para sa mga mananampalataya kaya’t inilarawan ang kamatayan pisikal na tulad lamang sa “pagtulog” (1 Corinto 15:51; 1 Tesalonica 5:10). Naghihintay tayo sa panahong iyon kung kalian, “papahirin niya ang bawa't luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan” (Pahayag 21:4).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kamatayan?